“Nasa puso ko talaga yung pagmamahal, ‘yon talaga ang kagustuhan ko, magturo. Iyon ang dahilan kung bakit ako tumagal sa pagtuturo, pagmamahal sa trabaho, at pagmamahal sa mga bata.”
Para sa marami, taon bago nila malaman kung ano talaga ang gusto nilang gawin sa buhay nila, ngunit para kay Teacher Lilia Ragasa, isang Grade 3 teacher sa Candon South Central School, Grade 1 pa lamang siya ay alam na niya kung ano ang kaniyang calling, ang maging isang guro.
Nagsimula siyang magturo noong 1988 sa Paypayad Elementary School sa Candon, Ilocos Sur at matapos ang 19 years, na-promote na si Teacher Lilia bilang isang Master Teacher I. Noong 2007, lumipat na siya sa Candon South Central School upang magturo sa Grade 3 learners ng Filipino, Science, Mathematics, Araling Panlipunan, ESP, at English.
Sa kanyang 36 taong pagtuturo, iba’t ibang uri ng mga bata ang nakasalamuha niya. Ibinahagi niya kung paano niya nasisigurong hindi lamang matututo ang kaniyang klase kundi nararamdaman din nila ang kaniyang pagmamahal. Aniya, ang susi sa pagiging isang magaling na guro ay pag-alala na iba-iba ang komunidad at tahanan na kinalakihan ng mga bata.
“Ang buhay teacher ay hindi madali pero ang gaan sa pakiramdam na makapagturo sa mga bata, mabait man o pasaway. Doon mo kasi name-measure yung patience mo,” pahayag ni Teacher Lilia.
Makalipas ang higit na tatlong dekadang pagtuturo, masayang ibinahagi ni Teacher Lilia na ang Candon South Central School at ang mga guro rito ang kaniyang naging pamilya, habang ang mga batang patuloy niyang tinuturuan ang naging kanyang mga anak.
“Alam ko na ang mga teachers ay very resilient at kaya nilang i-adopt ang kanilang mga sarili sa mga challenges na darating sa buhay nila as teachers, magpatuloy lang nila ang kanilang pagmamahal sa kanilang ginagawa, yun ang magli-lead sa kanila ang magbibigay kasiyahan at fulfillment as a teacher,” mensahe ni Teacher Lilia sa kaniyang kapwa guro.
(Teksto at mga larawan mula sa Facebook page ng DepEd)