Upang mapaigting ang pakikilahok ng mga magulang sa edukasyon ng mga anak at masugpo ang bullying, iminumungkahi ni Senador Win Gatchalian sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makipagtulungan sa mga Parent-Teacher Associations (PTA) upang ipatupad ang Parent Effectiveness Service Program Act (Republic Act No. 11908).
Sinundan ng panawagang ito ni Gatchalian ang paliwanag ng ilang mga eksperto na madalas biktima rin ng karahasan sa kanilang mga tahanan ang mga bully sa paaralan. Sa isang pagdinig hinggil sa pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013 (Republic Act No. 10627), sinabi ni Dr. Bernadette Madrid ng Child Protection Network Foundation na sinasalamin ng mataas na bilang ng mga insidente ng bullying ang antas ng karahasang nararanasan ng mga kabataan sa kanilang mga tahanan.
Dahil sa mahalagang papel ng mga magulang sa pagsugpo ng bullying, binigyang diin ni Gatchalian ang pagpapatupad sa Parent Effectiveness Service Program (PES) Act upang palawakin ang kaalaman ng mga magulang at mga parent-substitutes sa pagganap ng kanilang tungkulin. Si Gatchalian ang may akda at co-sponsor ng naturang batas.
Bago pa ipasa ang batas, ipinapatupad na ng DSWS ang PES para sa mga magulang ng mga mag-aaral ng mga child development centers. Dumadaan ang mga magulang na ito sa orientation ng parent effectiveness service. Kasalukuyan namang pinamumunuan ng DSWD ang pagbuo ng implementing rules and regulations ng batas.
Ngunit para kay Gatchalian, hamong maabot ang hindi bababa sa 20 milyong mga magulang, bagay na matutugunan sa pakikipagtulungan at pakikipag-ugnayan sa mga PTA.
“Maaari ninyong gamitin ang network ng DepEd dahil meron na silang mga PTA. Ito ang pinakamabilis na paraan para maabot ang ating mga magulang. Kung meron na kayong mga modules, makipagtulungan na lamang kayo sa DepEd dahil naaabot na nila ang mga magulang. Pwede niyo nang imandato sa mga magulang na maging bahagi ng Parent Effectiveness Service,” mungkahi ni Gatchalian kay DSWD Social Welfare Officer IV Cheryl Mainar sa isinagawang pagdinig.
Batay sa National Baseline Study on Violence Against Children in the Philippines na isinagawa noong 2015, tatlo sa lima o 66.5% ng mga kalahok ang nakaranas ng pisikal na karahasan noong kabataan nila. Ayon pa sa pag-aaral, sa tahanan nangyari ang 60% ng mga kasong ito.
Batay naman sa resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), 65% ng mga mag-aaral na 15 taong gulang ang nag-ulat na nakaranas sila ng bullying ilang beses sa loob ng isang buwan. Kung ihahambing sa 78 pang bansa, Pilipinas ang may pinakamataas na bilang ng mga insidente ng bullying sa paaralan.