25.6 C
Manila
Lunes, Disyembre 23, 2024

Mga bagong teknolohiya kailangan upang matiyak ang seguridad ng enerhiya — Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Sinabi ni Senador Win Gatchalian na ang paggamit ng mga bagong teknolohiya ay kinakailangan upang matiyak ang seguridad ng enerhiya sa bansa sa gitna ng inaasahang mas malakas na pangangailangan sa kuryente at upang mapabilis ang transition tungo sa mas malinis na enerhiya.

“Kailangan nating bigyan ng pansin ang mga umuusbong na teknolohiya tulad ng mga baterya at iba pang energy storage systems. Nasa kalagitnaan din tayo ng paghahain ng panukalang batas upang isulong ang energy storage, kabilang na ang baterya. Pagdating sa nuclear energy, gaano man kakontrobersiyal, dapat pa rin tayong maghanap ng mga bagong teknohiya para dito tulad ng mas maliliit na modular reactors at generation IV nuclear reactors,” sabi ni Gatchalian.

“Bagaman ito ay nangangailangan ng sapat na panahon, kailangan nating tignan ang mga umuusbong na teknolohiya dahil wala rin tayong batas o anumang regulasyon sa mga ito kaya maaari tayong magbalangkas ng kaukulang batas,” dagdag niya.

Sinabi ni Gatchalian na ang bansa ay kasalukuyang 50% self-sufficient sa suplay ng enerhiya, at umaangkat ng 100% ng coal requirement upang matugunan ang natitirang pangangailangan sa kuryente, at ang tangi nating pinagkukunan ng natural gas ay nauubos na. Higit pa rito, ang demand para sa kuryente sa bansa ay tumataas ng average na 6.53% kada taon, kasabay ng paglago ng ekonomiya, na nangangahulugan na ang bansa ay nangangailangan ng karagdagang 66,937 megawatts ng suplay ng kuryente upang matugunan nang sapat ang pangangailangan sa kuryente sa mga susunod na panahon.

“Dahil nag-aangkat tayo ng malaking tipak ng gasolina para sa ating suplay ng kuryente, anumang pagkagambalang dulot ng mga pangyayari sa ibang bansa tulad ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine ay kadalasang nakakaapekto sa kuryente, halaga ng gasolina, at kabuhayan ng mga mahihirap nating kababayan. Ito ang dahilan kung bakit kailangan nating patuloy na maghanap ng mga paraan upang mapabuti ang seguridad ng enerhiya at supply ng kuryente sa ating bansa,” ayon kay Gatchalian.

Si Gatchalian ay naghain ng ilang mga panukalang batas upang matiyak ang seguridad ng enerhiya sa mga susunod na panahon. Isa dito ang Senate Bill 152 o ang Midstream Natural Gas Development Act, na magbibigay ng third-party na access sa mga liquified natural gas (LNG) terminals at transmission pipelines.

Inihain din niya ang Senate Bill 151 o ang Waste-to-Energy (WTE) Act, isang sustainable na paraan ng pagtatapon ng basura at pagbuo ng enerhiya. Ang Senate Bill 485 naman ay nag-aalis ng 100-kilowatt cap para sa pamamahagi ng enerhiya na nabuo mula sa mga solar panel. Ito ay magbibigay-daan sa mas maraming negosyo, tulad ng mga pabrika, na gumamit na ng solar panel sa kanilang mga bubong.

Bukod dito, inihain din ni Gatchalian ang Senate Bill 157 o ang Energy Transition Act na nagtatadhana para sa paglikha ng Energy Transition Plan upang makamit ang net zero emissions sa 2050 at alisin ang pagiging palaasa ng bansa sa imported na gasolina. Kasama sa naturang transition plan ang isang moratorium sa pagtatatag ng mga bagong fuel plants at ang pagpasok ng bagong internal combustion.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -