MARIIN kong kinokondena ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo sa loob ng kanyang pamamahay nitong Sabado ng umaga, March 4.
Ikinalulungkot ko ito at nakikiramay ako kay Mayora Janice, sa kanilang dalawang anak at sa buong pamilya ng aking kaibigang si Gov. Degamo. Makakasama ko pa sana sya sa isasagawang AICS payout namin sa March 29.
Matagal kong naging kaibigan at kapwa gobernador si Roel. Sabay kaming nagsulong ng localized peace talks kay Presidente Duterte, at kung ako ay nanindigan sa agrikultura, sya nama’y ipinaglaban ang mga mangingisda.
Huli kaming nagkita ni Gov. Degamo noong November 20, 2022 sa isang AICS payout din. Alam ko ang hirap niyang pinagdaanan nitong nakaraang eleksyon.
Nananawagan ako sa ating mga otoridad para sa dagliang pagresolba sa krimeng ito at paghuli sa mga perpetrators.
Huwag sana natin hayaang maging mitsa ito sa ating kapayapaan bilang bansang naguumpisa pa lamang bumangon mula sa pandemya.
Sobrang sakit itong sunod-sunod na pagkawala ng mga kaibigan at mabubuting opisyal. Tuldukan na agad itong bagong karahasan sa ating bansa nang hindi maghari ang takot at ligalig.
Personal na dumalaw si Sen. Marcos sa burol ni Gov. Degamo sa kanyang bahay sa Pamplona, Negros Oriental noong Linggo ng umaga.