BINIGYANG-DIIN ni Philippine Information Agency (PIA) Director General Jose Torres Jr. sa mga kabataan na dumalo sa Palawan News Conversations na dapat labanan ang ‘fake news’ o ang pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay sa usapin sa West Philippine Sea (WPS).
“Isulong natin ang katotohan at labanan natin ang kasinungalingan na dala ng mga troll, ng mga nagpapakalat ng fake news, misinformation at malinformation. Bilang mga kabataan, hindi lamang natin panindigan ang ating bansa, panindigan din natin ang katotohanan sa likod ng mga pangyayari na makakaapekto sa ating kinabukasan,” pahayag ni Torres.
Isa si Torres sa naging tagapagsalita sa isinagawang forum na inorganisa ng Palawan News na pinamagatang “PN Conversation Sea of Unity: Standing Together for the West Philippine Sea” kung saan pangunahing taga-pagsalita dito si Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela.
Sa mensahe ni Torres, sinabi niya na ang PIA ay kaisa ng Task Force for the West Philippine Sea, National Youth Commission (NYC) at mga kabataan upang ipakita ang kahalagahan ng mga kabataan sa patuloy na pakikipaglaban at paninindigan ng sambayanan sa West Philippine Sea.
Binigyang diin ni Torres na ang yaman ng WPS ay para sa Pilipino at sa susunod pang mga henerasyon.
“Ang West Philippine Sea, ang yaman nito ay para sa Pilipino, para sa mga kabataan, para sa future generation at kayo po ito, mga young people,” saad ni Torres.
Hinikayat din niya ang nasa 750 na mga kabataang dumalo sa forum na pakinggan ang mga sasabihin ni Tarriela upang intindihin kung ano ang tunay na kalagayan at ano ang mga isyu sa likod ng mainit na mga pangyayari sa West Philippine Sea.
“Malapit lang po ‘yon sa Palawan. Sana maintindihan natin kung bakit natin ipinaglalalaban ito, sana maintindihan natin kung bakit dapat nating panindigan ang WPS, kung bakit dapat nating tindigan bilang mga Pilipino, bilang mga kabataan ang ating bansa. Sana, kasama namin kayo sa pagtayo para sa West Philipine Sea.” dagdag na pahayag ni Torres. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)