Sa pormal na pagbubukas ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II, tiniyak ni Senador Win Gatchalian na susugpuin ng mga ipapatupad na reporma ang krisis sa sektor ng edukasyon.
Nitong Enero 23, naghayag ng manifestation si Senate Majority Leader Senator Joel Villanueva sa plenaryo ng Senado na pormal nang nagpulong ang Komisyon. Si Gatchalian naman ang Chairman ng Senate Committee on Basic Education at co-chairperson ng EDCOM II.
Nilikha ang EDCOM II sa bisa ng Republic Act No. 11899 upang repasuhin ang performance ng sektor ng edukasyon. Magpapanukala rin ang komisyon ng mga tiyak at napapanahong mga reporma upang isulong ang competitiveness ng mga Pilipino sa education at labor markets.
Susuriin sa isasagawang national assessment ng komisyon kung paano nasusunod ang mga mandato sa mga batas na lumikha sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Magrerekomenda rin ang komisyon kung paano paiigtingin ang ugnayan ng mga polisiya sa pagitan ng tatlong ahensya. Matatandaan na kasunod ng ulat ng unang EDCOM noong 1991, nahati sa tatlong subsector ang buong sistema ng edukasyon para sa mas maayos na pamamahala.
Susuriin din ng national assessment ang mga dahilan kung bakit hindi naaabot ng mga mag-aaral sa bansa ang mga itinalagang pamantayan sa loob at labas ng bansa.
Matatandaan na sa mga international large-scale assessments, hindi natututunan ng mga mag-aaral ang mga basic competencies at napag-iiwanan na sila ng mga mag-aaral sa ibang bansa. Sa 2018 Programme for International Student Assessment, halimbawa, kung saan lumahok ang 79 na mga bansa, ang Pilipinas ang nakakuha ng pinakamabang marka sa Reading at pangalawang pinakamababang marka sa Mathematics at Science. Lumalabas din sa naturang pag-aaral na isa lamang sa limang mag-aaral na labinlimang (15) taong gulang ang nakakakuha ng minimum proficiency sa bawat subject.
Binigyang diin din ni Gatchalian ang epekto ng pandemya ng COVID-19 na nagdulot ng learning loss dahil sa kawalan ng face-to-face classes.
“Isang mahalagang hakbang sa pagtaas ng kalidad ng edukasyon ang pagtupad ng EDCOM II sa mandato nito. Kasunod ng pagsuri natin sa tunay na lagay ng sistema ng edukasyon, isusulong natin ang mga reporma upang tuldukan ang hinaharap nating krisis sa sektor,” ani Gatchalian.