31.8 C
Manila
Lunes, Abril 28, 2025

Ang aking pagtatangkang magsulat para sa Liwayway

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

(Una sa 2-serye)

“Totoo ka bang doktor o tunay kang manunulat?” gayon ang bungad sa akin noon ni G. Rodolfo Salandanan, ang namayapang patnugot ng babasahing Liwayway. Nagsumite kasi ako ng dalawang artikulo: ang isa’y sanaysay tungkol sa sampalataya ko kay Santa Claus at sa nalalapit na Kapaskuhan noon; ang isa nama’y lathalain tungkol sa sakit na diabetis (pinamagatang ‘Paano Kung May Diabetiko sa Inyong Pamilya?’).

Aaminin kong pinlano ko talaga ang pagsa-submit ng dalawang artikulo. Sa isip-isip ko, kung hindi tatanggapin ng Liwayway ang aking pagtatangka sa pagsulat ng mga personal na sanaysay, baka may pag-asang malathala sa mga pahina nito kung ang tuon ng aking panulat ay may kaugnayan sa kursong tinapos ko: ang Medisina. Sa loob-loob ko, bihira yata ang mga manggagamot na nakasusulat sa wikang Filipino. O baka mas tamang sabihing sadyang bibihira ang doktor na interesado sa pagsusulat. Kaya siguro malakas ang loob ko. O di kaya’y sadyang makapal lang ang mukha ko. Hindi ko noon inisip na ako ay iri-reject ng naturang publikasyon.

“Nang binabasa ko kasi ang akda mo, manunulat ang nakikita ko,” dagdag pa ni Ka Rudy, ang nakasanayan kong tawag kay G. Rodolfo Salandanan. Sabi niya, at huwag naman sanang ipagkamaling nagyayabang ako, hawak ko raw ang kakayahang humabi ng mga salita. At malinaw raw akong magpaliwanag lalo na’t tungkol sa usaping medikal o pangkalusugan. Nang tinutunghayan na raw niya ang aking artikulo tungkol sa diabetis, nakumbinsi siyang doktor (o sino mang may kaugnayan sa Medisina’t panggagamot) ang posibleng sumulat. Kay simple ko raw naipaliwanag ang isang kumplikadong sakit. Inari ko ang mga katagang ‘yun na inspirasyon upang ipagpatuloy ang aking pagsusulat.

“Tagasaan ka? Saang probinsya ka lumaki?” sunod niyang tanong. Gusto raw niya kasi ang paraan ng aking pagsusulat sa wikang Filipino. Simple, madaling unawain, hindi gaanong pang-akademik, hindi rin sobrang luma na waring hinugot pa sa baul. “Kung ano ang bigkas mo sa salita, siya ring sulat mo rito,” pansin niya. At gusto raw niya ‘yun. Nang binanggit kong sa Nueva Ecija ako lumaki’t nagkaisip, agad niyang binanggit ang mga kilalang manunulat na nagmula sa aming lalawigan: Rogelio Sicat, Rogelio Mangahas, Lamberto Antonio, at si Lazaro Francisco, higit na kilala bilang ‘Ka Saro’, na kalaunan ay itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan para sa kanyang mga nobelang na-serialize sa Liwayway.


Noon din ay inalok niya akong magsimulang magsulat ng pitak pangkalusugan (health/medical column) para sa Liwayway. Matagal na raw siyang naghahanap ng manunulat na puwedeng tumalakay ng mga paksang ganito. Meron na silang mga artikulong pampamilya’t pangtahanan pero wala pang patungkol sa mga sakit at kalusugan. Natuwa siya na may madaragdag na bago sa Liwayway.

“Gawin natin ang format na advice column para sa ‘yo.” Dagdag pa niya, “aanyayahan natin ang maraming mambabasa ng Liwayway, sa loob at labas ng bansa, na magpadala ng kanilang tanong patungkol sa kanilang kalusugan.” At dahil malaki pa rin ang sirkulasyon ng Liwayway noon, inulan kami ng kay raming liham mula sa iba’t ibang panig ng bansa at daigdig. Bumili pa ako ng mapa ng Pilipinas noon para tingnan kung saan-saang bahagi ng bansa nanggagaling ang mga liham. Bungkos-bungkos ang tinatanggap kong liham na kailangan kong sagutin linggo-linggo na ang payo ko ay matutunghayan sa mga pahina ng Liwayway.

Di nagtagal, inalok din niya akong magsulat ng isa pang health column para sa news-tabloid na ‘Balita’ (na siya rin ang patnugot, ngunit kalaunan ay pinalitan ni G. Marcelo Lagmay). Nang mauso ang mga diyaryong tabloid na panghapon (bukod pa sa tabloid na pang-umaga), muli niya akong inalok na magsulat ng panibagong kolum sa bagong silang noon na ‘Balita sa Hapon’ na pinamatnugutan ni Virgilio Blones, na kung tawagin ko ay Ka Ilyo.

Naging daan si Ervie Nangca-Antonio, ang patnugot ng seksiyong Lathalain noon, upang makarating kay Ka Rudy ang dalawang artikulong isinabmit ko sa kanya. “Doc, gusto kang makilala ng aming chief editor na si Rod Salandanan!” bakas ang excitement sa kanyang boses habang kausap ko sa telepono dalawang araw matapos kong iwan sa kanya ang mga manuskrito.

- Advertisement -

Isang biyaya para sa akin ang makapagsulat sa Liwayway. Noong bata pa ako, dekada ‘70 ‘yun, may regular na supply kami ng komiks at magasin sa bahay. Mahilig kasing magbasa ng komiks ang aking Inang Trining, lola ko sa mother side. Tuwing uuwi si Tatay tuwing hapon galing sa trabaho niya sa Poblacion ng Talavera (Nueva Ecija), may bitbit siyang mga komiks bilang pasalubong: Darna, Hiwaga, Tagalog Klasiks, Aliwan, Espesyal, Universal, Topstar, Pilipino Komiks, Love Story, pati na Superstar Komiks (oo, may komiks na ganito ang pangalan kung saan ang lahat ng artikulo’y tungkol sa superstar na si Nora Aunor na noo’y katindihan ng kasikatan). Noranian kasi ang lola ko!

Pero espesyal sa akin ang araw ng Biyernes dahil ito ang araw na may dagdag na pasalubong si Tatay – ang kopya ng Liwayway Magasin na nagtataglay ng mga sikat na artista noon bilang pabalat. Natatandaan ko na puwede lang kaming magbasa ng mga komiks at Liwayway kapag tapos na kami sa aming mga assignment o kapag walang pasok sa eskuwelahan.

Linggo-linggo naming inaabangan ang mga kopya ng Liwayway. Kumpleto kasi ang laman ng magasin na ito: may mga lathalain, tula, maikling kuwento, nobela, resipi, palaisipan, mga balitang artista, may jokes, at siyempre, may komiks (lalo na yung seksyon ng komiks na ‘Buhay Pilipino’  kung saan ilang beses akong inaliw nina Gorio, Tekla, at Engot sa kanilang mga kalokohan!). Sa pagbabasa noon, inuuna ko ang ‘Buhay Pilipino’ na matatagpuan sa dakong hulihan ng magasin. Tamang-tama naman na tuwing Biyernes nakararating sa aming bahay ang kopya ng Liwayway. Walang pasok kinabukasan kaya nagpapasa-pasa kami sa pagbabasa nito.

Sa mga projects ko sa eskuwelahan na kinakailangang gumupit ng kung ano-ano, doon din sa mga pahina ng lumang isyu ng Liwayway ako pumupunta. Kay laki ng naging silbi sa aming magkakapatid ng magasing ito! Nasa Grade 5 na yata ako noon at naging kasosyo na ko ng Inang Trining ko (pati na ng nanay ko na isang guro sa public school) sa pagbabasa ng Liwayway. Doon ko nakilala ang mahuhusay na manunulat ng ating bansa gaya nina Liwayway Arceo, Edgardo Reyes, Efren Abueg, Reynaldo Duque, Benjamin Pascual, Lualhati Baustista, Gloria Villaraza Guzman, at marami pang iba. Minsan, nabanggit pa sa akin ng nanay ko na ang isang regular na contributor ng maiikling kuwento sa Liwayway – si Alcomtiser Tumangan – ay dati niyang guro sa subject na Pilipino sa Nueva Ecija High School.

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -