Huling bahagi
LAHAT ng paksa ay matapang nang hinaharap ngayon sa panitikang pambata. Walang masasabing taboo. Kahit ang mga paksang maituturing na ‘difficult topics’ ay maaaring talakayin. Pero kakailanganin nito ang maingat na panulat ng ating mga manunulat. Kailangan din ang ingat sa paglalapat ng guhit sa ganitong kuwento, kung ito’y ilalathala.
Isa sa mga paksang tinalakay sa aklat pambata ay ang kamatayan at pagdadalamhati sa pagyao ng isang minamahal. May ilan na ring aklat pambata na may ganitong tema gaya ng “Dumptruck in my Heart” ni Grace Chong at ng “Paalam, Puti” ni Jomike Tejido. Kamakailan ay inilabas ng OMF-Hiyas ang aklat pambatang “Love na Love ni Lola ang Lila” na isinulat ni Jacqueline Franquelli, isang Palanca award-winning children’s book author at kasalukuyang nagtuturo sa Ateneo de Manila University.
Tinanong ko si Jacqui, ang palayaw ng awtor, kung paano niya naisip gawing kuwento ang pagkahilig ng kanyang Lola Nene sa kulay lila. Sabi niya, mahabang panahon rin ang hinintay ng kuwentong ito bago naging isang libro. “Nagsimula lang ito bilang isang journalling o free-writing exercise na hindi ko naman kaagad naisip o binalak na gawing kuwentong pambata,” kuwento niya. “I believe that God is the very source of our desire to create as well as the inspiration and means to do so. Along with that, I also believe in stories being alive and wanting to be told, nudging writers to give them life and even giving them direction.”
“Parang ganu’n ang librong ito sa akin,” pagpapatuloy ni Jacqui. “In that sense, writing for me in general is a life-giving process – we writers giving life to stories and perhaps to real-life characters, living or departed, and us being given life as well in the process.”
Ano ang naging proseso ni Jacqui upang malikha ang kuwentong ito na tunay na hahaplos sa puso ng mambabasa? Bahagi ni Jacqui, “malaking bahagi ng proseso ko sa pagsulat ng kuwentong ito ang pag-alala, hindi lang sa mga experiences ko with my own grandmother, but perhaps more importantly, sa mga naramdaman ko bilang bata, which helped me to imagine what the child in the story could have felt and thought and how she must have acted towards her lola and reacted to the situations in the story. I believe that’s what’s most important, whether in real life or in fiction: for characters to be authentic and credible.”
Tinanong ko ulit siya kung paano ito makatutulong sa mga bata sa pagharap sa isyu ng kamatayan at pagdadalamhati over the death of a loved one? “I imagine that children will respond to the story in different ways in the same way that they respond to the subject of death and death itself differently. If the story could help start conversations with children about death or get them to talk about their own thoughts or feelings about the inevitable end of human beings, including those that are most dear to them, that would be great,” pagbabahagi ni Jacqui.
Sumasang-ayon ako kay Jacqui na maaaring maging springboard for discussion ang ganitong mga aklat. Naniniwala ako na ang bata, matapos makabasa ng isang kuwento, ay dapat na maglaan ng panahon para magmuni-muni o mag-reflect sa kaniyang binasa. Isa itong pagkakataon upang ma-develop ang critical thinking skills ng mga bata at kabataan. Naniniwala rin ako na hindi dapat iwasan ang ganitong kaselang paksa sapagkat reyalidad itong haharapin ng bata sa kanyang buhay.
Sa tingin ba ni Jacqui, masyadong mabigat ang ganitong paksa para sa kabataan? O ang mga nakatatanda ang mas nahihirapang talakayin ito? “Obserbasyon ko lang naman ito as an adult myself, but it seems that it’s a more difficult conversation for us, perhaps because, among other things, we may think that it’s too heavy or serious a subject for children, or because the subject becomes more and more real as we get older. Kaya sa palagay ko, while it’s a children’s story, hindi lang para sa mga bata ang ‘Love na Love ni Lola ang Lila.”
May kurot sa puso akong naramdaman sa isang partikular na eksena sa librong ito ni Jacqui. Ito ay nang tuluyan nang mamaalam si Lola. Ganito ito inilarawan ni Jacqui:
“Parang bulaklak ang napakaganda kong lola:
nagbibigay ng galak, nagpapangiti at nagpapasaya.
Ngunit isang takipsilim, tuluyan siyang nanamlay.
Habang ang langit ay kulay lila…
Payapa siyang namatay.”
Kay ganda rin ng ilustrasyon na itinambal ni Aldy Aguirre sa kuwentong ito. Tamang-tama ang timpla ng mga kulay sa mga pahina ng aklat. Nagtulong ang kuwento ni Jacqui at guhit ni Aldy upang maipaabot sa mambabasa ang damdaming nakapaloob sa akda. Karamihan din sa mga aklat na iginuhit ni Aldy Aguirre ay kinilala na ng mga award-giving bodies gaya ng National Children’s Book Awards; may aklat pa siyang napabilang sa White Ravens list ng International Youth Library sa Munich, Germany.
Tunay na kailangan natin ng mga ganitong aklat na tutulong sa mga bata’t kabataan kung paano haharapin ang dalamhati kaugnay ng paglisan ng isang mahal sa buhay. Magandang maipaunawa sa kanila, kahit sa mura pa nilang gulang, ang reyalidad ng kamatayan. Maganda ring napag-uusapan ng buong pamilya ang paksang ito kahit hindi pa ito nangyayari sa kanilang mga minamahal.
May isang hindi kayang gawin ang kamatayan: hindi nito kayang kitlin ang matatamis na alaalang pinagsaluhan ng isang nabubuhay at ng minamahal na yumao na. At malinaw itong naipakita ni Jacqueline Franquelli sa kanyang aklat pambatang ‘Love na Love ni Lola ang Lila.’
Maaaring bisitahin ang online shop ng OMF upang makabili ng aklat na ito: shop.omflit.com.