Hinggil sa P80 million na kabayaran ng MWSS kaugnay ng Kaliwa Dam
Bago tumulak papuntang Teresa, Rizal ay nagpadala ng sulat sa NCIP ang mga kinatawan ng mga pamilyang Dumagat-Remontado na direktang papalubugin ng Kaliwa Dam. Ang sulat na ito ay nagsisilbing pormal na pagtutol sa nakatakdang awarding ceremony o pamamahagi ng halagang PhP80 million bilang ‘kabayaran’ ng MWSS sa lupaing ninuno na sisirain ng Kaliwa Dam project.
Hindi katanggap-tanggap ang pagbibigay ng PhP 80 Million hanay ng mga katutubo dahil:
- Hindi malinaw kung saan gagamitin ang PhP 80 milyon. Wala pang tunay na Community Resource Development Plan (CRDP) na binuo at pinagkaisahan ng mga pamayanan ng katutubo.
- Hanggang sa ngayon ay walang lehitimong audit na ginawa at ipinakita sa mga pamayanan sa 20 milyong piso na ibinayad ng MWSS sa Umiray Angat Transbasin Project-Sumag sa mga kinikilalang lider ng NCIP na tumanggap at namahala sa nasabing halaga.
- Mayroon pa nakasumiteng Motion For Reconsideration sa pagbibigay ng NCIP Commission En Banc ng Certification Precondition (CP) sa Kaliwa Dam Project—na hindi pa rin sinasagot ng NCIP.
- Wala pang permit ang Kaliwa Dam mula sa iba’t-ibang ahensiya at mga lokal na pamahalaan sa Quezon at Rizal.
Patuloy ding nanawagan sa NCIP na maging totoong komisyong kumakalinga para sa mga katutubo.