28 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Mga paalala sa publiko para maiwasan ang mpox-DoH

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGBIGAY ng mga paalala ang Department of Health (DoH) sa publiko upang maiwasan ang sakit na mpox (dating kilala bilang monkeypox), bunsod ng pagkakaroon ng mga kumpirmadong kaso nito sa Pilipinas.

Health Development Infectious Diseases Cluster medical officer Angelica Joy Diaz

Ayon kay DoH Central Luzon Center for Health Development Infectious Diseases Cluster medical officer Angelica Joy Diaz, dapat iwasan ang matagalang skin-to-skin contact, kabilang na ang pakikipagtalik, paghalik, at pagyakap.

Aniya, kung mag-aalaga ng taong may mpox, mahalagang gumamit ng personal protective equipment tulad ng face mask, guwantes, at mahahabang damit gaya ng pantalon at long sleeves.

Inirerekomenda rin ang madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang tubig at sabon.

Binanggit ni Diaz na kung wala ang mga ito, maaaring gumamit ng alcohol-based handrub, lalo na kung kontaminado ang mga kamay.

Kinakailangan ring panatilihing malinis ang mga kagamitan, lalo na kung hindi sigurado kung sino ang gumamit nito, dahil hindi tiyak kung gaano katagal nananatili ang virus sa mga bagay.

Bukod pa rito, pinaalalahanan ni Diaz ang publiko na takpan ang bibig kapag umuubo o bumabahing, at magsuot ng face mask kung may ubo o sipon.

Higit sa lahat, aniya, magpakonsulta agad sa doktor kapag nakararanas ng mga sintomas tulad ng trangkaso at pamamantal ng balat.

Ang mpox ay sanhi ng monkeypox virus na nakahahawa sa pamamagitan ng malapitang pisikal na kontak tulad ng skin-to-skin, mouth-to-mouth, mouth-to-skin, at face-to-face contact.

Maaari din itong maipasa sa pamamagitan ng indirect contact, gaya ng paggamit ng kontaminadong damit, tela, o kagamitan.

Sinabi ni Diaz na ang karaniwang sintomas ng mpox ay ang mga pantal o lesyon na mistulang butlig o taghiyawat, na maaaring kumalat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, tulad ng mukha, palad, talampakan, singit, loob ng bibig, at mga genital at anal areas.

Nagtatagal ito ng dalawa hanggang apat na linggo na may kasamang lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, panghihina, at pamamaga ng kulani.

“Maaari ding minsan magkaroon ng mga respiratory symptom tulad ng sore throat, nasal congestion, at ubo,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin naman ni Diaz na ang isang indibidwal na may mpox ay nakahahawa mula sa unang araw ng sintomas hanggang sa araw na matanggal ang mga langib.

Samantala, mayroong dalawang clade ang mpox na tinatawag na Clade 1 at Clade 2.

Ipinaliwanag ni Diaz na ang Clade 1 ay mas mataas ang posibilidad na magdulot ng mas malubhang sintomas, samantalang ang Clade  2 ay mas banayad.

“Ang nakikitang mga kumpiradong kaso ngayon dito sa ating bansa ay nasa Clade 2,” wika niya.

Gayunpaman, patuloy ang pagpapayo ng DoH sa publiko na mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa mpox, kabilang ang mga sintomas at kung paano ito maiiwasan, upang maprotektahan ang sarili laban sa naturang sakit.

Muling idineklara ang mpox bilang isang Public Health Emergency of International Concern (PHEIC) nitong ika-14 ng Agosto, dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso sa Democratic Republic of Congo at ilang bahagi ng Africa.

Nauna itong ideklara bilang PHEIC noong ika-23 ng Hulyo 2022, at natapos noong ika-11 ng Mayo 2023. (CLJD/MAECR, PIA Region 3-Nueva Ecija)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -