26.5 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Tolentino: Senado, dapat gabayan ng ‘rules on admissibility’ sa paratang na ‘Chinese spy’ umano si Guo

- Advertisement -
- Advertisement -

DAPAT gabayan ng ‘rules on admissibility’ ang Senado sa pagtrato nito sa alegasyong lumutang mula sa isang Al Jazeera video na ‘Chinese spy’ diumano si Alice Guo.

Ito ang binigyang-diin ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino, na nagsabing kailangang punan ng ebidensya ang naturang alegasyon laban kay Guo ng nagpakilala umanong ‘Chinese spy’ na ininterbyu ng Al Jazeera sa isang piitan sa Thailand.

“Una, wala tayong hurisdiksyon sa source ng interbyu na nakakulong sa Thailand. Pangalawa, hindi natin alam kung ano ang basehan ng kanyang paratang,” ipinaliwanag ng senador at abogado, sa isang panayam sa DZBB.

“Tatanungin ko si Guo sa kanyang reaksyon sa video. Pero sa ilalim ng ‘rules on admissibility’ sa ating mga korte, kung ano man yung sinabi sa video ay hindi mao-authenticate, dahil yung taong ininterbyu ay nasa Thailand,” dagdag nya.

Dalawa ang paraan para ma-authenticate ang video, paliwanag ni Tolentino: una, kung ang source ay madadala sa Pilipinas mula Thailand para tumestigo; o ikalawa, kung ang source ay madadala sa embahada ng Pilipinas sa Bangkok, kung saan dapat ding magsagawa ng pagdinig ang Senado.

“Sa ganyang paraan maaaring magkaroon ng hurisdiksyon ang Senado. Kung hindi, yan ay isa lamang video,” aniya.

Samantala, naniniwala ang senador na dapat tutukan ng Senate investigation ang mga karagdagang isisiwalat umano ni Guo sa susunod na executive session na itatakda ng komite.

Nang tanungin kung sa tingin ba n’ya ay dapat pormal na hingan ng komento ang Embahada ng China ukol sa paratang, ganito ang tugon ni Tolentino: “Ipinauubaya ko na yan sa Department of Justice. Pero sa ngayon, marami pa tayong nakabinbin na usapin sa China na dapat paglaananan ng kagyat na atensyon.”

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -