PAIIGTINGIN ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang “intelligence gathering” upang masugpo ang kaso ng human trafficking.
Ayon kay NBI-Mimaropa Regional Director Gelacio Bongngat sa Kapihan sa Bagong Pilipinas noong Oktubre 1, ang human trafficking ay isang hamon sa kanilang ahensya.
“’Yan po ‘yong challenge ulit sa amin [NBI] sa ngayon, ang human trafficking. Kailangan natin dito na paigtingin ang intel gathering patungkol dito at hinihikayat namin ang mga biktima na to come in the open, makipag-ugnayan sa NBI upang masugpo ang mga ganyang human trafficking case,” pahayag ni Bongngat.
Sinabi pa niya na mayroon nang mga naisampang kaso tungkol sa human trafficking sa Mimaropa partikular na sa Palawan.
Ipinaliwanag din ni Bongngat na kalimitan ay nagsisimula ang human trafficking sa pamamagitan ng pagtatrabaho ng mga menor de edad sa mga bar na mariin namang ipinagbabawal ng batas.
Hinikayat din ng direktor ang mga media na dumalo sa Kapihan sa Bagong Pilipinas na kapag may alam silang mga bar na nag-e-empleyo ng mga menor de edad ay agad na isumbong sa NBI ang mga ito upang masagip ang mga biktima.
Isa rin sa paraan ng human trafficking ang illegal recruitment, ayon pa kay Bongngat.
Sa ngayon, ang minamanmanan ng NBI ay ang nabibiktima ng illegal recruitment na pinapasok sa mga POGO. Sinabi ni Bongngat na naglipana na sa Cambodia at Myanmar ang mga POGO.
“Yong mga POGO naglipana na, pumunta na sila sa Camboadia at Myanmar. May mga cases na rin kaming binabantayan dito sa Mimaropa na hinihintay nila ang ating mga kababayan na magtrabaho dito. Sa Thailand, doon sila pini-pick-up going to Cambodia, only to find out na doon pala sila ibebenta sa mga POGO,” sabi pa ni Bongngat.
Binabantayan din ng NBI ang back door ng Mimaropa, partikular na ang Palawan, na ginagamit ng mga human trafficker upang mailabas ng bansa ang kanilang mga biktima.
“Binabantayan natin, lalo na dito sa Mimaropa, prone to back door ang rehiyon natin. From Palawan, particularly the Mangsee Island going to Indonesia and Malaysia, napakalapit po nito. Two to three hours lang yata kung nasa Mangsee ka sa Palawan ay nasa Malaysia ka na or Borneo,” sabi pa ng direktor.
Sa huli nanawagan si Bongngat sa mga media na tulungan ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagsumbong ng mga hinihinalaang human trafficking activities sa rehiyon upang masugpo ito.
Pinayuhan din niya ang mga nais mag-abroad na siguruhing lehitimo ang inaaplayang kompanya upang hindi mabiktima ng illegal recruitment at maibenta sa mga POGO hubs sa pamamagitan ng back door. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)