NOONG Mayo 23, 2017, ang Islamic City ng Marawi sa Mindanao ay napasok ng mga teroristang ISIS at nauwi sa madugong labanan sa pagitan ng mga sundalo at terorista. Maraming tao ang namatay (humigit-kumulang sa 500). Sinasabing higit sa 340,000 katao (o higit sa 72,000 pamilya) ang nawalan ng tirahan at nagbakwit tungo sa mas ligtas na lugar. Ang mga pamilyang ito ay nanirahan sa mga evacuation center na pinamamahalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at nakipanuluyan sa mga kaanak at kaibigan sa mga katabing bayan at lalawigan habang nagpapatuloy ang giyera. Kasama sa pagkawasak ng kanilang mga tahanan, ari-arian, gusali’t mosque ang pagguho ng kanilang pag-asa na sila’y makakabangon pa.
Kasama sa mga nagbakwit ang pamilya nina Noraida at Usman (hindi totoong pangalan ng mga tauhan). Kasama rin sila sa higit 22,000 bata na pansamantalang nahinto sa kanilang pag-aaral. Nang magdaos ang Disasaster Risk Reduction and Management Service ng Department of Education (DepEd-DRRMS), sa pakikipagtulungan ng Cultural Center of the Philippines-Arts Education Department, ng Psychological First-Aid Workshop para sa mga guro ng Marawi City na nagbakwit sa Cagayan De Oro City, kasama ako sa mga resource persons na nagtungo roon upang katagpuin ang mga gurong ito. Dito ko narinig ang salaysay ng mga participants patungkol sa kanilang pagba-bakwit at ng kanilang pakikipanuluyan sa mga kaanak na nasa Iligan City o Cagayan De Oro City, mga katabing siyudad ng Marawi.
Sa kalagitnaan ng aming pagbabahaginan, isang guro ang nagtanong sa akin sa kung paano ba dapat sagutin ang isang tanong na galing sa kaniyang anak na 9-taong gulang. Maselan ang naturang tanong dahil tumalakay ito sa isyu ng pagiging Muslim at Kristiyano: ‘sino raw ba ang dapat nilang kampihan sa giyerang ito – ang mga sundalong Kristiyano o ang kanilang ilang kapwa-Muslim na nakipagsabwatan sa mga teroristang kabilang sa grupong ISIS?’
“Paano po ninyo ito sinagot?” tanong ko sa naturang guro.
“E, hindi ko po nasagot nang maayos,” pagtatapat niya, “paano kasi, di ko po alam kung paano ko ipapaliwanag.”
Sa isip-isip ko noon, paano nga ba dapat sagutin ang gayong tanong? Ano ang makatwirang sagot na magbubuklod, at hindi maghihiwalay, sa mga kababayan nating Muslim at Kristiyano? Ito yata ang isa sa mga core issues na namamagitan sa mga Muslim at Kristiyano. Habang nasa eroplano ako pabalik ng Maynila, hindi matanggal sa aking isipan ang tanong ni Usman.
Sinulat ko ang kuwentong pambatang ‘Maselan ang Tanong ng Batang si Usman’ sa aking pagtatangkang mabigyan ng sagot ang tanong ng isang paslit sa naganap na giyera. Hindi ko maaaring balewalain ang kanyang tanong. Masyado ba siyang bata para unawain ang isang komplikadong isyu gaya ng giyera?
Ayon sa isang gurong eksperto mula sa Family Life and Child Development (FLCD) ng University of the Philippines-Diliman, kapag nagsimula na raw magtanong ang isang bata patungkol sa isang paksa – kahit gaano pa ito kaselan – ang ibig sabihin nito ay handa na siyang umunawa. Na kaya siya nagtanong ay sapagkat nais niyang malinawan ang mga nagaganap. Hindi marapat na maging defensive ang mga magulang sa ganitong pagkakataon kahit pakiwari nila’y hindi pa gagap ng paslit ang nagaganap. May balidong tanong ang bata na dapat tugunan ng isang balidong sagot. Wala sanang sugar-coating. Dito natin mapapatunayan na ang mga bata ay nagtataglay ng sinasabing age-old wisdom.
Hindi dapat iwasan kundi makabubuting harapin ang mga ganitong tanong. Hindi makatutulong kung pansamantala munang iiwasan ito. Nandito tayong mga nakatatanda upang tulungan silang maunawaan ang mga nagaganap sa paligid. The adults are expected to help facilitate the discussion. Ayaw ng mga bata na pinapaikot-ikot natin sila ng ating mga sagot. Mas maa-appreciate nila kung maglalaan tayo ng panahon upang magpaliwag tungkol dito.
Mas nadadagdagan pa nga raw ang nararanasang stress ng bata kung pilit nating itinatago o ikinukubli ang mga tunay na dahilan ng isang isyu o paksa. Halimbawa, hindi natin dapat sabihing ‘natutulog lang’ ang isang taong namatay bilang paliwanag. Paano kasi, ang taong natutulog ay nagigising din. Pero ang taong namatay ay hindi na babangon. Mas maganda kung ipapaliwanag natin ito sa tulong ng mga bagay sa paligid. Gumamit tayo ng analogy o paghahambing sa mga bagay-bagay. Ang kamatayan ay puwedeng ihalintulad sa pagkalanta ng bulaklak, pagkamatay ng paruparo o ano mang pets, pagkaupos ng kandila, pagkabali ng mga sanga ng puno dahil sa katandaan nito, pagkatuyo ng mga dahon, at iba pang paghahambing.
Maaaring ang pagkakasulat ko ng kuwentong ‘Maselan ang Tanong ng Batang si Usman’ ay aking paraan nang pagsagot at pagpapaliwanag sa usapin ng giyera, pagbakwit, at ng ugnayang namamagitan sa mga Muslim at Kristiyano. Isa itong panitikang laan sa usapin ng giyera at conflict. Sa dakong dulo ng aking aklat na ito, naglagay ako ng ‘gabay sa diskusyon’ patungkol sa pagharap sa giyera at sa iba pang maseselang paksa. Makatutulong ito upang sabay ninyong harapin ang tanong ng mga paslit na di natin inaasahang ipupukol sa atin.
Tumanggap ng pagkilala ang ‘Maselan ang Tanong ng Batang si Usman’ mula sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (Unang Gantimpala sa 2019 Kuwentong Pambata), Honor List sa Young Adult category ng ‘Severino Reyes Medal award,’ at nakasama sa Kid’s Choice ng 2022 National Children’s Book Awards.
Kung nais makabili ng aklat na ito, maaaring bisitahin ang online shop ng OMF Lit: shop.omflit.com.