34.7 C
Manila
Martes, Abril 22, 2025

Ang aking inang Trining at si Nora Aunor

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

BAGAMA’T nababalitaan na nating may sakit ang dakilang aktres na si Nora Aunor, walang nag-akala na lilisanin na niya tayo agad. Ginulantang ang lahat ng balitang pumanaw na ang ating Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula at Broadcast. Nasa airport ako ng Hong Kong patungong Boston (at New Hampshire) upang dumalo sa kasal ng aking pamangkin nang mabalitaan ko ang kaniyang pagpanaw. Ang sabi’y sumasailalim siya sa isang heart procedure nang mangyari ito.

Huli ko siyang nakita nang makadalo ako sa isang special screening ng remastered version ng kanyang award-winning film na ‘Bona’ sa Ayala mall Manila Bay noong panahon ng Cinemalaya Film Festival noong 2024. Dumating siyang naka-wheelchair. Kahit may karamdaman, pinuntahan niya ang naturang event. Sa ‘Bona’ na idinirek ni Lino Brocka, isa pang Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula, ginampanan niya ang papel ng isang babaeng labis ang naging debosyon bilang tagahanga sa isang bit player ng pelikula na ginampanan naman ni Philip Salvador. Tinalikuran niya ang pamilya upang maging bulag na tagasunod sa naturang bit player. Pero hindi nasuklian ng karakter ni Salvador ang matinding pagtatangi sa kanya ng karakter ni Aunor. Ang masaklap, itinuring pa siyang parang katulong sa bahay at halos palayasin sa dakong huli. Dito niya sinabuyan ng kumukulong tubig ang naliligong bit player. Napakahusay nang pagganap!

Sa balitang pumanaw na ang ating ‘Superstar’, muling nagbalik sa gunita ang alaala ko kaugnay sa kaniya. Ang lola ko sa maternal side na si Inang Trining – Trinidad Cajucom Palasigue – ay tagahanga ni Nora Aunor. Para sa kanya, walang ibang artista kundi si Nora. Wala pa akong muwang noon sa kung ano ang ibig sabihin ng ‘fandom.’ Pero ipinakita ito ng lola ko sa iba’t ibang paraan ng kaniyang pagtangkilik kay Nora. Sa telebisyon, hindi siya lumiliban sa panonood ng variety show na ‘Superstar’ tuwing linggo ng gabi. Sagrado ang naturang oras ng palabas kung kaya’t bawal maglipat ng channel sa TV. Ito lang din naman ang gusto niyang panoorin sa aming TV. Nagdudulot ito ng kakaibang saya sa kanya.

Naranasan ko ring isama ni Inang Trining sa panonood ng ilang pelikula sa Cabanatuan. Natatandaan ko pa na kahit paminsan-minsa’y may nararanasan siyang paninikip ng dibdib ay maglalaan pa rin ito ng oras na dayuhin sa Cabanatuan (mula sa aming bayan ng Talavera sa Nueva Ecija) ang sinehan kung saan ipinalalabas ang pelikula ni Nora. Balewala sa kanya ang pagod basta’t mapanood lang niya si Nora.

At dahil bata pa ako noon, hindi ko pa gaanong naa-appreciate kung sino si Nora at kung gaano kahusay ang kanyang pagganap sa mga pelikula. Paano ko malilimutan na may pelikula palang ‘Lollipops and Roses (at Burong Talangka)’ kung hindi niya ako isinama sa sinehan? Natatandaan ko rin na waring napagsabihan pa ng aking nanay (na isang guro) ang aking lola dahil sa ganitong panonood ng pelikula. “Inang, di po ba’t may sakit kayo? Bakit naman inuuna n’yo pang panoorin si Nora?” Isang bagay na ipinagkikibit-balikat lamang ng aking Inang Trining.


Hindi pa riyan nagtatapos ang kanyang pagkagusto kay Nora. May supply kami ng komiks na ‘Superstar’ tuwing Miyerkules. Oo, talagang may komiks na ganito ang pangalan! Kasabayan ito ng Darna, Hiwaga, Pilipino Komiks, Espesyal, Universal, Love Story, Aliwan, at Tagalog Klasiks. Ang aking tatay na nagtatrabaho sa población ay may rasyon ng komiks araw-araw. At dahil sa pagmamahal niya sa aking lola, hindi niya kinalilimutan ang kopya ng lingguhang isyu ng ‘Superstar Komiks.’

Naglalaman ang naturang komiks ng mga balita, artikulo, interbyu, at mga larawan tungkol kay Nora. Ito ang komiks na kakaunti lamang ang kuwentong komiks. Puro tungkol kay Nora (ang kanyang pamilya, pelikulang ginagawa, ka-love team) ang mababasa rito. Dahil bata pa ako noon, hindi ko ma-appreciate ang naturang babasahin. Sa tingin ko, mas parang magasin ang Superstar Komiks. Wala pa kasi noong mga fan magazines na gaya ng Kislap, Movieworld, Mariposa, at iba pa (o baka hindi ko lang alam).

Gaya nang dapat asahan, puro larawan ni Nora ang nasa cover ng naturang komiks. Ito lamang yata ang komiks noong dekada ’70 na may mukha ng artista sa cover (at laging puro si Nora Aunor dahil siya nga ang tinaguriang ‘Superstar’). Karamihan sa cover ng komiks noon ay tungkol sa mga tauhan sa nobelang naka-serialize sa isang partikular na komiks.  Talaga namang sinusuyod ni Inang Trining ang bawat pahina ng Superstar Komiks. From cover to cover kung basahin niya ito. Bawal ding hiramin ang naturang komiks hangga’t hindi pa siya natatapos magbasa.

Nang magkaroon ako ng kolum sa isang magasin ng Atlas Publishing (na tagapaglathala ng ‘Superstar Komiks’), nakakuwentuhan ko ang namayapa nang si Tony Tenorio, ang punong patnugot ng Atlas. Ayon sa kanya, kay laki ng sirkulasyon ng komiks na ‘yun dahil tungkol nga kay Nora ang lahat ng artikulong nakasulat doon. Kasikatan pa nga kasi niya. “Basta si Nora Aunor ang nasa cover, tiyak na tatangkilikin ito ng tao,” bahagi pa niya. “Ibang klase talaga si Guy!”

- Advertisement -

Namayapa ang aking Inang Trining na hindi man lang nasilayan nang personal ang kaniyang idolo. Pero alam ko kung paano siya napasaya ni Nora sa pamamagitan ng kanyang mga awitin, pelikula, komiks, at palabas sa telebisyon. Sa panahong sumusumpong ang kaniyang rayuma, alta presyon, at paninikip ng dibdib, alam kong kahit paano, si Nora Aunor ay nagsisilbing kaaliwan sa kanya.

Nang magkaroon ako ng pagkakataong maipakilala kay Nora ng kaibigan kong direktor, si Inang Trining ang agad kong naisip. Binanggit ko agad kay Ate Guy na number 1 fan niya ang aking lola kahit hindi naman ito naging bahagi ng isang fans’ club. “Naku, nakakatuwa naman po,” sabi niyang puno ng kapakumbabaan.

Sa langit, baka sakaling magkita sila ni Inang Trining.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -