28.8 C
Manila
Martes, Oktubre 8, 2024

Gatchalian hinimok ang NTC na maging mahigpit sa isyu ng SIM registration sa gitna ng panloloko ng cybercriminals

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Senator Win Gatchalian ang National Telecommunications Commission (NTC) na ipatupad ang mas mahigpit na pangangasiwa sa mga telecommunication providers kaugnay sa pagpapatupad ng batas sa pagpaparehistro ng SIM, sa gitna ng mapanlinlang na paggamit ng mga SIM ng mga cybercriminal kabilang ang mga nasa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

“Gusto nating higpitan pa ng NTC ang pagpapatupad ng mga telcos kung sila ay hindi sumusunod sa batas at mga patakaran ng NTC. Yan lang ang paaran para madisiplina sila dahil para sa mga telcos, ang pagbebenta ng SIM ay kita,” ayon sa senador, sa nakaraang pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kung saan ang NTC ay isang attached ageny.

Bilang co-author ng SIM Registration Act, binigyang-diin ni Gatchalian na dapat na mapigilan ng NTC ang mapanlinlang na pagpaparehistro ng mga SIM sa pamamagitan ng mahigpit na pangangasiwa sa telcos. Binanggit niya na ang ganitong pandaraya ay nagbibigay-daan sa mga sindikato, kabilang ang mga nasa industriya ng POGO, na mambiktima gamit ang mga mapanlinlang na nakarehistrong SIM.

“Ang ugat ng problema ay ang madaling pagkuha ng mga SIM card sa kabila ng ating batas sa pagpaparehistro ng SIM. Maraming hindi nasisiyahan sa pagpapatupad nito. Dapat pigilan ng NTC ang mga kriminal na bumili ng libu-libong SIM card at talagang ipatupad ang tunay na diwa ng batas na payagan ang mga lehitimong taong may magandang intensyon na bumili ng SIM card. Naniniwala ako na sapat ang batas pero sa pagpapatupad nito nagkakaroon ng problema,” aniya.

Ayon sa NTC, naglabas na ang ahensya ng verification guidelines para bigyang-daan ang mga telcos na maglagay ng sistema na makakapigil sa mapanlinlang na pagpaparehistro ng SIM. Kasama sa mga alituntuning ito ang paghahambing ng isinumiteng data sa impormasyon ng ID gamit ang advanced na teknolohiya tulad ng ilang pagsusuri tulad ng facial recognition at facial matching.

Gayunpaman, ipinakita ng simulation ng National Privacy Commission, isa pang ahensyang naka-attach sa DICT, na ang Smart Communications ang tanging telco na matagumpay na pumigil ng mapanlinlang na pagpaparehistro ng SIM.

Binigyang-diin ni Gatchalian na kung napipigilan ng Smart ang mapanlinlang na pagpaparehistro ng SIM, dapat ay magagawa rin ito ng ibang telco. “Kung ano man ang ginagawa ng Smart, dapat magawa din ng ibang telcos. Dapat nilang gamitin ang parehong teknolohiya, “sabi niya.

“Higpitan pa natin. Ayaw natin na paulit-ulit na mangyari ang mapanlinlang na SIM registration,” pagtatapos niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -