PATULOY ang pagkamit ng surplus sa Balance of Payments (BOP) at pag-akyat ng Gross International Reserves (GIR) kahit na bumagsak ang exports of goods at direct foreign investment. Saan nanggaling ang mga external funds na pumapasok sa Pilipinas? Ano-ano ang nag-ambag sa positive developments na ito?
Noong unang kalahati ng 2024, nagkaroon ng BOP surplus ang bansa na umabot sa $1.4 bilyon. Mas mababa man ito kaysa ang surplus na $2.26 bilyon noong nakaraang taon, ang nakamit na surplus ay mas malaki sa inaasahang $1.6 bilyon sa huling araw ng Disyembre. Ito’ý indikasyon na malakas ang pundasyon ng ekonomiya. Hindi inalintana ng bansa ang mga patuloy na pagyanig sa world economy dahil sa mataas na interest rate ng pautang, ang pag-akyat ng presyo ng maraming produktong kinabibilangan ng petrolyo at bigas, at ang pagdalang ng pagpasok ng dayuhang puhunan.
Hindi galing ang foreign exchange sa external debt at foreign investment dahil patuloy ang pagbagsak ng current account deficit (CAD) mula $12.1 bilyon noong nakaraang taon sa $8.4 bilyon ngayong taon. (Table 1)
Saan kaya nanggaling ang mga foreign exchange receipts na ito?
Una, bumaba ang deficit sa trade in goods sa $31.5 bilyon mula $33.2 bilyon. Maliksi ang pag-akyat ng exports of goods na lumago ng 5.4% noong unang anim na buwan kaysa sa imports of goods na bumagsak ng 0.5%. Tumaas ang agro-based exports ng 20.5% at manufactured products ng 3.2%.
Sa kabilang dako, humina ang imports of goods mula $60.0 bilyon sa $59.7 bilyon. Lahat na kategorya ng imports ay lumagapak dahil sa pagtaas ng presyo at pagtaas ng interest rates. Ang pinakamalaking paghina ay nasa capital goods na kung saan lumagapak ang imports ng $1.1 bilyon kumpara sa nakaraang taon. Dahil sa mataas na interest rates, natigil ang pagtatayo ng mga bagong pagawaan. Ganoon din ang electronics components na nabawasan ng $396 milyon. Ang tanging umakyat ay ang imports ng mineral fuels at lubricants dahil tumaas ang presyo ng krudo mula $82 kada bariles sa $84. Sumusunod sa antas ng pagbagsak ang imports ng raw materials at intermediate goods para sa industriya na bumaba ng -3.1%.
Ikalawa, lumakas ang exports of services mula $22.3 bilyon noong nakaraang taon sa $24.9 bilyon ngayong unang semester ng taon, 11.4% na paglago. Kasama rito ang turismo kung saan lumago ang tourism revenues mula $4.1 bilyon sa $5.1 bilyon , 25.6% na pag-akyat. Dahil sa pagkawala ng pandemya, nagsimula nang bumalik ang mga turista sa bansa.
Kasama rin dito ang mga tinatawag na information technology (IT)-enabled services gaya ng call centers, data storage and accounting services, animation, at transcription and translation services. Ang mga IT-enabled services ay lumago mula $14.4 bilyon sa $14.9 bilyon, 3.6% na pagtaas.
Isa pang kategorya ng exports of services na nagpakita ng maliksing paglago ay ang passenger, freight and other transport na lumaki mula $1.4 bilyon sa $2.1 bilyon, 43.3% na paglakas. Ang services na ito ay ibinibigay ng mga airlines at barko. Bumabalik na ang mga turista at cruise ships at sumisigla na ang pandaigdigang kalakalan.
Ikatlo, lumakas ang income inflows galing sa overseas Filipino workers (OFWs) at Pilipinong namumuhunan sa labas ng bansa. Tinatayang 2.33 milyong Pilipinong manggagawa ang na-deploy at bumalik sa kanilang trabaho sa labas ng bansa noong 2023.
Patuloy ang pagtaas ng secondary income receipts o ang overseas Filipino workers’ (OFW) remittances. Lumago ito nang bahagya mula $15.1 bilyon sa $15.6 bilyon. Nagsimula nang bumalik sa dati ang volume ng mga OFW remittances.
Rumatsada rin ang primary income receipts na kasama ang kita galing sa iba’t ibang bansa ng mga investments abroad ng mga Pilipinong namumuhunan. Lumago ito mula sa $7.8 bilyon sa $8.5 bilyon, 8.7% na paglago.
Ayon sa report ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) noong Setyembre 2023, $80.7 bilyon na halaga ng assets ng mga Pilipinong namumuhunan ang nakalagay sa investments sa labas ng bansa. Ang mga assets na ito ay kumikita ng dibidendo at interest sa pamamagitan ng kanilang pagtitinda ng world class products at services. Kabilang dito ang mga malalaking korporasyon na gaya ng San Miguel Corporation, Jollibee, Universal Robina Corporation, United Laboratories, Liwayway Marketing Corporation, Metro Pacific Group, International Container Terminal Services at Manila Water.
Kabaligtaran ng imports of goods, tumaas ang imports of services mula $13.9 bilyon sa $17.7 bilyon, 27.3% na paglago. Umakyat ang mga bayarin sa services ng foreign airlines at shipping lines dahil sa paglago ng exports. Ganoon din ang papalabas na turismo. Ngunit sa pangkalahatan, ang deficit sa trade in goods at services ay bumaba dahil sa pagratsada ng exports of goods.
Ang primary income outflows ay halos hindi gumalaw sa $6.2 bilyon . Ang mga palabas na bayarin sa dibidendo ng mga dayuhang namumuhunan sa Pilipinas at ang mga interest payments sa kanilang mga pautang ay nanatiling matahimik.
Ang secondary outflows ay tumaas dahil sa pagdami ng foreign expatriates na kasama ng mga foreign direct investments noong nakaraang mga taon. Umakyat ang secondary outflows mula $524 milyon sa $591 milyon, 12.8% na paglago.
Patuloy ang pamumulaklak ng BOP position hanggang Agosto 2024 kaya namayagpag ang Gross International Reserves (GIR) sa $106.9 bilyon mula $99.6 bilyon noong Agosto 2023. Ang halagang ito ay kasya sa 7.9 buwan na imports ng goods at services, lagpas sa minimum standard na 2-3 buwan.
Ang pagkakaroon ng BOP surplus at tumataas na GIR sa harap ng mga pagyanig sa world economy ang nagpapalakas sa credit rating ng bansa. Tinaasan ng Rating and Investment Information, Inc. (R&I) na naka-base sa Japan ang credit rating ng Pilipinas sa A- mula BBB+. Ito ang ikalawang upgrade sa A- na nakuha ng Pilipinas; ang una ay galing sa Japan Credit Rating Agency (JCRA) na ibinigay noong Hunyo 2020. Dahil nagsimula na ang pagtapyas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa policy rates na sinundan ng pagtapyas din ng Fed ng policy rate ng 50 bps, inaasahang tataas na nang tuluyan ang GDP growth rate at ang paglago ng investments na humina noong kasagsagan ng mataas na interest rates.
Table 1. OVERALL BALANCE OF PAYMENTS ACCOUNT | |||
2023 | 2024 | Growth (%) | |
24 vs. 23 | |||
OVERALL BALANCE (US$M) | 2,260 | 1,441 | -36.3% |
OVERALL BALANCE (% OF GDP) | 0.69% | -0.16% | |
I. CURRENT ACCOUNT | |||
CURRENT ACCOUNT BALANCE (US$M) | (8,609) | (7,080) | -17.8% |
CURRENT ACCOUNT BALANCE (% OF GDP) | -4.13% | -3.40% | |
EXPORTS | 72,069 | 77,184 | 7.1% |
IMPORTS | 80,678 | 84,264 | 4.4% |
A. TRADE IN GOODS & SERVICES BALANCE | |||
TRADE IN GOODS & SERVICES BALANCES, US$M | (24,791) | (24,318) | -1.9% |
% OF GDP | -5.67% | -5.56% | |
TRADE IN GOODS, BALANCE (US$M) | (33,239) | (31,521) | -5.2% |
TRADE IN GOODS, BALANCE (% of GDP) | -16.77% | -15.91% | |
EXPORTS | 26,788 | 28,225 | 5.4% |
IMPORTS | 60,027 | 59,746 | -0.5% |
TRADE IN SERVICES, BALANCE (US$M) | 8,448 | 7,203 | -14.7% |
TRADE IN SERVICES, BALANCE (% of GDP) | 1.93% | 1.65% | |
EXPORTS | 22,348 | 24,900 | 11.4% |
IMPORTS | 13,900 | 17,697 | 27.3% |
B. INCOME BALANCE | |||
TOTAL INCOME | 16,182 | 17,240 | 6.5% |
PRIMARY INCOME, BALANCE (US$M) | 1,557 | 2,231 | 43.3% |
PRIMARY INCOME, BALANCE (% of GDP) | 0.36% | 0.51% | |
RECEIPTS | 7,784 | 8,460 | 8.7% |
PAYMENTS | 6,227 | 6,229 | 0.0% |
SECONDARY INCOME BALANCE (US$M) | 14,625 | 15,009 | 2.6% |
SECONDARY INCOME, BALANCE (% of GDP) | 3.35% | 3.43% | |
RECEIPTS | 15,149 | 15,600 | 3.0% |
PAYMENTS | 524 | 591 | 12.8% |