MATAPOS maglibot si Sen. Raffy Tulfo bilang Senate chairperson ng Committee on Public Services sa mga terminal ng bus kamakailan, pinuntirya naman niya ang mga motorpool ng mga bus company sa isang random surprise inspection.
Kasama niya ang mga kawani ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO) and the Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
“Mahalaga ang pag-iinspect sa mga motorpool ng mga public utility bus sapagkat dito isinasagawa ang preventive maintenance at pagkumpuni sa mga bus upang makita na rin kung tama ba ang pamamaraan ng ginagawa nilang maintenance at pagkukumpuni – kasama na rito kung certified ba ang kanilang mga mekaniko,” saad niya.
“Dito bumulaga sa akin ang samu’t-saring violations. Una, bilang Vice Chairman din ng Senate Committee on Labor and Employment, nakita ko ang kaawa-awang kalagayan ng mga mekaniko,” dagdag niya.
Halos lahat ng mga napuntahan ni Tulfo na motorpool ay walang proper safety gears ang mga trabahador.
Ang mga machine equipment na ginagamit pang-maintenance ng mga bus sa isang motorpool, saad niya, ay dugyot, nakatiwangwang lang, walang mga safety covers, nagkasanga-sanga ang mga linya ng kuryente at ang iba ay naka-tap lamang.
“Ito ay lubhang mapanganib at takaw aksidente para sa mga trabahador dahil maaari silang masugatan, maputulan ng daliri, makuryente o mabulag,” sabi niya.
Wala rin daw silang mga gloves, working boots, apron, at safety goggles.
Hinanapan din ni Tulfo ang mga motorpool manager ng TESDA certificate para sa kanilang mga mekaniko ngunit marami sa kanila ang wala. Bagamat may ilang bus company na partially compliant sa TESDA, pero hindi naman updated sa makabagong training procedure ayon na mismo sa kasama ni Sen. Idol na taga-TESDA.
Ayon kay Tulfo, may ibang bus company naman na walang maayos na preventive maintenance and warranty booklet sa bawat bus unit nila para sa madaliang pag-inspect ng LTFRB at iba pang ahensya, pero mayroon namang iba na kumpleto ang digital record bagamat half compliant pagdating sa certification sa TESDA.
“Mahalaga ang TESDA certification dahil dito itinuturo sa kanila ang tamang pag-handle ng vehicle maintenance para sa kaligtasan hindi lamang ng mga pasahero pero maging sa mga mekaniko na rin,” saad ni Tulfo.
Napuna rin ni Sen. Idol sa isang motorpool na walang safety markings ang under chassis pit o service pit nito kaya may posibilidad na madulas at mahulog ang trabahado nila. Wala ring proper ventilation at sobrang init dito kaya malalanghap ng mga trabahador ang samu’t-saring amoy ng chemicals na hindi katagalan ay maaring maging sanhi ng malubhang sakit.
Sa huli, tinaningan ni Sen. Idol ang lahat ng motorpool manager ng bus companies na maging compliant at isumite ang maintenance at compliant records ng bawat bus unit nila sa LTFRB, LTO at TESDA. At ang nasabing mga ahensya naman ay isususmite ito kay Sen. Idol sa mga darating na Senate hearing.