26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Panukalang ARAL Program aprubado na sa Senado—Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Senate Bill No. 1604) na layong tugunan ang learning loss na dulot ng pandemya ng COVID-19.

Ipinanukala ni Senador Win Gatchalian ang ARAL Program upang mapaigting ang learning recovery at matugunan ang pinsalang dinulot ng pandemya ng COVID-19. Titiyakin ng programa na makatatanggap ang mga estudyante ng sapat na oras para sa pag-aaral, matututunan nila ang essential learning competencies, at makakahabol sila sa kanilang mga aralin.

Saklaw ng panukalang programa ang essential learning competencies sa ilalim ng Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science mula Grade 3 hanggang Grade 10. Bibigyang prayoridad ng panukalang programa ang numeracy at pagbasa. Para sa mga mag-aaral ng kindergarten, tututukan ng ARAL Program ang mga dagdag kakayahang patatatagin ang kanilang numeracy at literacy competencies.

Bibigyang prayoridad ng ARAL program ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan na hindi nag-enroll simula School Year 2020-2021 at iyong mga hindi nakaabot sa minimum proficiency na kinakailangan sa Language, Mathematics, at Science. Maaari ring maging bahagi ng programa ang mga mag-aaral mula sa mga pribadong paaralan.

Magsisilbing mga tutor sa ilalim ng ARAL Program ang mga guro at para-teachers. Maaari ring mag-boluntaryo bilang tutor ang mga kwalipikadong mag-aaral mula sa senior high school at kolehiyo. Para sa mga mag-aaral sa kolehiyo at senior high school na magsisilbing mga tutor, makatatanggap sila ng mga credits na katumbas ng Literacy Training Service sa ilalim ng National Service Training Program.

“Isang mahalagang hakbang ang pagpasa ng Senado sa ating panukalang ARAL Program upang mapaigiting ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang idinulot ng pandemya ng COVID-19. Titiyakin nating makakahabol sa kanilang mga aralin ang ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Batay sa simulation analysis ng World Bank para sa Pilipinas, bababa mula 7.5 taon hanggang 5.7 o maging hanggang 6.1 taon ang Learning Adjusted Years of Schooling. Ibig sabihin, magiging katumbas na lamang ng 5.7 hanggang 6.1 taon ang kalidad ng 12 taon ng basic education sa Pilipinas sa pagwawakas ng pandemya,.

Pinasalamatan naman ni Gatchalian ang mga co-author at mga co-sponsor ng panukalang batas: Senador Sonny Angara, Senador Cynthia Villar, Senador Jinggoy Estrada, Senador Robinhood Padilla, at Majority Leader Joel Villanueva.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -