31.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Operasyon ng distribution lines ng bulk water sa 3 bayan sa Bulacan target sa 2025

- Advertisement -
- Advertisement -

TINUTUTUTKAN  ng Regional Project Monitoring Committee (RPMC) ng Central Luzon Regional Development Council na makumpleto sa susunod na taon ang mga bagong water distribution lines sa mga bayan ng Plaridel, Santa Maria at Norzagaray sa Bulacan.

Ipinapakita ni Plaridel Water District General Manager Mario Macatangay ang 63.29 porsyento na ang nagagawa sa pagbabaon ng mga karagdagang tubo na magsisilbing distribution lines para sa paghahatid ng tubig mula sa Angat Dam para sa mga mamamayan ng Plaridel, Bulacan sa pamamagitan ng Bulacan Bulk Water Supply System. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Sa serye ng mga inspeksiyon na ginawa ng RPMC, ipinaliwanag ni  Fernando Cabalza ng Project Monitoring and Evaluation Division ng National Economic and Development Authority na dadaloy sa mga bago at karagdagang tubo ang tubig mula sa Angat Dam na nasa Norzagaray sa pamamagitan ng Bulacan Bulk Water Supply System.

Pinondohan ang proyekto ng Asian Development Bank (ADB) sa halagang P519.7 milyon sa ilalim ng Water District Development Sector Project ng Local Water Utility Administration.

Hinati ang pahiram na pondo sa tatlong water districts sa nasabing mga bayan kung saan pinakamalaki ang nailaan sa Plaridel Water District.

Base sa ulat ni Mario Macatangay, general manager ng Plaridel Water District, ang halagang P222.17 milyon dito ay ginugol para sa paglalatag ng nasa 40.5 kilometro bagong water pipeline o linya ng tubig.

Magdadagdag ito ng 10 million liters per day (mld) ng tubig para sa 114,432 residente ng 19 na mga barangay ng Plaridel. Nasa 63.29 porsyento na ang progress rate nito na target matapos sa Disyembre 2024.

Para naman matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng tubig, sinimulan na ang pagpupundasyon para sa ilalagay na Ground Reservoir sa Barangay Banga 1st.

Pinondohan din ito ng ADB sa halagang P23.67 milyon na kayang maglulan ng 1,500 cubic meter per seconds (cms) na tubig. Iba pa rito ang P52 milyon para sa pagtatayo ng bagong tatlong palapag na corporate office ng Plaridel Water District.

Iniulat naman ng Santa Maria Water District na nakapagtala na ng 100 porsyentong progress rate ang paglalatag ng mga bagong linya ng tubig para sa 49 libong mga tahanan sa naturang bayan.

May halagang P170.6 milyon ang ipinahiram ng ADB para sa proyekto na magdadagdag ng suplay ng tubig mula sa 10 mld sa pagiging 16 hanggang 17 mld na.

Paliwanag ni Christian Reyes, senior engineer A ng Santa Maria Water District, magiging 24 oras na ang suplay ng tubig sa mga tahanan at mga establisemento sa nasabing bayan kung dadaloy nang husto ang Bulacan Bulk Water Supply System mula sa kasalukuyang 16 oras lamang.

Para matiyak ito, nagtatayo rin ang naturang water district ng mga Pump House na may mga booster pump at glass-fused-to-steel bolted ground reservoir. Kaya nitong maglaman ng 1,000 hanggang 1,500 cms ng tubig.

Prayoridad naman ng Norzagaray Water District sa P51.3 milyon na ipinahiram ng ADB na igugol para makakuha ng suplay ng tubig mula sa Bulacan Bulk Water Supply System sa mga Barangay ng Bigte, Minuyan, Bitungol at Matictic na mayroong 15,309 na mga kabahayan. Target nitong makapagbuga ng 5 mld ng tubig.

Kaugnay nito, nagkaloob din ang ADB ng apat na bagong sewerage trucks na nagbabahay-bahay para sipsipin ang mga dumi sa mga napupunong mga posonegro sa Norzagaray.

May hiwalay namang P89.4 milyon mula sa Pambansang Badyet ng 2021 para sa pagtatayo ng Septage Facility.

Samantala, ipinaliwanag ni Monica Del Carmen, tagapagsalita ng Norzagaray Water District na bukod sa inilaang pondo ng ADB, may halagang P150 milyon ang inilaan ng Department of Public Works and Highways upang makapaglatag ng mga bagong tubo para umabot ang tubig sa mga taga Barangay San Mateo at San Lorenzo.

Doon maraming naninirahan na malapit o katabi ng mismong mga dams ng Ipo at Angat na pinagkukuhanan ng suplay ng Bulacan Bulk Water Supply System.

Ikakabit ang mga bagong tubo na iyon sa isang Water Treatment Facility sa may Barangay Bigte na ipapatayo ng Luzon Clean Water Development Corporation na konsesyonaryo ng nasabing bulk water system. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -