Unang Bahagi
ISA akong masugid na tagasubaybay ng pagdinig ng Senado sa pagkasangkot ni suspendidong mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo sa operasyon ng maalingasngas na POGO.
Sa daloy ng mga unang tanungan, lumantad na ang angulo na hindi Pilipino ang dalagang mayor kundi Chino. Inilahad ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga dokumento na nagpapatunay sa kanyang hinala ukol sa tunay na pagkatao ng punongbayan: na bagaman totoo ang nakatala sa birth certificate ni Alice na ang kanyang ama ay Chino, hindi totoo na ang kanyang rehistradong ina ay Pilipino kundi Chino rin. Ani Gatchalian, sa isang panahon ay tumira ang mga Guo sa Valenzuela na kanyang teritoryo at sa kanyang pag-imbestiga napag-alaman niya na ang tunay na ina ni Mayor Guo ay Chino nga. Kongklusyon ni Gatchalian, kung ganun pala’t kapwa Chino ang mga magulang ni Alice, walang bisa ang certificate of candidacy na inihain niya upang tumakbo bilang alkalde ng Bamban sa eleksyon noong 2021 na kanyang pinagwagian.
Lumantad din sa mga pagbubunyag ni Gatchalian ang hinala na si Mayor Alice ay espiya ng China.
Sa panahon na ang pagkamuhing kontra Chino ay pinatitindi sa media ng mga alipuris ng Amerika kaugnay ng tensyon sa South China Sea, totoong ang ganitong akusasyon ay nakapagpasama pa nang husto sa kawawang mayora.
Bagaman sa mata ng mga mamamayang pinaglilingkuran sa Bamban ay nananatiling tinitingala si Guo, sa labas ng munisipalidad ay di pagtatakhan kung ang tingin sa kanya ng mga tao ay demonyo.
Halimbawa nito ang pahayag ni dating Senador Ping Lacson, na sa isang panayam ay inihalintulad ang mayora sa isang espiya ng Israel na nakaangat sa burukrasya ng Syria at nakapagbunyag ng mga lihim nito sa Israel.
Pabala ni Lacson: mag-ingat at baka ang gobyerno ng Pilipinas ay napuslitan na ng mga espiyang Chino.
Kung sa bagay, alam natin na noong si Lacson ay pugante mula sa batas dahil sa kasalanang bintang sa kanya na pagpatay sa mamamahayag na si Bobby Dacer, saan siya nagpakanlong? Sa Amerika. Sa labanang US-China sa South China Sea, kanino pa kakampi si Ping kundi sa bansang kumupkop sa kanya sa panahong pinaghahanap siya ng mga awtoridad ng Pilipinas: US.
Pero tabi-tabi muna sa pulitikang iyan. Si Alice Guo ang pinag-uusapan dito.
Sa isang direktor sa pelikula na tulad ko, ang dramang dinadaanan ngayon ni Mayor Alice Guo ay tunay na isang materyal para sa isang blockbuster.
Nagpopormahan na ngayon ang mga pulitiko na naghahangad na tumakbo sa eleksyong 2025. Napakabisa na nga ng pagkapasademonyo kay Alice Guo kung kaya marami nang mga ambisyoso ang sumasakay sa malawakang pag-alipusta sa kanya.
Mangyari pa, iba ang reaksyon ng mga makasariling pulitiko na nag-aambisyon ng puwesto, iba ang sa ordinaryong manamayan. Ang popularidad ni Alice ay hindi na lang sa Pilipinas kundi umabot na sa ibayong dagat. Laman na siya ng balitaang internasyunal.
Nang mahuli si Alice sa Indonesia, kandarapa ang mga empleyado ng immigration sa pag-unahang magpapicture kasama siya. Ganun din ang mga tao sa airport nang ibalik na siya sa Pilipinas. Kuntodo ngiti at pa-peace-peace pa siya, na animo’y tuwang-tuwa pa at siya ay nahuli at naibalik sa Pilipinas. Pumikon ito kay Hontiveros na kinailangang manawagan sa sambayanan na si Alice Guo ay hindi celebrity na dapat na tinitilian.
Subukan kayang kumuha ng survey kung sino ang pinakasikat na personalidad ngayon sa Pilipinas. Tingnan kung hindi mapabilang si Alice Guo sa unahan.
Tunay na nakakahanga ang kalmado, malamig at matibay na pagharap ng mayora sa mga pagtatanong ng mga senador. Madalas sangkalanin ng mga mambabatas ang anila’y imbestigasyon “in aid of legislation” kung kaya ganun na lang sila kalaya na itrato si Mayor Guo na animo’y sumasailalim sa interogasyon na dinaanan ni Joan of Arc noong panahon ng Inquisition. Walang kadepedepensa. Talagang ipagpapasa-Diyos mo lang kung anoman ang iyong kahihinatnan.
Hindi mo maiaalis sa babae ang maghangad ng kaligtasan kung meron din lang naman siyang magagawang paraan.
Kung anuman ang tunay na nasa likod ng pagsisiyasat ng kongreso kay Alice Guo, hindi natin alam, sapagkat wala pang linaw. Oo nga’t “in aid of legislation” ang sinasangkalan, wala namang tiyak na panukalang batas ang binabanggit ng mga mambabatas na nagpapailalim sa kanya sa mga pagtatanong na para bang siya ay nakagawa ng krimen na iniimbistigahan. Nilinaw nga ni Senador Risa Hontiveros na ang mga resource person na ipinatatawag sa pagdinig ng Senado ay mga panauhin na nahihilingang magbigay ng mga kailangang impormasyong makatutulong sa gawaing pambabatas. Hindi sila mga nasasakdal ng krimen na kung kaya dapat na sumangkalan sa karapatang manahimik
upang huwag maipahamak ang sarili. Katwiran ng abogado ni Mayor Guo, karapatan niya ito na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Pilipinas.
Siguradong alam ng abogado na ang ganung pangangatwiran niya ay mayroong mas malawak na implikasyon sa usapin ng pambabatas na hindi alam ng karaniwang mamamayan – o marahil maging ng mga mambabatas na nag-iimbistga kay Guo.
Iisa ang tinutumbok ng imbestigasyon ng Senado at ng Kamara: ang ibulgar ang kanyang pagiging Chino at ang koneksyon niya sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) . Pinakamatibay na nagawa ng NBI sa usapin ng nasyonalidad ni Alice Guo ay ang pagpapatotoo na ang fingerprint sa passport ng Chino na nagngangalang Guo Hua Ping at ang nasa passport naman ni Alice ay iisa. Sa katunayan, may himig ng sarcasm nang tawagin nina Senador Joel Villanueva at Risa Hontiveros si Alice Guo hindi sa kilalang pangalan niya kundi bilang Go Hua Ping.
Kahanga-hanga ang ipinakikitang tapang at tibay ng loob ng mayora na sa bawat ganung kalagayan, matigas niyang pinaninindigan na siya ay si Alice Leal Guo.
Hindi ako abogado, kaya hindi ko maipaliwanag ang mas malalim na implikasyong ligal ng pangyayaring may dalawang passport ng lumilitaw na iisang tao, na ang isa ay may pangalang Guo Hua Ping at ang isa ay Alice Leal Go. Sa pagdidikdik sa kanya ng mga senador kung siya ba ay si Guo Hua Ping, tahasang pinaninindigan ng mayora na siya si Alice Leal Gou.
Dahil sa paninindigang ito kung kaya hindi ako makawala sa tendensiyang maniwala na nagsasabi siya ng totoo.
Sa minsang pagtatanong sa kanya ni Senadora Loren Legarda, paulit-ulit niyang isinagot sa magkakaibang tanong tungkol sa kanyang pagkabata: “Lumaki ako sa farm.” Napikon si Legarda at nanermon: “Ayan ka na naman. Lumaki ako sa farm. Lumaki ako sa farm. Paulit ka na lang. Tinuturuan ka yata ng abogado mo.”
Sa loob-loob ko, dahil iyun ang totoo.