26.4 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Bakit kandangatog ang mga senador sa muling pagtakbo ni Mayor Alice Guo?

ULTIMONG BIGWAS 

- Advertisement -
- Advertisement -

Unang bahagi

LIWANAGIN muna natin. Hindi ko kilala ang suspendidong mayor ng Bamban, Tarlac, ni sinuman sa kanyang kampo. Pamilyar lang ako sa bayan ng Bamban dahil ito ang unang bayan ng Tarlac na bubungaran mo palabas ng Pampanga kung tinatahak mo ang MacArthur Highway papuntang Baguio mula Maynila. Bilang pag-iwas sa gulo na dulot ng pulitika, minarapat kong ilipat ng tirahan ang aking mga anak sa Baguio at doon na rin pag-aralin nang masinsinang lumahok ako sa pulitika ng Antipolo mula 1995 hanggang 1998. Dinadalaw ko na lang sila noon sa mga weekend sa pana-panahon, kaya ganun kadalas na napadaraan ako sa Bamban.

Napakaatrasadong agrikultural na komunidad ang impresyon ko sa Bamban, puro bukid ang tanawin sa kaliwa’t kanan ng iyong biyahe. Nito lamang sumabog na ang kontrobersya sa mga POGO ng Bamban na namangha akong malaman na meron na palang mga mall dito. Sa Pilipinas na pangunahing binubuhay ng industriya sa pagtitingi, mall ang pinakamatingkad na salamin ng kaunlaran. Sa isang panahon, ang pinakamayamang tao sa Pilipinas ay isang magtitingi, si Henry Sy, may-ari ng kawing-kawing na mga SM mall sa paikot ng Pilipinas. Para sa dating atrasadong Bamban na nabungaran ko noong mga 1900, ang magkaroon ng abanteng kaunlaran, aba, e, magaling ang mayor nito.

Ganun din ang pangarap ko noon nang mangahas akong tumakbong mayor ng Antipolo at mabigo. Sa kaunlaran man lang na natamo ni Mayor Alice Guo para sa Bamban, dapat siyang maluklok na idolo para sa mga Don Quixote na nangahas bumangga sa mga windmill ng pulitika sa Pilipinas.

Di ba ninyo napupuna? Patuloy ang parehong pulutong ng mga senador na mula’t sapul ay tila mga musikero ng iisang orkestra na tumutugtog ng simponiya ng pagpapasademonyo kay Mayor Alice Guo? Simulan mo kay Sherwin Gatchalian at Risa Hontiveros, papunta kina Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, etc. Kung ano ang mga banat nila kay Mayor Guo sa panahon ng pagdinig ng senado, ganun pa rin ngayon.

Akala ko ba “in aid of legislation” ang ginawa nilang imbistigasyon? “In aid of legislation” pa rin ba ang pagbatikos nila sa paghain ng kandidatura ni Mayor Guo sa halalan sa 2025?

Kawawang Mayor Guo. Pilit pinagmumukhang kriminal na gayong sa totoo lang, ang kanyang kinahaharap ay mga sakdal pa lamang at hindi pa hatol ng pagkakasala. Tingnan ninyo itong batikos ni Hontiveros na kesyo pwedeng kanselahin ng Comelec ang Certificate of Candidacy ng mayora dahil sa misrepresentation o pagsisinungaling sa kanyang birth certificate.

Kung di ka ba naman isa’t kalahating boba. Senadora ka pa namang naturingan, hindi mo alam ang batas. Kailangang merong isa man lang na botante ang magharap ng reklamong pagkansela upang umaksyon ang Comelec. Sabihin nang kinatigan sa antas ng Division ang reklamomg kanselasyon, pwede pa itong iangat sa en banc, na kung kakatigan din ang reklamo ay pwede pa ring isampa sa Korte Suprema. E, kung makabanat si Hontivros, Gatchalian, Estrada et al, animo’y mga sentensyador sa sabong na ang hinuhusgahang manok ay patay na. Hindi, buhay na buhay si Mayor Guo. Kahit pinutulan nyo na ng tare, pumapalo pa rin nang malakas.

Sabi nga ng abogado ni Mayor Guo na si Atty. Stephen David, hindi pa nakakansela ang birth certificate ng mayora, kaya nananatili itong Pilipina, isinilang sa Pilipinas, anak ng Pilipinong Nanay, na ang nasyonalidad ay nananatiling ligal na Pilipino. Sa ilalim ng batas, walang magagawa ang komisyon kundi tanggapin ang kandidatura ni Mayor Guo.

Kung manalo?

Iproklamang panalo.

E, nakakulong nga.

Kahit pa. Alalahanin na nang manalong kongresman at maproklama, nakakulong noon si Romy Jaloshos dahil sa kasong rape, na walang piyansa. Pagkaraang mapawalang sala ng hukuman, inangkin ng proklamadong kongresista ang kanyang upuan sa Kamara.

Hindi porke nakakulong si Mayor Guo ay nagkasala na siya. Nagkataon lamang na isa sa mga kasong pinagsangkutan sa kanya ay qualified human trafficking, na walang piyansa. Nasa abogado na ni Mayor Guo na ilusot siya sa sitwasyon na ito–upang sa oras na manalo siya sa eleksyon at maproklama ay muling angkinin ang upuan ng mayor ng Bamban.

Punta na tayo sa totoong sentimiyento ng pitak na ito. Sabi nga sa English, “I don’t know Alice Guo from Adam.” Subalit nasilip ko ang mga pangyayari na sa malamang ay magpalala sa panganib na kinatatakutan ng mga tunay na nasyonalistang Pilipino. Anong panganib? Ang kahindikhindik na pagsambulat ng giyera Chino-Pilipino. Walang ipag-iiba ito sa ngayong nagaganap na giyera ng Israel at Lebanon na sa isang iglap lamang ay nagbunga na ng daan-daang nasawi at mga istrukturang nawasak.

Nagsisimula pa lang iyan. Paano kung dumating na sa palitan ng pasabog nukleyar ang away ng magkakatunggali? Sabi ni Punong Ministro Benjamin Nethanyahu: “Mananalo kami sapagkat wala kaming pagpipilian.” Ibig sabihin, mapipilitan silang gumamit na ng mapagpasya — subalit  sobrang mapangwasak — na  sandatang nukleyar upang ipagtanggol ang sarili.

Ganun din ang gagawin ng China oras na mapilitan na talaga na giyerahin na ang Pilipinas bilang pagtatanggol sa sarili.

Kaya di ko man kaanu-ano si Mayor Guo, kailangang damayan ko siya.  Hindi pinagtiyap ng tadhana kundi sinadyang pakanain na ang pagkapasademonyo sa kanya  ay mag-aambag sa tuluyang pagkapariwara ng minamahal na bansang Pilipinas.

Ayon sa presidente ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI) na si Herman Tiu Laurel, isang higanteng pondong pampropaganda ang inaprubahan ng Kongreso ng Estados Unidos. Nagkakahalaga ng $1.6 bilyon, ang pondo ay laan tangi upang gibain ang China sa away nito sa Amerika. Kinumpirma ni Laurel na ang Project Myuoshu na nahalungkat ng ACPSSI ay nakatuon sa pagpapasahol sa pagkamuhi ng mga Pilipino sa China.

Pinamumunuan ang Project Myuoshu ng isang dating opisyal ng US Air Force na nagngangalang Raymond Powell. Kukunan nito ng satellite images ang mga galaw ng mga barko kapwa ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG) sa South China Sea at ipopost sa kanyang Twitter account bilang mga tumitinding pag-atake ng China sa Pilipinas. Saka dadamputin ang kanyang istorya ng mga alipuris ng US sa Philippine media na siyang maglalathala rito bilang lehitimong balita.

Alalahanin ang pagkalathala ng laser beaming kuno ng CCG sa barko ng PCG. Agad na nagpahiwatig si US State Secretary Antony Blinken ng pagsangkalan na sa Mutual Defense Treaty (MDT) ng Pilipinas at Amerika. Sa ilalim ng kasunduan, ang pagsalakay sa alinman sa Pilipinas at Amerika sa rehiyon ng Pasipiko ay pagsalakay din sa isa pa na humihingi ng ganting salakay nito. Ibig sabihin, ganyang sinalakay na ng China ang Pilipinas, kailangang gumanting salakay na rin ang Amerika. Maliit na swerte ng Pilipinas na hindi pa itinuring ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na  pananalakay pandigmaan ang laser beaming na gawa ng China at napigilan pa ang Amerika na makialam ayon sa hinihingi ng MDT na makialam ayon sa hinihingi ng MDT. Sa totoo lang, ang laser ay ginamit sa okasyon na iyun bilang panukat ng distansya sa dagat. Sa kamay ni Powell, iyun ay pinagmukhang pang-aatake na ng China.

Ganun din ang kaso ng panganganyon ng tubig na ilang beses na ibinuga ng CCG sa PCG. Subalit ito ay SOP (standard operating procedure) bilang ligal na pagpapatupad ng China sa kanyang mga batas pangkaragatan. Nangyari nga lang na may kasunduan ang Pilipinas at China na ang PCG ay hindi magdadala ng construction materials sa BRP Sierra Madre na nakabalahura sa Ayungin Shoal. Sa pana-panahong paglabag ng PCG sa kasunduan, napipilitan ang

CCG na gamitin ang pandisiplinang hakbang: kanyong tubig.

Kanyong tubig, sa panahon na ang giyera ng Israel sa Iran at Lebanon ay nuclear missile ang gamit? Patawa ka.

Kung giyera’t giyera din lang ang pag-uusapan, isang ratsada lang ng Dong Feng 21 ng China, burado lahat ng baseng EDCA ng Amerika sa Pilipinas. Pero dahil nga di pa totoong giyera ang nagaganap sa Pilipinas, kailangan pa ng Amerika ang mga dagdag pampainit sa iringan ng China at Pilipinas. False flag ang tawag diyan sa English. Tulad ng pagpapasabog ng Amerika sa sarili nitong barkong USS Maine sa daungan ng Havana, Cuba noong 1898 upang galitin ang masang Amerikano at sila na ang humingi ng giyera laban sa Espanya.

“Remember the Maine!” sigaw ng masang Amerikano. “To hell with Spain.”

Kung hindi pa man ganun kagalit ang mga Pilipino sa China bunga ng pagkapasademonyo kay Mayor Guo,  malinaw na ang mga palatandaan na siya ay ginagamit lamang upang dalhin nga ang bansa sa walang pagsidlang galit sa China. Kaya nga sa tanong ni Hontiveros kung siya ang utak ng POGO sa Bamban, matigas ang sagot ng mayora: “Hindi ako mastermind. Biktima ako.”

(Itutuloy sa susunod na labas.)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -