27.8 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Gatchalian: Mga guro protektahan mula sa mapang-abusong paniningil ng utang

- Advertisement -
- Advertisement -

Habang inaasahan ni Vice President at Secretary of Education Sara Duterte ang pakikipagtulungan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) upang matulungan ang mga guro sa kanilang mga loan at mga kontrata na may kinalaman sa kanilang inutang, isinusulong naman ni Senador Win Gatchalian ang panukalang batas na magbabawal sa mga mapang-abusong pangongolekta sa mga utang.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 818 o Fair Debt Collection Practices Act, ipagbabawal sa sino mang maniningil ng utang ang harassment, pang-aapi, o pang-aabuso upang makapaningil ng utang. Kabilang sa mga ipagbabawal ang pagbabanta o paggamit ng karahasan, paggamit ng bastos na wika, pagbabahagi sa pangalan ng mga mangungutang, at iba pa.

Ipinagbabawal din sa panukalang batas ang pa-gamit ng mapanlinlang na pamamaraan upang makasingil ng utang. Kabilang rito ang pananakot o pagbabanta ng pagkabilanggo. Kabilang din ang pagbabanta ng ligal na hakbang na hindi naman maaaring gawin, pati na rin ang implikasyong may ginawang krimen ang sino mang nangutang.

Sa ilalim din ng panukalang batas, ituturing na walang bisa ang anumang mapanlinlang na kasunduan. Mapapawalang-bisa din ang anumang kasunduang may mapanlinlang na representasyon ng karapatan ng mga nangongolekta ng utang at sa mga obligasyon ng nangutang.

“Kailangang wakasan natin ang mga pang-aabusong may kinalaman sa pangongolekta ng utang. Nakakabahala na ang ating mga guro ang lubos na naaapektuhan ng ganitong mga pang-aabuso, kaya naman kailangan nating tiyakin na mabibigyan natin sila ng kaukulang proteksyon at maitataguyod natin ang kanilang kapakanan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Upang lalo pang maitaguyod ang kapakanan ng mga guro, binabalak din ni Gatchalian na maghain ng panukalang batas na aamyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670). Dahil halos 57 taon na ang lumipas simula nang maging ganap na batas ang Magna Carta for Public School Teachers, nanindigan si Gatchalian na dapat itong amyendahan at gawing mas akma sa mga kasalukuyang hamong hinaharap ng mga guro.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -