26.5 C
Manila
Huwebes, Enero 2, 2025

Proyektong Tullahan River Easement Recovery tututukan

- Advertisement -
- Advertisement -
Ang Department of Environment ang Natural Resources (DENR) National Capital Region ay nagsagawa ng isang mahalagang pagpupulong ngayong araw na nakatutok sa proyekto ng Tullahan River Easement Recovery. Ang inisyatiba na ito ay naglalayong ibalik at protektahan ang Tullahan River, isang mahalagang daluyan ng tubig na dumadaloy sa Valenzuela City, sa pamamagitan ng pagtiyak ng pagsunod sa mga regulasyon sa easement at pagtataguyod ng environmental sustainability.
Ang pulong, na pinangunahan ng DENR-NCR Manila Bay Site Coordinating/Management Office at Manila Bay Survey Team, kasama ang Housing and Resettlement Office (HARO) ng Valenzuela, ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagtutulungan para sa nasabing usapin. Layunin ng delineation na makapagbigay ng tumpak at tiyak na mga hangganan upang malutas ang mga suliraning dulot ng mga paglabag at pagsakop sa mga easement zone.
Naging posible ang isinagawang pulong sa paglapit ng HARO Valenzuela sa DENR-NCR upang maging mabilis ang pagproseso ng delineation. Binigyang-diin nila ang kahalagahan ng malinaw at wastong pagtatakda ng mga hangganan upang epektibong maipatupad ang mga regulasyon sa easement at maprotektahan ang mga daluyan ng tubig laban sa patuloy na banta ng polusyon at pagkakasakal ng daloy mula rito.
Ipinahayag naman ni For. Haidee Pabalate, Site Coordinating/Managing Officer ng MBSCMO ang buong kahandaan ng kanilang tanggapan na makipagtulungan at maghatid ng kinakailangang teknikal na tulong upang harapin ang mga hamon, hindi lamang sa aspeto ng proteksyon ng mga daluyan ng tubig, kundi pati na rin sa mga teknikal na usapin na kaakibat nito.
Ang pagtutulungan ng mga nasabing tanggapan ay inaasahang magdudulot ng mas konkretong mga hakbang para sa easement recovery sa Tullahan River at masugpo ang patuloy na pagtatayo ng mga ilegal na estruktura na nagiging sanhi ng pagkasira at pagbara sa daloy ng tubig, na nagdudulot ng malalim na epekto sa kapaligiran at kalusugan ng komunidad.
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -