26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Activation ng 2 Ready Reserve Company isinagawa sa Fort Magsaysay

- Advertisement -
- Advertisement -

IDINAOS kamakailan sa Fort Magsaysay ang unit activation ceremony para sa dalawang Ready Reserve Company sa ilalim ng 3rd Regional Community Defense Group.

Kabilang dito ang activation ng 1st (Nueva Ecija) Ready Reserve Signal Company at 1st (Tarlac) Ready Reserve Engineering Construction Company.

Pinangunahan ni Philippine Army Reserve Command Commander Major General Romulo Manuel Jr. ang unit activation ceremony para sa 1st (Nueva Ecija) Ready Reserve Signal Company at 1st (Tarlac) Ready Reserve Engineering Construction Company sa ilalim ng 3rd Regional Community Defense Group, na idinaos sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija. (7th ID)

Ayon kay Philippine Army Reserve Command (ARESCOM) Commander Major General Romulo Manuel Jr., ang pag-activate ng dalawang Ready Reserve Company ay isang hakbang tungo sa pagpapahusay ng kakayahan at pagtiyak ng kahandaang tumugon sa anumang sitwasyon na may kaugnayan sa pagpapanatili ng kapayapaan.

“Ang mga yunit na ito ang magiging base para sa pagpapalawak ng ating army signal regiment at ng first engineering brigade, na kung saan pangangasiwaan din ang espesyalisasyon para sa mga ito,” sinabi ni Manuel.

Kaugnay nito ay kaniyang ipinaabot ang pasasalamat sa lahat ng mga reservist na tumugon sa panawagan na maglingkod sa bansa, sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok na maging reserbang puwersa ng Philippine Army.

Napapanahon din aniya ang activation ng mga ito sa kinakaharap na hamon ng bansa, na bilang mga reserbang sundalo ay dapat maging handa upang tumulong sa mga regular na puwersa at tuparin ang mandato sa panahon ng pangangailangan.

“Ang inyong pangako na ipagtanggol ang bansa at ang inyong kahandaang isakripisyo ang inyong oras at lakas ay tunay na kapuri-puri. Totoo na ang pagsisikap at paglilingkod ng ating reserbang puwersa ay patunay na lagi tayong nakahandang harapin ang anumang hamon na darating sa atin,” dagdag ni Manuel.

Samantala, pinangasiwaan din kamakailan ng ARESCOM katuwang ang Civil-Military Operations Regiment at 7th Infantry Division (7th ID) ang convention ng mga Ready Reserve Unit (RRU) Commanders.

Tampok sa aktibidad ang komprehensibong pagtalakay sa kasalukuyang Reserve Force Development Program ng Armed Forces of the Philippines, ang tungkol sa command relationship at ang mga tungkulin ng Ready Reserve Infantry Brigades and Battalions.

Dito ay ipinaabot ni 7th ID Commander Major General Andrew Costelo ang kaniyang suporta sa pagpapatupad ng Reserve Force Development Programs ng Philippine Army at tiniyak na kinikilala nila ang gampanin ng mga reservist sa internal security, humanitarian assistance, disaster response operations at pagsusulong ng territorial defense operations.

Ang convention ng RRU Commanders ay dinaluhan din ng Battalion Commanders ng 7th ID na may layuning maipaunawa ang iba’t ibang inobasyon, programa, at aktibidad na may kaugnayan sa pagpapatupad ng Reserve Force Development Program. (CLJD/CCN, PIA 3-Nueva Ecija)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -