IKINALUGOD ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang 1.5-kilometrong broadwalk na itinatag ng lungsod ng Valenzuela sa ibabaw ng flood-control project nito.
Layunin ng boardwalk na bigyan ng ligtas na espasyo ang senior citizens at mag resident ba nais maglakad o mag-jogging na walang panganib ng mabibilis na sasakyan.
Pinuri ni Tolentino si Valenzuela Mayor Wes Gatchalian dahil sa inobasyong naisip nito, na maaari aniyang tularan ng iba pang mga lokalidad sa Kalakhang Maynila.
“Pwedeng ehemplo para sa ‘Galing Pook’ award ang ganitong uri ng proyekto,” dagdag ng senador.
Ayon kay Gatchalian, binuksan sa publiko ang proyekto noong Setyembre 21. Binabagtas nito ang mga barangay ng Coloong, Tagalag, at Wawang Pulo.
“Flood control ang pangunahing layunin ng proyekto, at ikalawa naman ang promosyon ng kalusugan para sa ating senior citizens at ligtas na espasyo para sa ating mga residente,” ayon sa alkalde.
Ang flood control project ay isinagawa sa tulong ng Department of Public Works and Highways para protektahan ang apat na barangay sa lungsod sa tubig bahang manggagaling sa Meycauayan, Bulacan.