26.1 C
Manila
Lunes, Disyembre 23, 2024

Estado ng edukasyon sa BARMM ipasusuri ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Inihain ni Senador Win Gatchalian ang isang resolusyong layong repasuhin ang estado ng edukasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang tugunan ang mababang enrollment, iangat ang performance ng mga mag-aaral, at palawigin pa ang access sa dekalidad na edukasyon sa rehiyon.

“Nakaapekto sa kalidad ng edukasyon sa BARMM ang maraming dekada ng armadong tunggalian at kawalan ng kaayusan batay sa mga mga sukatang may kinalaman sa edukasyon,” ani Gatchalian.

Sa ilalim ng Proposed Senate Resolution No. 455, susuriin ang lagay ng pagpapatupad ng Bangsamoro Education Code (BEC) of 2021 at mga probisyon ng Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (Republic Act No. 11054) na may kinalaman sa edukasyon. Nilagdaan ang BEC of 2021 alinsunod sa mandato ng BARMM organic law sa pagkakaroon ng batas upang patatagin ang Madaris school system.

Pinuna ng Senador na hamon sa rehiyon ang historical Net Enrollment Rate (NER), lalo na sa Junior High School (JHS) at Senior High School (SHS). Bagama’t umabot sa 97% ang NER sa buong bansa, 36% lamang ng mga kabataang 12 hanggang 15 taong gulang ang enrolled sa JHS, samantalang 10% naman ng mga kabataang 16 hanggang 17 taong gulang ang enrolled sa SHS.

Ayon sa Annual Poverty Indicators Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), kabilang sa mga pangunahing dahilan ng hindi pagpasok ang gastos sa edukasyon (21%), accessibility ng mga paaralan (17%), at kawalan ng personal na interes (16%).

Pinuna rin ni Gatchalian ang pinakahuling datos ng Cohort Survival sa BARMM. Kada 100 bata na enrolled sa Grade 1 para sa School Year (SY) 2010-2011, 17 lamang ang nakatapos ng Grade 12 noong SY 2021-2022. Napakababa nito kung ihahambing sa 57 na mag-aaral na nakatapos ng Grade 12 noong SY 2021-2022 kada 100 mag-aaral sa Grade 1 noong SY 2010-2011.

Naaalarma din ang mambabatas sa mga pinakahuling resulta ng pitong National Achievement Tests (NAT) sa rehiyon. Ayon sa mga resulta ng NAT, umabot sa near proficiency ang kakayahan ng mga mag-aaral sa Grade 6 pagdating sa English (52.4%) at Mathematics (52%), samantalang low proficiency naman ang naitala pagdating sa Science (46%).

“Mahalagang masuri natin ang mga hamong kinakaharap ng ating mga kababayan sa BARMM pagdating sa edukasyon. Nais nating tiyakin na pagdating sa dekalidad na edukasyon at mga oportunidad sa magandang kinabukasan, hindi maiiwan ang ating mga kababayan sa rehiyon,” said Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -