28.5 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

Alituntunin sa FOA, AMP inilunsad sa Central Visayas

- Advertisement -
- Advertisement -

SINIMULAN na ang pagpapalaganap ng impormasyon patungkol sa Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association (FOA) and Civil Liberties sa Central Visayas kasunod ng paglulunsad nito sa rehiyon noong Agosto 27, 2024 sa Cebu.

Naglunsad ang Department of Labor and Employment (DoLE) ng pambansang kampanya sa Central Visayas noong Agosto 27 para isulong ang proteksyon ng mga pangunahing prinsipyo at karapatan sa paggawa. (Larawan mula sa DoLE Central Visayas)

Ang paglulunsad ay bahagi ng pagsisikap ng Department of Labor and Employment sa pagpapakalat ng impormasyon sa kahalagahan ng paggalang sa karapatang pantao at ang epekto nito sa alitan sa paggawa sa pagitan ng grupo ng manggagawa, sektor ng employer, at mga partner ng pamahalaan.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ay ang kahalagahan ng karapatang pantao, ang mga probisyon ng Executive Order No. 23, series of 2023, na nagpapatibay sa Freedom of Association (FOA) at karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa, at mga patakaran sa pagpapatupad ng FOA.

Malugod na tinanggap ni DoLE Central Visayas Regional Director Lilia Estillore ang mga nagsidalo at ipinahayag na siya ay umaasa na magkakaroon ng inspirasyon ang lahat upang ganap na suportahan at itaguyod ang mga pangunahing karapatan ng kalayaan sa pagsasamahan at ang karapatang mag-organisa. Binigyang-diin niya ang mga karapatang ito bilang mahalagang haligi ng isang demokratikong lipunan, gaya ng nakasaad sa 1987 Philippine Constitution.

Nagsilbing resource persons sina Commission on Human Rights (CHR) 7 Regional Director Arvin Odron, na tumalakay sa kahalagahan ng paggalang sa karapatang pantao, at DoLE 7 Mediator Arbiter Lovely Aissa B. Velayo–Agliam na nagpaliwanag sa mga detalye ng Executive Order No. 23, series of 2023.

Tinalakay naman nina Labor Arbiter at concurrent Bureau of Labor Relations Officer-in-Charge Maria Consuelo Bacay ang Omnibus Guidelines on the FOA at Department of Trade and Industry – Bureau of International Trade – Multilateral Relations Division Chief Jan Dela Vega ang epekto ng mga alitan sa paggawa sa kalakalan..

Si Assistant Secretary Lennard Constantine Serrano ng Labor Relations, Policy, International Affairs, at Regional Operations Cluster, bilang keynote speaker, ay kumakatawan sa Kalihim ng Paggawa na nakibahagi din sa naturang paglulunsad.

Inilunsad din ng regional office sa parehong okasyon ang Adjustment Measures Program o DoLE-AMP ng ahensya.

Isang orientation at write shop din ang isinagawa para sa mga pribadong establisimyento mula sa mga lalawigan ng Negros Oriental, Cebu, at tri-city ng Mandaue, Cebu, at Lapu-Lapu.

Layunin ng Department Order No. 241, Series of 2024, o ang Implementing Guidelines of the DoLE Adjustment Measures Program (DOLE-AMP) for Workers and Enterprises na bawasan o pagaanin ang kahinaan ng mga manggagawa at negosyo mula sa mga pagkagambala sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapahusay ng kanilang kapasidad sa pagpapanatili at paglikha ng trabaho, pagpapabuti ng yamang-pantao at katatagan ng negosyo, pagpapataas ng antas ng pagiging produktibo at kompetensya, at aktibong pakikibahagi sa pagsulong ng disente at napapanatiling trabaho.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -