26.6 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Tren mula Clark airport hanggang Valenzuela babyahe na sa 2027

- Advertisement -
- Advertisement -

TARGET ng Department of Transportation (DoTr) na magkakaroon na ng operasyon ng tren mula sa Clark International Airport hanggang Valenzuela sa huling bahagi ng 2027.

Ito ay nang nakumpleto na ang viaduct ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project Phase 1 mula Malolos hanggang Valenzuela na bahagi ng kabuuang ruta ng tren mula Clark International Airport, Pampanga hanggang Calamba, Laguna.

Ang viaduct ay ikinakalso sa mga pagitan ng mga poste kung saan ilalatag sa ibabaw nito ang riles na dadaanan ng tren.

Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista, na nanguna sa seremonya ng pagkakalso, na ngayong nakumpleto na ang bahaging ito ng NSCR viaduct ay kailangang maging handa ang mga kontratista para sa paglalatag ng riles, kuryente at iba pang aparato na kailangan upang mapaandar ito.

Ayon pa kay Bautista, ang ruta ng tren mula Clark hanggang Calamba ay kayang magsakay ng nasa 800 libong mga pasahero araw-araw dahil nakadisenyo ito na magkaroon ng 58 train sets. Ang bawat isang train set ay mayroong walong magkakadugtong na bagon ng tren.

Ang ruta ay may mga istasyon sa Rehiyon 3 gaya ng sumusunod: Clark, San Fernando, Apalit, Calumpit, Malolos, Guiguinto, Balagtas, Bocaue, at Meycauayan. Magpapatuloy pa ito mula Valenzuela hanggang Calamba.

Pito sa 58 train sets ay magsisilbi namang express trains. Hihinto lamang ito sa istasyon ng Clark, Malolos, Tutuban, Buendia, Alabang at Calamba.

Taong 2018 nang pasimulan ng DoTr ang pre-construction works. Bagama’t bahagyang nabalam noong Marso 2020 dahil sa pandemya ng Covid-19, agad namang itinuloy ang proyekto mula noong Nobyembre 2020 hanggang sa kasalukuyan. (PIA Region 3-Bulacan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -