Ang License to Sell (LS) ay isang dokumento na pinagkakaloob ng DHSUD bilang patunay na nakapasa sa minimum standards ang plano ng isang developer para sa proyektong ari-ariang bahay at lupa (real estate project) bago ito ibenta sa publiko. Sa LS, nakasaad ang pangalan at lokasyon ng proyekto, pangalan ng developer o may-ari ng proyeto, uri ng proyekto at kailan ito naka-schedule na matapos.
Kung may LS na, nangangaluhulugang pumasa na ang proyekto base sa mga panuntunan na isinaad sa batas (PD 957 at BP 220).
Ilan sa mga uri ng real property projects ay ang mga sumusunod:
– subdivision lot
– house and lot
– farm lot subdivision
– commercial subdivision
– industrial subdivision
– condominium
– socialized housing
– town house
– memorial park at columbarium
Karapatan mo bilang buyer na manghingi ng LS number o kaya mismong kopya nito mula sa seller bago bumili ng real estate project.
Ang Certificate of Registration ay isang dokumento na ini-issue bago mabigyan ng LS ang isang project. Hindi ito katumbas ng LS. Ibig sabihin, hindi pa rin maaaring magbenta kung CR pa lang ang meron sa isang real estate project.
Tandaan na ang License to Sell lang – at hindi ang Certificate of Registration – ang basehan kung maari nang ibenta ang isang real estate project.
Kung walang gagawing pagsusubdivide sa lupa, hindi na kailangan ng LS. Kung may paghahati pa na gagawin o may subdivision plan, kailangan ng LS. Mas mainam na hingan ng LS sapagkat ito ay panigurado na ang mga dokumento ng lupa ay siguradong nasa ayos dahil ito ay dumaan na sa pagsusuri ng DHSUD.
Ang Facebook posts tulad ng mga nakikita sa MarketPlace, maging sa iba pang social media platform, ay kailangan ng LS kung ito ay ibinebenta bilang subdivided lots. Dapat kasama o makita sa advertisements ang LS number at advertisement approval na galing sa DHSUD.
Kung walang hatiang gagawin sa lupa, hindi na kailangan ng lisensya kung ito ay ibebenta. Kung ang lupa ay hinati-hati (subdivided), kailangan nito ng LS bago ibenta. Ipagbigay-alam agad sa pinakamalapit na DHSUD Regional Office kung may developer na nagbebenta ng subdivided lots na walang LS.
Kung sinabi ng nagbebenta na hindi na kailangan ng LS kahit hinahati-hati nila ang lupa para ibenta, ito ay nagdadahilan lamang o hindi alam ang batas. Magtitiwala ka ba sa taong umiiwas o hindi inaalam ang tamang pagbebenta ng lupa?
Ipagbigay-alam ang ganitong mga modus sa DHSUD Regional Offices: ang pangalan ng project, location at pangalan ng kompanya o taong nagbebenta.