Upang matiyak na ang mga programa at serbisyo ng gobyerno ay maipaabot ng tapat sa sektor ng maralitang lungsod ng bansa, ang Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP na pinamumunuan ni Chairperson at Chief Executive Officer, Undersecretary Elpidio R. Jordan Jr. ay pinaunlakan ang tawag ni Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nito lamang Enero 17, 2023 sa DILG Napolcom Center sa Quezon City.
Inilatag ni Undersecretary Jordan sa kalihim ang mandato ng PCUP na direktang iugnay ang mga marginalized at underprivileged na sektor sa mga programa at serbisyo ng gobyerno, lalo na ang 4 banner programs ng komisyon sa ilalim ng administrasyon ni Jordan.
Nakatuon ang banner programs ng PCUP sa mga social welfare programs alinsunod sa 8-Point Socioeconomic Agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para palakasin ang panlipunang proteksyon, na kinabibilangan ng housing facilitation o “Piso Mo, Bahay Ko” program, mobilisasyon ng pagkukunan o “Lingkod Agapay Maralita (LAM)” program, pakikipag ugnayan sa pribadong sektor o “PCUP Goodwill Ambassadors” at urban poor data generation na may layuning magtatag ng PCUP satellite offices para sa mga urban poor.
Ang inisyatibo ni Undersecretary Jordan na magtayo ng mga satellite office sa buong bansa sa pakikipagtulungan ng Urban Poor Affairs Offices ay naglalayong bumuo ng data at magtatag ng database para sa mga urban poor na magiging kapaki-pakinabang sa PCUP at sa Local Government Units (LGUs).
“Mabibigyang solusyon ang problema ng maralitang tagalungsod sa bansa kung may partisipasyon ang lahat ng stakeholder, partikular ang local government units (LGUs) at naniniwala ako na ang DILG, sa tulong ng kagalang-galang na Kalihim Benhur Abalos, ay makakatulong sa atin na makamit ang ating iisang layunin – ang maibsan ang kahirapan sa bansa,” ani Undersecretary Jordan.
Ipinahayag naman ni DILG Secretary Abalos ang kanyang suporta at determinasyon na tulungan ang PCUP sa pagpapalakas ng relasyon nito sa mga pinuno ng Lokal na Pamahalaan ng bansa gayundin sa League of Governors at sa Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) upang maihatid ang mandato ng PCUP na itaguyod at protektahan ang karapatan ng sektor ng maralita.
Inaasahan ang ceremonial signing ng memorandum of agreement [MOA] sa pagitan ng PCUP at DILG sa unang bahagi ng taon.
“Panahon na para bigyan natin ng pagkakataon ang ating mga urban poor na magkaroon ng maayos at disenteng pamumuhay. Walang dapat maiwan,” ayon pa kay Undersecretary Jordan.
Kasama ni PCUP Undersecretary Jordan at DILG Secretary Abalos sina PCUP Participatory Governance Unit head, Ms. Catalina E. De Polonia at PCUP Special Asst. for Internal and External Affairs G. Jimmy Uy sa naganap na pagpupulong.