LUNGSOD NG MANDALUYONG – Sa pagsisikap na palakasin pa ang ugnayan nito sa ibang non-government organizations na may layuning direktang maiugnay ang mga maralitang tagalungsod sa iba’t ibang programa at serbisyo para sa kanilang kapakinabangan, nagkaroon ng isang exploratory meeting sa pagitan ng Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP na pinamumunuan ni Chairperson at CEO Undersecretary Elpidio R. Jordan, Jr. at ng Philippine Red Cross o PRC sa pangunguna ni Chairman at Chief Executive Officer G. Richard “Dick” Gordon sa punong-tanggapan ng Philippine Red Cross (PRC) sa Mandaluyong City nito lamang Enero 10, 2023.
Ang pagpupulong ay pinasimulan ng PCUP upang tuklasin ang posibilidad ng pakikipagtulungan sa PRC at pag-usapan ang tungkol sa mga programa at serbisyo na maaaring ipaabot ng huli upang maiangat ang kasalukuyang kalagayan ng marginalized sector sa bansa.
Sinabi ni Jordan na ang hakbang na ito ay lilikha ng maraming pagkakataon sa mga tuntunin ng disaster management, volunteer service, emergency response at iba pang life-saving services na nagpoprotekta sa buhay at dignidad lalo na ng mga urban poor community na gipit ang sitwasyon tuwing may kalamidad.
“Lagi akong naniniwala sa holistic approach ng Philippine Red Cross para maiangat ang kalagayan ng mga nangangailangan, lalo na ang mga maralitang tagalungsod. Sa kanilang 75 na taon sa paglilingkod, nakapaghatid sila nang may malinis na intensyon at ito ay para makatulong sa mas maraming tao.” sabi ni Jordan.
Kasama nina Jordan at Gordon sa exploratory meeting sina PRC Secretary General Ms. Gwendolyn Pang, PRC Officer–in-charge for Safety Services Mr. Jaylord Abrigado, PRC NBS Director Ms. Christie Monina Nalupta, PRC Executive Asst. sa ilalim ng Office of the Chairman Ms. Iny Samson & Ms. Carla Acevedo, PCUP Special Assistant for Internal and External Affairs Mr. Jimmy Uy, at Project and Policy Development Unit head Yvelen Moraña.
Inaasahang lalagda ang Red Cross at PCUP sa isang memorandum of agreement (MOA) sa unang bahagi ng taong ito matapos ang pagsusuri sa posibleng kolaborasyon.