27.5 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Kwalipikasyon, patakaran ng Comelec sa mga gustong kumandidato para sa halalan sa Mayo 12, 2024

- Advertisement -
- Advertisement -

SINIMULAN na nitong Oktubre 1 ang pagtanggap ng Commission on Elections (Comelec) ng mga certificate of candidacy (COC) mula sa mga nagbabalak kumandidato sa darating na eleksyon sa Mayo 12, 2025.

Ayon sa Comelec, tatanggap sila ng COC hanggang Oktubre 8 at bukas sila kahit Sabado o Linggo na karaniwang walang pasok ang mga tanggapan.

Sa darating na halalan sa susunod na taon, iboboto ng taumbayan ang 12 senador, 254 district representatives, 63 party-list organizations, 82 gobernador, 82 bise-gobernador, 1,682 kasapi ng konseho ng lungsod, 800 kasapi ng konseho ng lalawigan, 11,948 kasapi ng konseho ng munisipalidad, 149 alkalde ng lungsod, 149 bise-alkalde ng lungsod, 1,493 alkalde ng munisipalidad, 1,493 bise-alkalde ng munisipalidad, 25 kasapi ng parlyammento ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at 40 BARMM party-list representatives.

Kwalipikasyon para sa nais kumandidato
Sa bisa ng Omnibus Election Code, nakasaad dito ang mga kwalipikasyon na mayroon dapat ang mga maghahain ng COC para sa darating na eleksyon.
Para sa mga nagnanais maging senador o kongresista, kinakailangang natural-born citizen ang sino mang naghahangad para sa posisyong ito.

Ibig sabihin ng natural-born citizen, ipinanganak siya sa Pilipinas, parehong Pilipino ang kaniyang mga magulang, o kaya, Pilipino ang isa sa kanyang mga magulang at hindi niya kailangang dumaan sa proseso ng naturalisasyon para maging Pilipino.


Kailangan ding nasa 25 taong gulang man lamang ang kandidato sa mga posisyong ito sa araw ng eleksyon, marunong magbasa at magsulat, at rehistradong botante sa lugar kung saan siya iboboto at nakatira ng hindi bababa sa anim na buwan sa lugar na nais nyang paglingkuran bago ang botohan.

Para naman sa mga sectoral representative, kagaya rin ng mga kongresista ngunit kailangang nakatira ang kandidato sa Pilipinas nang isang taon man lamang bago ang eleksyon. Kailangan ding kasapi siya ng sektor na kanyang irerepresenta.

Para naman sa kwalipikasyon ng mga lokal na opisyal, nakatala ito sa Local Government Code.
Una, kailangang Pilipino at botante ng barangay, munisipalidad, lungsod, o lalawigan kung saan nais tumakbo ang isang kandidato.

Kailangan ding marunong siyang magbasa at magsulat ng Filipino o ng lokal na wika sa lugar kung saan sya tatakbo.

- Advertisement -

Mga patakaran sa paghahain ng COC

Para sa paghahain ng COC para sa nalalapit na halalan, naglabas ng kaukulang patakaran ang Comelec.

Para sa mga party-list groups, kinakailangan nitong magsumite ng 10 nominado para pagpilian kung sino ang magiging representative nila.
Kinakailangan ding isumite ang certificate of acceptance of nomination (CAN) ng mga kandidato.

Sa Comelec Law Department o sa lugar na ilalaan ng Comelec en banc dapat mag-file ng kanilang COC ang mga tatakbong senador at party-list .

Sa Office of the Provincial Election Officer (OPES) naman tatanggapin ang mga COC ng mga tatakbo sa pagka gobernador, bise gobernador, at kasapi ng Sangguniang Panlalawigan.

Para naman sa mga kakandidatong mayor, vice mayor, at konsehal, sa Office of the Election Officer (OEO) ito dapat ihain.
Para sa mga kakandidatong kongresman, dapat itong ihain sa Office of the Regional Election Director, OPES o OEOs.

- Advertisement -

Sa bisa ng Comelec Resolution 11045, hindi maihahalal na senador, kongresman o ano mang regional position sa BARMM, sa lalawigan, lungsod o munisipalidad kung hindi siya nag-file ng COC sa form na sinabi ng commission sa loob ng itinakdang mga araw.

Maaaring ihain ng personal o sa pamamagitan ng kinatawan mula Oktubre 1 hanggang 8, kabilang ang Sabado at Linggo mula alas-8 ng umaga hanggang ala-singko ng hapon sa lugar na inilaan ng Comelec.

Para sa mga district representative ng BARMM parliament, sa Nobyembre 4-9 pa ang itinakdang petsa para maghain ng kanilang COC.

Ayon sa Comelec, ituturing na hindi nai-file ang isang COC kung mali ang paraan ng pag-file dito.

Dagdag pa ng Comelec, hindi maaaring palitan ang kandidato matapos ang huling araw ng filing ng COC sa Oktubre 8 sakaling may umatras.

Papayagan lamang umano ang substitution kung namatay o nadisqualify ang isang kandidato ngunit kinakailangang magkaapelydio ang ipapalit sa kanya at iisa sila ng partido.

Papayagan ang ganitong substitution hanggang sa tanghali ng election sa Mayo 12, 2025

Hindi naman maaaring magkaroon ng substitute ang natakbong independent, ayon pa sa Comelec.

Nuisance na kandidato
Ayon sa Comelec, tatanggapin nila ang lahat ng maghahain ng kandidatura.
Subalit, hindi nangangahulugan na kandidato na sila. “Aspirant” lamang sila ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia.

Maaaring pagdesisyunan ng Comelec kung “nuisance candidate” o disqualified ang isang nagnanais tumakbo sa halalan.
Nakasaad sa Omnibus Election Code Section 69 kung ano ang nuisance candidate.

Ayon dito, “The Commission may motu proprio or upon a verified petition of an interested party, refuse to give due course to or cancel a certificate of candidacy if it is shown that said certificate has been filed to put the election process in mockery or disrepute or to cause confusion among the voters by the similarity of the names of the registered candidates or by other circumstances or acts which clearly demonstrate that the candidate has no bona fide intention to run for the office for which the certificate of candidacy has been filed and thus prevent a faithful determination of the true will of the electorate.”

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -