Magsisimula na sa 24 Pebrero 2023 ang Onlayn Dap-áyan sa mga Babasahín sa Saliksik at Kulturang Pilipino ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) tampok ang mga salawikain.
Ang proyektong ito ay serye ng mga pagbása at talakayan sa iba’t ibang panitikang-bayan ng bansa kabilang ang salawikain, bugtong, alamat, awiting-bayan, at epiko.
Kumukuha ito ng inspirasyon sa dap-áyan ng mga taga-Kordilyera na may kinalaman sa mga ritwal at paraan upang malutas ang mga isyu ng komunidad.
Sa bawat sesyon, magbibigay ang KWF ng babasahín at gabay sa pagbása ng mga panitikang-bayan para sa isasagawang talakayan sa onlayn na platform.
Bukás na ang pagpapatalâ para sa unang sesyon tampok ang salawikain sa 24 Pebrero 2023. May hiwalay na pagpapatalâ para sa iba pang sesyon: 28 Abril (bugtong), 28 Hunyo (alamat), 31 Agosto (awiting-bayan), at 27 Oktubre (epiko).
Libre at bukás ito sa sinumang interesado. Kinakailangan lámang magpatalâ sa link na ito: https://forms.gle/idhnj7N4rrikkpcN6. Pipili ang KWF ng 30 kalahok na pagkakalooban ng sertipiko ng partisipasyon. Magbibigay rin ng mga aklat ng KWF Publikasyon sa piling mga kalahok.
Para sa mga detalye, maaaring magpadala ng email kay Roy Rene S. Cagalingan sa [email protected].