SINABI ni Senador Win Gatchalian na kumpiyansa siya na ang mga benepisyong pang-ekonomiya na idudulot ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) sa bansa ay higit na malalampasan ang anumang posibleng epekto nito sa pagkolekta ng buwis ng gobyerno.
Dati nang sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na maaaring makaapekto sa pangongolekta ng buwis ang CREATE MORE.
“Ang CREATE MORE ay nagbibigay sa atin ng competitive advantage sa pag-akit ng foreign direct investments. Ang mga benepisyong pang-ekonomiya na makukuha natin mula sa mga pamumuhunang ito ay hindi lamang hahantong sa paglikha ng trabaho, kundi pati na rin sa pagtaas ng competitiveness sa pag-eexport at pangkalahatang pag-unlad ng ekonomiya, na siya namang magpapataas ng koleksyon ng buwis para sa gobyerno,” sabi ni Gatchalian, punong may-akda at sponsor ng batas.
Ang Republic Act 12066, na kilala rin bilang CREATE MORE, ay isinabatas noong Nobyembre ng nakaraang taon. Ito ay nagbibigay ng tinatawag na targeted incentives upang makaakit ng mas maraming foreign direct investment sa bansa.
“Sa pagkakaroon ng mas maraming pamumuhunan sa bansa, inaasahan ang pagdami ng trabaho na kalaunan ay magpapataas sa koleksyon ng buwis,” aniya.
Sa pagpapatupad ng CREATE MORE, umaasa ang gobyerno na maibabalik ang foreign direct investments ng bansa sa dating antas nito bago ang pandemya, dagdag niya. Ang foreign direct investments sa bansa ay tumaas ng 0.1% at umabot sa $8.93 bilyon noong 2024.