NAGAGALAK na ibinalita ni Vice President Sara Duterte ang kanyang naging pagbisita sa bahay ng kinikilalang bayani ng bayan ng Vinzons maging sa Gabaldon Museum. Ito ang kanyang pahayag.
“Dinalaw natin ang bahay ng kinikilalang bayani ng bayan ng Vinzons na si Wenceslao sa paanyaya ni Mayor Eleanor Segundo.
“Ang bayan ng Vinzons ay ipinangalan sa kanya. Siya ay naging Gobernador ng Camarines Norte, at pinakabatang delegado sa 1934 Philippiine Constitutional Convention. Naging guerilla leader na pinaslang noong Japanese occupation.
“Ang bahay ni Wenceslao Vinzons ay inayos at ginawang museum ng kanilang munisipyo at parte ng kanilang tourism heritage tour ng kanilang bayan. Bahagi ito ng pagpapahalaga sa kasaysayan at pagpapaigting ng kanilang lokal na turismo na isinisulong ng kanilang bayan.
”Namangha ako sa aking nakita at kung paano nanatili ang mga orihinal na istruktura at mga kagamitan para maipakita ang kasaysayan at kontribusyon ng kanilang kinikilalang bayani sa komunidad at bansa.
“Masaya rin akong malaman na noong linggo ng aking pagbisita ang pormal na pagbubukas ng tahanan para sa publiko.”
Bumisita rin si VP Sara sa Gabaldon Museum. Ito ang kanyang kuwento.
“Binisita natin sa bayan ng Vinzons ang kanilang Gabaldon Museum sa loob ng Vinzons Pilot Elementary School. Ang pagpapatayo ng mga Gabaldon buildings ay isa sa mga programa ng Kagawaran ng Edukasyon at bilang dating Kalihim nito, masaya ako na malaki ang naging ambag nito sa buong komunidad.
”Pinuri ko rin ang lokal na pamahalaan sa isang matagumpay na pagtutulungan sa DepEd na patunay na mahalagang maipaabot ang mahusay na serbisyo sa ating mga mamamayan.
“Ang Gabaldon Museum ay nagsasalamin ng mayamang kasaysayan ng bayan ng Vinzons.”