NOONG Oktubre 4, 2024 naglabas ng ulat-balita ang Philippine Statistical Authority (PSA) na nagsasaad na ang inflation rate noong Setyembre 2024 ay bumaba sa antas na 1.9%, ang pinakamababa sa loob na apat na taon. Ito ay mas mababa sa 3.3% inflation rate na naitala noong Agosto 2024. Batay sa direksyon ng buwanang inflation rate mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon tinatantiya na ang taunang inflation rate para sa 2024 ay nasa 3.4%, pasok sa tinatarget ng inflation rate ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Magandang balita ito sa katatagan ng ekonomiya ng Pilipinas.
Dahil sa balitang ito ang mga bilihan ng salapi at yamang pananalapi ay tumugon nang positibo. Ayon sa balita ng Manila Times noong Oktubre 4, 2024 naging masigla ang bilihan ng stocks at ang halaga ng PH piso ay tumaas relatibo sa halaga nito sa US dolyar o nagkaroon ng apresasyon ang PH piso.
Bakit nagtaasan ang presyo ng mga stocks ng mga kompanya sa stock market bunga ng mababang inflation rate? Ang pangunahing dahilan ay ang pagtaas ng demand sa mga stocks na ito dahil ang tunay na balik (real return) sa mga dibendo ng mga stock ay inaasahang magtataasan din bunga ng mababang inflation rate. Ipakita natin ito sa pamamagitan ng isang payak na halimbawa. Kung ang isang kompanya ay nagbibigay ng P 200 dibidendo sa bawat stock, ang tunay na balik o ang kakayahang makabili ng PHP 200 kung gagamitin ang inflation rate noong Agosto 2024 na 3.3% ay P 193.61 lamang. Kung ikaw ay humahawak ng 100 stocks ng kompanyang ito, ang tunay balik sa dibidendo ng iyong hinahawakang 100 stock ay nagkakahalaga ng PHP 19,361. Kung gagamitin natin ang mababang inflation rate noong Setyembre 2024 na 1.9%, ang tunay na balik sa dibidendo ng hinahawakang 100 stock ay P 19,627. Samakatuwid, ang karagdagang kakayahang makabili o real return ng dibidendo sa hinahawakang 100 stocks ay nagtala ng P 266 pagtaas. Dahil sa dagdag na tunay na balik tataas ang demand sa stock ng kompanya.
Bakit naman nagkaroon ng apresasyon ang halaga ng PH piso sa bilihang ng palitan ng salapi kapag bumababa ang inflation rate? Dahil nagiging mura ang mga produktong iniluluwas ng Pilipinas magtataasan ang demand sa mga iniluluwas nating produkto. Dahil dito, tataas ang suplay ng US dolyar sa ating bansa at presyo ng US dolyar ay bababa bunga ng paglawak ng suplay. Sa dating palitan ng salapi magkakaroon ng labis na suplay ng US dolyar. Upang matanggal ang labis na suplay ng US dolyar dapat ipagbili ito sa mababang presyo o palitan ng salapi. Ang pagbaba ng presyo ng US dolyar ay nagpapahiwatig na tumataas ang halaga ng PH piso o nakararanas ang PH piso ng apresasyon.
Isa pang mahalagang dahilan sa paglawak ng suplay ng US dolyar sa bansa ay ang pagpasok ng dayuhang capital. Ang mababang inflation rate ay nagpapahiwatig na matatag ang ekonomiya kaya’t maeenganyo ang mga dayuhang negosyante na maglagak ng pondo sa ating bansa.
Ang pagbaba ng inflation rate ay ikinagalak ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Sa kasalukuyan ang BSP ay nagsasagawa ng mapagpalawak na patakarang pananalapi upang bumaba ang interest rate at lumaki ang suplay ng salapi na magagamit sa iba’t ibang uri ng gugulin na magpapalago sa ekonomiya. Ang kinakatakutang pagtaas ng inflation rate bunga ng pagpapalawak ng suplay ng salapi ay hindi inaasahan dahil ang inflation rate ngayong taon ay pasok sa tinatarget ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Samakatuwid, maaari pang magbaba ang BSP ng interest rate upang lalong lumawak ang gugulin at lalong lumago ang ekonomiya.
Kahit na naging positibo ang reaksyon ng mga bilihan ng mga yamang pananalapi, may kaakibat na mga pangyayari sa loob at labas ng bansa na magdudulot ng negatibong epekto sa mga bilihang nabanggit. Sa bilihan ng stock, isinantabi nila ang epekto ng namumuong kaguluhan sa Gitnang Silangan bunga ng pagbobomba ng Iran sa Israel at ang ganti ng Israel sa grupo ng Hezbollah, ang pangunahing tagasuporta ng Iran, na nakabase sa Lebanon.
Ang ganitong pangyayari ay maaaring lumalala at maapektuhan ang suplay ng langis na nanggagaling sa Gitnang Silangan. Ang ganitong panganib ay maaaring magpababa sa demand sa stock ng mga kompanya. Ang kaguluhan ay maaaring makapagpapigil sa daloy ng kalakalan at magpaliit ng benta ng mga kompanya at ang kanilang tubo.
Samantala, ang apresasyon ng PH piso ay maaaring hindi mangyarai sa hinaharap bunga ng kaguluhan sa Gitnang Silangan at resesyon sa mga pangunahing ekonomiya ng mundo. Kahit masasabing matatag ang ekonomiya ng Pilipinas sa pananaw ng mga dayuhang negosyante hindi pa rin ito ang pinakaligtas na paglalagyan ng kanilang pondo. Maaaring ilipat nila ang mga pondo sa mga ligtas na lugar tulad ng Estados Unidos. Ang paglabas ng dayuhang pondo sa Pilipinas ay maaaring mauwi sa pagbagsak ng presyo ng PH piso o ang depresasyon nito. Ganito rin ang mangyayari sa PH piso kung mangingibabaw ang resesyon sa European Union, China at Estados Unidos.
Ang pagsusuring ito ay nagpapakita na lahat ng bagay ay may benepisyo at sakripisyo sa pananaw ng pagsusuring ekonomiko.