KAGYAT at walang pasubali ang reaksyon ni Bise Presidente Sara Duterte sa anunsyo ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng distribusyon ng bigas sa halagang P20 isang kilo. Sa isang press conference na agad ay kasunod ng anunsyo, galit na ipinahayag ng bise presidente na ang bigas na ipamamahagi ng administrasyon ay bagay lamang sa mga hayop, hinding-hindi pwedeng pagkain ng tao.
Pansinin na ang kritisismo ni Sara ay ipinahayag sa panahon na ang distribusyon ng nasabing bigas ay plano pa lamang, wala pa ni isang butil nito ang nasa palengke, subalit kung makaarangkada si Sara, wari mo ang naghihirap na sambayanan ay nag-uunahan na nga sa pag-asta ng mga animal na dumadahupang sa pagkaing hayop.
Pahayag ni Sara, “Ang mga Pilipino ay hindi hayop.”
Ang gandang pakinggan. Ala-Nora Aunor na sumasambulat sa kanyang namumukod na aria: “My brother is not a pig.” At kung magpapatangay ka nga sa ganung premyadong pag-arte, napaka-epektibo ng pag-payabong ni Sara sa sarili bilang kampeon ng masang Pilipinong api.
Ang siste mo, ang senaryo na ibig isalarawan ni Sara ay plano ng pamahalaan sa pamamahagi ng bigas na laganap nang tinatangkilik ng bayan sa palengke subalit sa presyong isinusunod sa mga kalakaran ng laissez faire (malayang kalakalan). Ito ang kung tawagin natin ay law of supply and demand. Ang presyo ng kalakal ay pinagpapasyahan ng dami ng suplay nito at ng lawak ng pangangailangan dito.
Sa panahon na malayo pa ang tag-ani ng kamatis, halimbawa, konti nito ang nakararating sa palengke kaya mahal. Subalit sa panahon ng tag-ani, kinakailangan pang itapon ang malaking bahagi nito at huwag nang paratingin pa sa mga pamilihan dahil babagsak ang presyo.
Ganun din sa bigas. Sa malayang kalakalan, kinokontrol ng mga kapitalista ang dami nito sa mga pamilihan upang matiyak na tuloy-tuloy ang makaking kita nila sa kalakalan ng bigas.
Ito ang tunay na kailangang linawin sa isyu ng P20 bigas. Hindi pinag-uusapan dito ang kalidad kundi ang kantidad (dami) ng bigas sa palengke. Ang bigas na P20 ang presyo kada kilo ay siya ring klase ng ngayon ay mabibili sa palengke, subalit di tulad ng ngayon na ang presyo nito ay itinatakda ng mga kapitalista, ang presyong P20 kada kilo ay presyong kontrolado ng pamahalaan. Kaya tinatawag itong subsidized price o presyong pinakikialaman ng estado upang panatilihin sa ganun lang kababa.
Sa hindi malamang dahilan, nanatili ang paliwanag ng Malakanyang sa isyung ito sa paggamit lamang ng terminong “subsidized”. Hindi malinaw na sa salitang “subsidized,” ang aktwal na nangyayari ay nilalabag na ang klasikong panuntunan ng laissez faire.
Ang bigas ay napananatili ng mga kapitalista sa presyong P33 kada kilo dahil sa, sa laissez faire ay nagagawa nilang kontrolin ang suplay nito sa pakengke. Sa pakikialam ngayon ng gobyerno, mawawala na sa mga kapitalista ang kontrol sa suplay ng bigas, malaya nang makaaalagwa ang suplay nito sa palengke at sa gayon ay mananatiling mababa ang presyo.
Ang bigas na nabibili ngayon sa halagang P33 kada kilo ay siya ring klase na ipamamahagi ng gobiyerno sa halagang P20 isang kilo.
Ito ang totoong mangyayari at dito dapat na husgahan ang pag-aalburoto ni Bise Presidente Sara.
Ang P20/kg. na bigas ay pangakong pulitikal ng Pangulo Marcos. Ang katuparan nito ay patunay ng katapatan sa kanyang salita.
Sa papainit pa nang papainit na hidwaan niya kay Sara, malinaw na ang pagtupad sa pangako, lalo’t higit sa usapin ng pinakabatayang pangangailangan ng tao – bigas – ay totoong maaaring magsilbing napakalaking dagok sa sagad-sa-butong hangaring agawin ang kapangyarihang pulitikal ng pangulo. Sa ganitong kalagayan, maaasahan lamang na ganap nang kalimutan ang anumang butil ng kagandahang asal at maghabi na lamang ng mga salaysay na hindi pinag-isipan liban sa gawing magandang kopya para sa media. Ang ibinubunga, malaking katatawanan.
Isipin ninyo. Kakontra-kontra sa P20 bigas na sabi ni Sara ay pakain lamang sa hayop. Pagkatapos magrereklamo kung bakit sa Kabisayaan lamang ang distribusyon nito. Bakit hindi rin sa Mindanao? Ibig ba niyang sabihin, hayop din ang mga tao sa Mindanao.
Ganyan ganap na nawawala sa katinuan ang pangangatwiran oras na ito ay nakasentro na lamang sa pansariling interes.
Sa kaso ni Sara, ang una nang nabanggit na sagad-sa-butong hangarin na patalsikin sa pwesto si Bongbong at humalili bilang pangulo ng Pilipinas.
Ito ang nag-iisang tugon sa mga higanteng suliraning kinahaharap ngayon ng mga Duterte sampu ng mga namumunong elemento ng kanilang kampo.
Sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Hunyo, gagana na ang impeachment ni Sara. Ang pag-asa ni Sara na lusutan ito ay kung makukupong ng mga kandidatong Duterte ang nalalapit nang eleksyong senaturyal. Na malabong mangyari.
Sa line-up ng PDP-Laban, dalawa lamang ang malamang lumusot; nanganganib pa ang isa sa dalawa na maaresto rin ng ICC tulad ng Digong.
Hindi eleksyon ng mga kapanalig ang solusyon sa nalalapit na impeachment ni Sara.
Ang nag-iisang naghuhumiyaw na paraan ay ang tanggalin sa kapangyarihan si Bongbong. Oras na nangyari iyun, ke sehuda kung may nakaambang impeachment si Sara, hahalili siyang presidente.
Kaya ke sehuda na kampanya rito, kampanya roon ang ginagawa ni Sara. Kung lumilitaw na iyun ay pag-iipon – sa pamamagitan ng eleksyon ng mga kapanalig sa senado – ng suporta para sa pag-andar na ng kanyang impeachment, walang duda na ang suportang naipon na ngayon sa kampanyang pulitikal ay ibuhos na sa mas maaga subalit mas madagundong na pagbabalikwas: People Power!
Ito ang tunay na hamon na tinapatan ng pagtupad ni Bongbong sa kanyang pangako na ibababa ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo. Epektibong pamunit ito sa nag-iisang kartada ni Sara na agawin kay Bongbong ang lehitimong kapangyarihang kaloob ng 31 milyung Pilipino.
Pagbali-baliktarin mo na ang mundo, ang pinakamaiksi pa ring daan tungo sa puso ng tao ay ang kanyang bituka.
- Advertisement -