28 C
Manila
Martes, Abril 29, 2025

Thesis Writing 101

PAGBUBUO (D)

- Advertisement -
- Advertisement -

BILANG pang-akademikong rekisito sa klase, ang pagsusulat ng thesis ay kinapapalooban ng maraming sanga-sangang ekspektasyon sa parehong usapin ng nilalaman (content) at istruktura (form). Ang dalawang ito ay kapwa may kinalaman sa taglay na kaalaman, antas ng pagpupunyagi at malalim na pagpapahalaga sa larangan ng mananaliksik at ng institusyon na kanyang kinabibilangan. Ang mga sumusunod na tala ay panimulang gabay at paalala sa pagsusulat at pagbuo ng thesis.

●      Ikonsidera ang mga sumusunod na magkakakawing na batayan sa pagpili ng paksa sa pananaliksik: personal (micro), institutional/organizational (meso) at societal considerations (macro).  Ayon kina Dr. Solis, Dr. Arugay at Dr. Lorenzana sa kanilang lektura na pinamagatang Identifying Research Gaps as an Ethical Priority, esensiyal ang tatlong konsiderasyong nabanggit para matiyak ang kahalagahan ng pananaliksik sa iba’t ibang antas. Samakatwid, ang pagpili ng paksa ay hindi lamang dapat batay sa kung ano ang gusto ng mananaliksik kundi maging sa oryentasyon ng institusyong kinabibilangan at sa pangangailangan ng mas malawak na lipunan.

●      Masusing pagdesisyonan ang pagpili ng paksa upang mapangatawan ito batay sa rekurso na mayroon ka at upang maging ganado sa buong proseso ng pananaliksik. Alamin din ang limitasyong taglay ng mananaliksik, institusyong kinabibilangan at komunidad kung saan isasagawa ang pananaliksik.

●      Tiyaking alinsunod sa iyong disiplina o larangan ang iyong planong saliksikin. Kung nasa larangan ng komunikasyon, dapat handang sagutin ang katanungang ito: What is communicational about your study? Kung nasa disiplina naman ng agham pampolitika: What is political about your social inquiry? Kapag nasa interdisiplinaryong larangan naman kagaya ng araling pangkaunlaran (o development studies), kailangang sapulin ng pananaliksik ang mga usaping may kinalaman sa kaunlaran at pagiging atrasado ng lipunan. Samakatwid, inaasahang sasagutin ng pag-aaral ang mga katanungang may kinalaman sa political economy of development/underdevelopment.

●      Bigyang tuon at pokus ang saklaw ng pananaliksik sa pamamagitan ng pagtiyak na ito ay (1) problem o issue-specific, (2) sector-specific, (3) policy-specific, (4) area o site-specific at (5) time o period specific depende sa katangian at layunin ng pag-aaral.


●      Simulang ilatag at i-istruktura ang mga ideya sa pamamagitan ng concept map. Gamitin sa pagbuo ng concept map ang mga natutunan sa ibang klase at tambalan ang mga ito ng karagdagang pananaliksik mula sa ibang batis (source).

●      Linawin ang mga konseptong nais gamitin sa pananaliksik at lagyan ang mga ito ng tamang atribusyon.  Kung kakailanganin, bagtasin din ang ebolusyon ng konsepto sa pagdaan ng panahon at ang aplikasyon nito sa partikular na konteksto ng iyong pananaliksik.

 

●      Tiyaking malinaw ang layunin ng pananaliksik sa pagbuo ng thesis proposal. Idugtong ito sa kahalagahan ng mismong pag-aaral (significance of the study) sa iba’t ibang sektor kagaya ng batayang sektor (masa), pamahalaan, komunidad, akademya at iba pa.

- Advertisement -

●      Sumangguni sa repositoryo ng pananaliksik ng pamantasan upang magkaroon ng mas malawak at malalim na ideya sa pagbuo ng thesis. Maari ring magsilbing modelo ang mga natatanging akda ng mga dating mag-aaral sa kurso.

●      Palitawin ang research gap mula sa isinagawang literature review. Tukuyin kung anong klaseng research gap ang pupunan ng iyong pananaliksik: knowledge gap, conceptual gap, theoretical gap, evidence gap, evaluation gap, population gap, methodological gap, policy gap at/o practical gap.

●      Tandaan na ang literature review ay hindi annotated bibliography. Ang literature review ay kritikal na pagsusuri (analysis) at pagtatasa (assessment) ng mga nakaraang pananaliksik ukol sa inaaral na paksa. Itinatampok dito ang tambalan (convengence) at talaban (contradiction) ng mga ideya at pananaw sa pagitan ng mga may akda. Sinasaklaw din dito ang pagtukoy sa mga kalakasan at kahinaan ng mga naisagawang pag-aaral. Ang literature review ay maaaring nakabalangkas batay sa itinakdang research questions, thematic areas o levels of analysis (global tungong lokal).

●      Gumamit lamang ng mga sangguniang may magandang reputasyon sa larangan.  Iwasang gumamit ng mga sanggunian mula sa mga predatory journal at predatory conference. Naglipana ngayon ang mga ito kasama ang mga predatory award na sinasamantala ang pagiging credential-oriented ng ilang mga grupo at indibidwal.

 

●      Lagyan ng paglalagom ang literature review sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa oversights, gaps at blind spots ng mga pananaliksik sa nakaraan at kasalukuyan.

- Advertisement -

●      Gawing masinsin ang literature review para maging matibay ang batayan ng pagtukoy sa research gaps at pagbuo ng research questions batay sa mga ito.

●      I-angkla ang research question sa lumitaw na research gap. Sa pamamagitan nito mapatitingkad ang unique value proposition ng pananaliksik bilang mahalagang ambag sa larangan.

●      Tiyaking may ‘unknown’ na sinasapul ang (mga) research question ng pananaliksik.  Handa dapat sagutin ng mananaliksik ang tanong na ito: What is the unknown that your study seeks to pursue and uncover?

●      Linawain kung anong frame of analysis ang gagabay sa pananaliksik. Alinsunod kay Dennis Mumby (1997), ang mga ito ay maaaring discourse of representation (positivism), discourse of understanding (interpretivism), discourse of suspicion (critical theory) at discourse of vulnerability (postmodernism).

●      Magsagawa rin ng concept mapping sa pagbuo ng theoretical, conceptual o operational framework depende kung ano ang pangangailangan ng tradisyon ng pananaliksik ang sinusunod.

●      Tiyaking nagtatambal ang ontology (nature of reality), epistemology (ways of knowing and what counts as valid knowledge), teleology (purpose), axiology (values), praxeology (practice), theory (frame of analysis) at methodology (design and procedure) ng buong pananaliksik. Mahalaga sa pananaliksik ang coherence at consistency.

●      Linawin kung quantitative, qualitative o mixed method ang isasagawang pananaliksik. Kung nakapaloob sa qualitative tradition, halimbawa, linawin din kung multi-method ba ang iyong magiging dulog. Sa qualitative social inquiry ni Dr. Fr. Marlon B. Vargas, SVD ukol sa inclusive catechetical communication ay ginamitan niya ito ng narrative analysis, artifact analysis at socio-spatial analysis.

●      Bigyang katwiran ang piniling data collection instrument, sampling strategy at analytic lens. Tukuyin ang kalakasan at kahinaan ng mga ito. Ilatag din kung paano iigpawan at tutugunan ang mga natukoy na limitasyon upang mapanatili ang integridad ng pananaliksik.

●      Gamitin ang theoretical at analytical lens upang siyasatin ang datos. Lagi’t laging bumalik sa mga philosophical foundation at theoretical assumption ng ginagawang pananaliksik  bago isagawa ang mismong pagsusuri at interpretasyon.

●      Isaad ang iyong positionality bilang mananaliksik. Ang positionality ay tumutukoy sa iyong identidad sa partikular na panlipunang konteksto kung saan ka nakapaloob.  Halimbawa, ikaw ba ay anak ng magsasaka na nagsasagawa ng pananaliksik ukol sa repormang agraryo.  Ikaw ba ay isang babae na bumubuo ng pag-aaral ukol sa feminist solidarity economy.

●      Gamitin ang mga sinaklaw na pananaliksik sa literature review upang maikumpara sa resulta ng iyong pananaliksik. Sa pamamagitan nito ay nagiging kabahagi ka ng umiiral na kombersasyon sa larangan. Research is a critical conversation among other researchers, wika nga.

●      Balik-balikan at aralin ang thesis proposal kapag isinusulat na ang pananaliksik. Tandaan na ang proposal ay ang magsisilbing gabay at parametro ng iyong buong pag-aaral.

●      Bumuo ng matrix na naglalaman ng mga research question (first column), mga datos na kakailanganin upang tugunan ang mga isinaad na research question (second column), at ang panggagalingang indibidwal, institusyon at komunidad ng mga impormasyong ito (third column).

●      Ibalangkas ang mga sumusunod na kabanata batay sa research question o core construct kung nanaisin at kakayanin. Subalit kadalasan ay hinahati ang mga kabanata sa mga sumusunod: result and analysis at conclusion and recommendation.

●      Sundin ang itinakdang timetable at maging pleksible din kung kinakailangan.

●      Magsulat nang tuloy-tuloy kapag mayroong naiisip na ideya. Huwag ubusin ang oras sa ibang/ilang bahagi lamang para hindi magkumahog sa dulo.

●      Pumili ng research buddy na magiging kausap at kapalitan ng kuro-kuro ukol sa kani-kaniya ninyong pananaliksik.  Mahalaga ito upang may batayan ng pagkukumpara at may katuwang ang isa’t isa sa pagpapalakas ng loob para sa isang mapanghamong gawain kagaya ng pagbuo ng thesis.

●      Tiyaking may malinaw na lohika ang pagkakasunod-sunod ng ideya at argumento.

●      Gumamit ng mga angkop na signposting na magdudugtong sa bawat ideya ng iyong pananaliksik. Huwag hayaang sumambulat ang dapat sana ay maayos na pagkakalatag ng argumento at eksposisyon.

●      Lagyan ng angkop na headings at subheadings ang mga bahagi ng akda. Mas maipapaunawa sa mambabasa ang iyong mensahe sa pamamagitan nito.

●      Siguraduhing pinagtitibay ng mga ebidensiya (statistics at/o stories) ang mga pagsusuri at interpretasyon.

●      Panatilihin ang pagiging culturally sensitive, politically correct at ethically sound ng pananaliksik.

●      Tiyaking may free and prior informed consent (FPIC) ang pangangalap ng datos sa mga katugon (respondent) at tagabatid (informant).

●      Ipasailalim ang mga nakuhang datos sa respondent/participant validation o member checking.

●      Ibatay lamang ang pagsusuri at interpretasyon sa datos. Iwasang magbigay ng konklusyon na labas sa sinasaklaw ng datos.

●      Tiyaking isa-isang sinasagot ng konklusyon ang iyong research question. Ang konklusyon samakatwid ay dapat sinusuhayan ng pagsusuri at interpretasyon batay sa datos.

●      Ibatay rin lamang ang rekomendasyon at implikasyon ng pag- aaral sa naging pagsusuri at interpretasyon ng datos.

●      Lagyan ng implikasyon ng pananaliksik ang huling kabanata. Ang implikasyon ay maaaring sumaklaw sa mga sumusunod: research implication, policy implication at practical implication.

●      Maglagay din ng communication at dissemination plan kung kinakailangan. Bubuo ka ba ng policy brief o infographics? Ipepresenta mo ba ang resulta ng iyong pananaliksik sa isang komperensiya o sampaksaan (symposium)? Ang iba pa nga ay kinakapanayam sa mga community radio upang higit na maipalaganap at mapakinabangan ang kanilang isinagawang pag-aaral.

●      Lagyan ng tamang atribusyon ang mga batis (o source) kagaya ng mga aklat, journal article, official report at iba pa.

●      I-format ang in-text citation at bibliography batay sa itinakdang patakaran ng inyong academic institution.

●      Maglaan ng palugit na oras upang may pagkakataong i-edit ang manuscript sa parehong usapin ng nilalaman (content) at istruktura (format). Ilaan ang mga huling araw bago isumite ang manuscript para sa pagpipino (refinement). Sa pamamagitan nito ay magkakaroon ka pa ng pagkakataon na tugunan ang mga kahinaan at kakulangan ng iyong pagsusuri at interpretasyon.

●      Humingi ng feedback sa iyong research buddy, kamag-aral at tagapayo upang mas maging pulido ang manuscript.

●      Tiyaking kompleto ang table of contents (ToC) at tama ang pagtatambal ng pahina.

●      Maglaan ng talahanayan ng mga ginamit na acronym sa pananaliksik.

●      Gawing past tense ang mga ginamit na action word sa mga kabanata sa thesis proposal upang isaad na ang mga ito ay naisagawa na sa pananaliksik.

●      Ingatan ang paggamit ng mga bantas (punctuation) at balarila (grammar).

●      Ibalangkas ang working title batay sa nilalaman ng pananaliksik.  Bumuo rin ng kaukulang abstract at tukuyin din ang mga key word sa iyong pag-aaral.

●      Maglaan nang sapat na tulog at pahinga. Kumain nang masusustansiya at uminom din nang sapat.

●      Umiwas sa labis na paggamit ng social media sa panahon ng pagsusulat dahil maaari itong makaabala at makapag-antala sa pagbuo ng pananaliksik. Nakakaapekto ito sa konsentrasyon at daloy ng diwa.

Bilang pagbubuo(d), tandaan na ang pananaliksik ay pagsasakatawan (embodiment) ng mga natutunang kaalaman at kasanayan sa buong larga ng iyong pag-aaral. Testamento rin ito ng iyong mga pagpapahalaga (values) at paninindigan (standpoints) bilang iskolar at mamamayan. Ituring din ang pananaliksik bilang iyong dakilang ambag sa panlipunang pagbabago (social change) at kanais-nais na hinaharap (desired future).

Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay rito: [email protected]

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -