25.1 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

NSC sa mga mangingisda: Kabuhayan tuloy-tuloy sa WPS

- Advertisement -
- Advertisement -

HINDI pahihintulutan ng pamahalaan matigil ang kabuhayan ng sektor na umaasa sa karagatan sa kanilang kabuhayan, ayon sa National Security Council (NSC) habang isinusulong ang karapatan at soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.

Sa ginanap na Kongreso ng mga Mangingisda para sa Kapayapaan at Kaunlaran kamakailan, tiniyak ni Assistant Secretary Jonathan Malaya na tumatayong NSC Assistant Director, na mananatiling prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtugon sa kabuhayan at pangangailangan ng mga mangingisda sa West Philippine Sea.

Kabilang aniya sa mga programa ng pamahalaan para sa hanay ng mga mangingisda ang Livelihood Activities to enhance fisheries Yields And economic Gains (LAYAG) sa West Philippine Sea ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Paglilinaw ni BFAR Spokesperson at Information and Fisherfolk Coordination Unit Head Nazario Briguera, hindi nilikha ang programang LAYAG para lang maging “pangkain” o “pantawid-kabuhayan.”

Katunayan aniya, layunin ng programa gawing sustenableng kabuhayan ang pangingisda sa bisa ng modernisasyon at inobasyon – kabilang ang pagkakaloob ng mas malaki at modernong bangkang pangisda na kayang maglulan ng 30 katao para masiguro ang kaligtasan ng mga mangingisda at matiyak ang katatagan sa paglalayag higit lalo sa panahong malalaki ang alon.

Paglalarawan ni Briguera, lulan ng malaking bangka ang anim na iba pang maliliit na sasakyang-dagat na kayang ipalaot sa mga mababaw na bahagi ng karagatan.

Bahagi rin sa plano ng BFAR magkaloob ng cold storage boat sa mga mangingisda ang mga mangingisda para mapanatiling sariwa ang kanilang mga huli – gayundin ng mga marine cages.

Higit pa sa mga kagamitan sa paglalayag, target din ng ahensya itulak ang makabagong paraan ng pangingisda sa ilalim ng National Payao Program.

Bilang pambungad, tumataginting na P80 milyon ang inilaan ng BFAR sa mga benepisyaryong miyembro ng mga kooperatiba ng mangingisda sa ilalim ng programang LAYAG.

Pinagkalooban ng tig-P10,000 tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasa 150 na mga mangingisda naglalayag sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea. Kalakip nito ang watawat ng Pilipinas na ilalagay sa kanilang mga bangka at mga family food packs. Pinangunahan ni National Security Council Assistant Director-General Jonathan Malaya (pangalawa mula sa kaliwa) at DSWD Regional Director Venus Rebuldela (gitna) ang pamamahagi ng tulong sa ginanap na Kongreso ng mga Mangingisda para sa Kapayapaan at Kaunlaran sa Subic, Zambales. (Reia G. Pabelonia/PIA 3)

Samantala, tiniyak ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na patuloy ang pamamahagi ng libreng krudo, at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga mangingisda sa Scarborough Shoal.

Siniguro rin niya na laging aagapayan ng mga sasakyang dagat ng PCG ang mga barko ng BFAR sa paglalayag sa West Philippine Sea sa tuwing naghahatid ng tulong sa mga mangingisda.

Binigyang diin naman ni Philippine Navy (PN) Public Affairs Division Assistant Chief Lieutenant Commander Maria Christina Roxas na nakamatyag ang hukbong dagat sa mga kaganapan sa West Philippine Sea.

Patuloy aniyang naninindigan ang PN na teritoryo ng Pilipinas ang West Philippine Sea at walang ibang pwedeng makinabang kundi ang mga Pilipino.

Habang gumugulong ang proseso ng programang LAYAG, inayudahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang hindi bababa sa 150 benepisyaryong mangingisda ng tig-P10,000 tulong pinansyal at family food packs sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation.

Namigay rin ang Department of Health (DOH) ng mga family health packs at hygiene kits sa mga nasabing mangingisda.

Lubos naman ang pasasalamat ng 39-anyos na mangingisdang si Emerson Alcovendas mula sa bayan ng Subic, ang tulong na ipinagkaloob ng pamahalaan sa hanay ng mga lokal na mangingisda kabilang ang  libreng krudo, karagdagang groceries, at tulong pinansyal na makakatulong sa pagtataguyod ng kanilang kabuhayan. (MJSC/SFV, PIA Region 3-Zambales)

CAPTION

Pinagkalooban ng tig-P10,000 tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasa 150 na mga mangingisda naglalayag sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea. Kalakip nito ang watawat ng Pilipinas na ilalagay sa kanilang mga bangka at mga family food packs. Pinangunahan ni National Security Council Assistant Director-General Jonathan Malaya (pangalawa mula sa kaliwa) at DSWD Regional Director Venus Rebuldela (gitna) ang pamamahagi ng tulong sa ginanap na Kongreso ng mga Mangingisda para sa Kapayapaan at Kaunlaran sa Subic, Zambales. (Reia G. Pabelonia/PIA 3)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -