IPINANAWAGAN ng Kagawaran ng Kalusugan sa publiko na kinakailangan ang kagyat na pagpapa-check up kung nakakaranas ng sintomas ng Mpox virus.
Sa ginanap na press conference sa PIA Region 2, matapos kumpirmahin ng ahensya ang isang kaso ng Mpox sa rehiyon, hinimok ni Regional Director Amelita Pangilinan ang publiko na maging maingat at panatilihin ang kalinisan sa katawan.
Ayon kay Pangilinan, puspusan ang surveillance efforts ng kagawaran upang magsagawa ng pagsisisyasat sa kasalukuyang kaso ng Mpox sa rehiyon.
Kasalukuyan ding isinasagawa ang contact tracing upang matiyak na hindi na kumalat ang virus habang patuloy na pinapalakas ng ahensya ang kanilang kampanya upang magbigay-abiso sa publiko.
Sa kasalukuyan, naka-isolate na ang pasyenteng nagpositibo sa Mpox sa ospital, habang ang mga close contacts nito ay naka home quarantine at masusing minomonitor.
Ayon kay Assistant Regional Director Mar Wynn Belo, maaaring sumailalim sa home quarantine ang mga indibidwal na posibleng nakasalamuha ng pasyente, basta’t ang kanilang tahanan ay may sariling kwarto at angkop para sa kanilang pag-quarantine.
Nilinaw din nito na sa ngayon, wala pang nakikitang sintomas ng Mpox sa mga nakalapit sa pasyente, na nagpapahiwatig na hindi ito masyadong nakakahawa.
Gayunpaman, mahalaga pa rin ang pag-iwas sa direct skin contact at pagiging maingat.
Nilinaw din ng mga opisyal na walang bayad ang pagsusuri para sa Mpox, at ang incubation period para sa mga sintomas ay umaabot mula lima hanggang 21 araw pagkatapos ma-expose sa virus.
Puspusan rin ngayon ang koordinasyon ng DoH sa mga lokal na pamahalaan upang mapigilan ang pagdami ng kaso.
Kaugnay nito, bumuo rin ang ahensya ng Mpox Task Force upang matutukan ang mga kinakailangang paghahanda at upang hindi lumala o kumalat ang nasabing virus.
Hinihikayat din ng mga ito ang mga lokal na pamahalaan na bumuo ng kanilang sariling task force upang masiguro na hindi makakapasok sa kanilang lugar ang virus at hindi na lalala ang sitwasyon sa rehiyon. (OTB/MFJ/PIA Region 2)