MAS malapit na sa mas madaming Pilipino ang serbisyong medikal, gaya ng X-ray, ultrasound, laboratory, at consultation services, sa paghatid ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Marcos ng 14 Bagong Pilipinas Mobile Clinics sa Manila North Harbor Port ngayong Biyernes (Setyembre 21, 2024). Susundan ito ng 14 pang karagdagang mobile clinics bukas, Setyembre 21, para maipadala sa 28 na probinsya sa Mindanao. Bahagi ito ng Health Sector 8-point Action Agenda.
“Sa pamamagitan ng mga mobile clinics at sa tulong ng lokal na pamahalaan, inaasahan natin na mapapalapit ang serbisyong medikal sa mga lugar na matagal nang nangangailangan ng higit na atensyon—ang mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o ‘yung tinatawag natin na GIDAs,” sabi ng Pangulo.
“At sa ating mga kababayan sa GIDAs: ito ay para sa inyo; para sa bawat Pilipino, sa bawat barangay, sa bawat isla na nag-aantay ng tulong,” dagdag pa niya.
Ang mga mobile medical units ay ipamamahagi sa Regions 9, 10, 11, 12, 13, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Sa mga serbisyo pong ito, mayroon tayong pagkakataong maiwasan o maagapan ang mga sakit tulad ng tuberculosis, diabetes, sakit sa bato, at iba pa,” sabui ng Pangulo.
Nanawagan ang Pangulo sa mga lokal na pamahalaan na panatilihing maayos ang mga mobile clinic, at patuloy na makinig sa mga pangangailangan ng taumbayan. Ayon kay PBBM, ang mga LGU ang tulay ng sambayanang Pilipino at national government sa pagsigurong dama ng bawat mamamayan na “ang kalusugan ay karapatan, hindi pribilehiyo.”
“Dahil sa bawat mobile clinic, ang dala natin ay higit pa sa medikal na serbisyo—naghahatid din tayo ng dignidad, ng tiwala, at ng pag-asa. Pag-asa na sa kabila ng hirap na dulot ng malalayong lugar, maaabot sila ng pamahalaan,” sabi ni Pangulong Marcos.
“Inaasahan po namin ang inyong pagkakaisa upang mapanatiling maayos ang mga mobile clinic, magagamit ito nang wasto, at makatulong sa ating mga kababayan,” dagdag niya.
Teksto at mga larawan mula sa Presidential Communications Office