30.4 C
Manila
Linggo, Setyembre 29, 2024

DBM, naglabas ng P1 bilyon para sa 2024 Marawi Siege Victims Compensation

- Advertisement -
- Advertisement -
INAPRUBAHAN ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalagang P1 bilyon para sa Marawi Siege Victims Compensation para ngayong taon.
Ang alokasyon na ito ay magbibigay ng kompensasyon para sa 574 benepisyaryo/tatanggap, partikular na para sa mga nasirang ari-arian at mga death claim.
Binigyang-diin ni Secretary Mina ang kahalagahan ng pagpapalabas ng pondo bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng gobyerno na bigyang tulong ang mga naapektuhan ng labanan.
“As a daughter of Mindanao, I can say na malaking tulong po itong P1-billion Marawi Siege Victims Compensation para tuluyang makabangon ang mga kababayan natin sa Marawi. Gusto po ng administrasyon ni President BBM na mabigyan ng sapat na suporta at kakayanan ang mga apektadong pamilya na maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay,” pahayag ni Sec Mina.
Ang tulong pinansyal na ito, na nakalaan para sa mga biktima ng krisis sa Marawi noong 2017, ay naglalayong ipagpatuloy ang pagbibigay ng kinakailangang suporta para sa rehabilitasyon at muling pagbangon ng lungsod. Sakop ng kompensasyon ang mga claim para sa mga tuluyan at bahagyang nawasak na istruktura, gayundin para sa mga binawian ng buhay noong panahon ng labanan.
Nakabalangkas sa Section 41 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) RA No. 11696 ang isang patas at mabisang proseso sa pagtukoy ng halaga ng kompensasyon. Makatatanggap ng kabayaran ang mga kwalipikadong claimants batay sa lawak ng pinsala sa kanila, kasama ang residential, commercial, o personal na ari-arian.
Ang Marawi Compensation Board, na nalikha sa ilalim ng RA No. 11696, ang mamamahala sa distribusyon ng pondo. Ang kompensasyon ay walang buwis, na nagtitiyak na matatanggap ng mga benepisyaryo ang buong halaga. Para sa mga nasawi sa labanan, tatanggap din ng kompensasyon ang kanilang mga pamilya alinsunod sa Code of Muslim Personal Laws of the Philippines o Civil Code of the Philippines. Kung pumanaw na ang orihinal na may-ari ng ari-arian, maaaring mag-claim ng kompensasyon ang mga legal na tagapagmana sa pamamagitan ng pagsusumite ng kinakailangang dokumento.
Ang SARO, na inapubrahan noong ika-24 ng Setyembre 2024, ay magmumula sa FY 2024 General Appropriations Act.
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -