28 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

PCUP at POPCOM, paiigtingin ang mga programang pang-RPRH

- Advertisement -
- Advertisement -

MANDALUYONG CITY – Sa inisyatiba ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairperson at Chief Executive Officer, Undersecretary Elpidio R. Jordan, Jr. na suportahan ang pagsisikap ng gobyerno na isulong ang responsableng pagpapamilya gayundin ang sexual and reproductive health, isang exploratory meeting ang naganap kasama ang Commission on Population and Development (POPCOM) noong ika-15 ng Pebrero.

Sa pagpupulong kasama si POPCOM Officer In Charge-Executive Director (OIC-ED) Mr. Lolito R. Tacardon, tinalakay ni Undersecretary Jordan ang posibleng kolaborasyon sa pamamagitan ng mga banner program ng PCUP na higit na makakatulong sa pagpapabuti at pag-angat ng buhay ng mga maralitang tagalungsod at Informal Settler Families. (ISFs).

Bilang tugon, nangako si Direktor Tacardon na suportahan ang iba’t ibang mga programa at serbisyo ng PCUP na may diin sa pagsisikap ng POPCOM na higit pang palakasin ang pagpapatupad ng mga programa at estratehiya nito kaugnay ng populasyon upang makamit ang socioeconomic development.

“Ang POPCOM ay isa sa mga katuwang ng PCUP para sa pagbabago at nais naming ipagpatuloy ang ugnayang ito para sa kapakanan ng mga maralitang tagalungsod sa bansa lalo’t higit sa usapin ng pagtataguyod ng mga karapatan ng mga Pilipino patungkol sa reproductive health, gender and development, gayundin ang pagtukoy sa responsableng pagpapamilya,” giit ni Undersecretary Jordan.

Ang hakbang ng PCUP na magkaroon ng partnership sa POPCOM ay alinsunod sa Republic Act 10354, o kilala bilang Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Law of 2012 kung saan “kinikilala ang mga karapatang pantao ng lahat, pagkakapantay-pantay, ang karapatan sa napapanatiling pag-unlad ng tao, ang karapatan sa kalusugan na kinabibilangan ng reproductive health, ang karapatan sa edukasyon at impormasyon, at ang karapatang pumili at gumawa ng mga desisyon para sa kanilang sarili alinsunod sa kanilang mga paniniwala sa relihiyon, etika, paniniwala sa kultura, at ang pagkilala sa responsableng pagpapamilya.”

Sa nakaraang forum, nanindigan si Director Tacardon na ang RPRH Law ay nagbigay-daan sa pinahusay na partnership sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga pagkakataon para sa pagpapatupad ng mga kaugnay na patakaran at programa sa reproductive health sa antas ng katutubo.

“Kinikilala namin ang patuloy na suporta ng POPCOM sa ilan sa mga aktibidad ng PCUP tulad ng aming mga caravan at mga capability building program na nakatuon sa gender and development at family planning upang itaguyod ang pagkakapantay-pantay ng kasarian, napapanatiling paglaki ng populasyon, pagbabawas ng kahirapan, at pag-unlad ng ekonomiya sa mga maralitang tagalungsod at kanilang pamilya at inaasam po namin sa PCUP na madagdagan pa ang mga ito,” dagdag pa ni Undersecretary Jordan.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -