MAS pinaigting at pinalawig pa ng Regional Committee On Disability Affairs (RCDA) sa pangunguna ng Department of Social Welfare And Development (DSWD) Caraga ang paghahatid ng mahahalagang impormasyon para mas maintindihan ng publiko ang iba’t ibang health condition lalo na ang may Cerebral Palsy na isang neurological na kondisyon na magdudulot ng hirap o kawalan ng balanse at normal na paggalaw ng iba’t ibang parte ng katawan.
Ito ang tinalakay sa isinagawang forum ng mga disability federation leaders sa Butuan City, kung saan dumalo rito ang iba’t ibang organisasyon at ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Sheikah Lansang, registered occupational therapist at certified developmental play practitioner, maiiwasan ang pagkakaroon ng Cerebral Palsy sa mga sanggol kung matutukan ang kondisyon ng mga buntis, at maaari rin itong maagapan sa tulong ng early detection sa pamamagitan ng ilang medical o assessment test.
Binigyang diin din ng DSWD-Caraga na hindi nakakahawa ang Cerebral Palsy at mga nagkakaroon nito ay may karapatan ding mamuhay ng walang diskriminasyon.
“Mahalaga na sa pagbubuntis pa lang ay maalagaan nang maayos ang kondisyon nila pati ng bata sa sinapupunan nito. Dapat ring iwasan ang mga aksidente tulad ng pagkahulog ng bata kung saan mabagok ang ulo nito na may malaking epekto sa development ng bata,” ani Lansang.
Nanawagan din si Moriah Tambura, social welfare officer II ng DSWD-Caraga na tumulong sa adbokasiya at sa pagpapalawig ng impormasyon hinggil sa Cerebral Palsy dahil marami aniya ang hindi alam kung paano ito nakukuha ng tao at paano din ito maaagapan.
“Hindi po nakakahawa ang sakit na Cerebral Palsy. Hindi rin po nila ginusto na magkaroon nito, kaya tayo po ay maging sensitibo sa usaping ito, at tumulong na maibahagi ang ating nalalaman tungkol dito sa ibang tao,” saan ni Tambura.
Ibinahagi rin ni Charina Mercado, administrative officer II ng Department of Justice (DOJ) Caraga na isa sa mga lumahok sa naging forum, na may Karapatan ding mamuhay ang mga taong may Cerebral Palsy at nararapat aniyang bigyang-tugon ang pangangailangan nito.
Ngayong taon ipinagdiriwang ang ika-dalawamput isang anibersaryo ng Cerebral Palsy Awareness and Protection Week mula Setyembre 16-22, alinsunod sa Proclamation No. 858 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. (JPG/PIA-Caraga)