26.6 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Gatchalian hihiling ng dagdag na pondo para sa ‘Libreng Kolehiyo’

- Advertisement -
- Advertisement -

HUMILING si Senador Win Gatchalian ng karagdagang pondo upang punan ang halos P3 bilyong budget deficit para sa pagpapatupad ng programang libreng kolehiyo sa susunod na taon.

Nagmumungkahi ang National Expenditure Program (NEP) ng P23.38 bilyong pondo para sa libreng kolehiyo. Gayunpaman, tinatayang P27.078 bilyon ang kailangan ng Philippine Association of State Universities and Colleges upang maipatupad ang libreng kolehiyo para sa School Year (SY) 2025-2026, na nag-iiwan ng kakulangang P3.697 bilyon upang ganap na mapondohan ang programa. Kapag isinasaalang-alang ang inflation, tinataya ng opisina ni Gatchalian na aabot sa P27.3 bilyon ang kakailanganin upang ipatupad ang libreng kolehiyo, at maaaring umabot sa P3.9 bilyon ang budget deficit.

Binigyang-diin ni Gatchalian na kung hindi matutugunan ang deficit, hindi makakakuha ng karagdagang guro ang mga State Universities and Colleges (SUCs), makakabili ng kagamitan sa pag-aaral, at makakapagtayo ng mga pasilidad na kailangan upang makapaghatid ng dekalidad na tertiary education.

“Yung nilalagay nating pera sa libreng kolehiyo, ang kapalit nun ay diploma. Ang libreng kolehiyo ay magbibigay ng mas maraming estudyanteng makakapagtapos na may diploma, at ito ang magbibigay-daan sa kanila upang makakuha ng mga maayos na trabaho,” ani Gatchalian, isa sa mga may-akda at co-sponsor ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931), na mas kilala bilang Free Higher Education Law.

“Hihilingin natin sa Chairperson ng Finance Committee kung pwedeng kumuha ng kaunting pondo mula sa programang pang ayuda. Ang hinihingi naman ng SUCs ay karagdagang P3 bilyon, kaya kukurot lang tayo do’n sa P591.8 bilyong pondo ng mga programang pang-ayuda para mapunan natin ang kailangan para sa libreng kolehiyo,” dagdag ni Gatchalian. Ang tinutukoy niyang mga programang pang ayuda ay ang mga sumusunod: Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at Sustainable Livelihood Program (SLP).

Sinabi ni Gatchalian na tumaas ang enrollment sa kolehiyo dahil sa libreng edukasyon. Mula sa 2.9 milyon noong SY 2017-2018, bago ipatupad ang Free Higher Education Law, umabot na sa 5.09 milyon ang enrollment sa kolehiyo sa SY 2023-2024.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -