ANO ang taripa na pinagkakaguluhan ngayon sa United States at buong mundo? Ano ang epekto nito sa Pilipinas? Bakit ginagawa ito ng USA?
Ang taripa ay isang uri ng buwis na ipinapataw sa imports na inaangkat mula sa ibang bansa. Ito ay binabayaran ng importer sa customs o tax authority kapag kukuhanin na ang produktong inimport sa airport o seaport.
Noong Abril 2, 2025, nagpataw ang USA ng taripa sa lahat nang bansa na ang rate ay nagre-range mula sa 10% hanggang 50%. Ang rate ng taripa na ay di gaya ng karaniwang unipormeng ipinapataw sa bawat specific na produkto. Ang kaibhan dito ay may iba’t ibang rate sa bawat bansa. Sa Pilipinas, ito ay 17% kumpara sa 49% sa Cambodia, 46% sa Vietnam, 36% sa Thailand, 32% sa Indonesia, 24% sa Malaysia,10% at sa Singapore. Ang average sa Asean ay 32% at sa buong mundo ay 25%.
Ang sabi ng USA, ito ay reciprocal tariff o kapareho ng taripang ipinapataw rin ng bawa’t bansa sa exports ng USA. Ngunit ang Pilipinas ay may mababang taripa na nag-average lang ng 1.4%. Malayo ito sa 34% na sinasabi ng USA. Kaya pala 34% ang na-compute nila ay dahil hindi reciprocal tariff ang ginamit ng USA sa pag-compute nito kundi ang ratio ng trade deficit ng bawa’t bansa sa exports ng USA. Dahil may deficit ang USA sa trade nito sa Pilipinas (o may surplus ang Pilipinas sa trade nito sa USA), lumabas na 34% ang sinasabi nilang taripang ipinapataw ng Pilipinas sa mga exports ng USA sa atin. (Table 1) Dahil daw mabait ang USA sa bawa’t bansa, kalahati raw ng reciprocal tariff ang ipinapataw nito.
Dahil sinisingil ang taripa sa bawa’t importer ng produktong inaangkat, ipinapatong ng importer ang taripa sa produktong bibilhin ng bawat consumer. Kaya sa mga produkto ng Pilipinas, sa halip na piso ang babayaran ng consumer, Itoý tataas sa P1.17. Dahil sa mas mataas na presyo at fixed ang badyet ng consumer, mas kaunti ang mabibili ng consumer. Babawasan ng consumer ang kanyang bilbilhin sa palengke lalo na ng mga produktong nakaranas ng mas mataas ang presyo. Ito ang dahilan kung bakit malakas ang reklamo ng bawa’t bansang maaapektuhan nito. Maaari ding maghahanap ng consumer ng kapalit na local na produkto na di maapektuhan ang presyo, kung mayroon.
Ngunit dahil wala nang kumpetisyon ang lokal na produkto, maaaring itaas ng negosyante ang kanyang presyo. Ito ay nangyayari sa presyo ng bigas kapag hindi pinapayagan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-import ng bigas.
Kadalasan, ang pag-akyat ng taripa ay sinasabayan ng pagtaas ng mga presyo. Dahil ang kalabang produkto ay mas mataas na ang presyo, tinataasan din ng local na negosyante ang kanyang presyo. Kadalasan din, ang mga produktong lokal ay gumagamit ng imported na inputs. Sa Pilipinas, gumagamit tayo ng imported na fertilizer at pestisidyo. Ang taripa ng mga inputs ay ipinapatong sa sa presyo. Dahil dito, tinataasaan din ang mga presyo ng mga produktong ito. Ang pinakamadalas ay di ginagawa sa bansang nag-iimport ang sinasabing produkto. Ang isang ehemplo ay ang coconut oil; hindi maaaring magtanim ng niyog sa USA. O kaya ayaw ng mga workers sa USA ang mga trabahong mababa ang pasahod gaya ng electronics o garments na dalawang malalaking exports ng Pilipinas.
Dahil sa mas pagtaas na inflation rate, maaaring di muna ibababa ng USA ang interest rates na ngayon ay ipinapataw sa bawat utang ng mga negosyo. Alam natin na kapag mataas ang interest rates, di muna mag-iinvest ang mga investor sa mga bagong planta o paktorya o kaya magsasara ang mga ibang paktorya dahil mas mababa na ang consumption spending. Dahil dito, bababa ang GDP growth o kayaý magiging negatibo ang GDP growth. Babagal din ang paglikha ng trabaho at may mga ibang tao na mawawalan ng trabaho.
Ang mga produktong maapektuhan ng taripa ng USA ay electronics na may halagang $6.4 bilyon, wiring sets na may halagang $755 milyon, coconut oil na may halagang $558 milyon, at machinery at transport equipment na may halagang $402 milyon. Ang unang dalawa ay ini-import din natin mula sa USA at nilalagyan lang ng kaunting processing bago i-export ulit sa USA ng mga Amerikanong kumpanya na karamihan ay nasa export processing zones. Ang ikatlo ay coconut oil na ginagamit sa pag-manufacture ng soap at chemicals. Ang mga tatlong nabanggit ay mga inputs ng mga manufacturing companies sa USA.
Sa ganang Pilipinas, mas mababa ang ipapataw na taripa na 17% kaysa sa average para sa buong mundo. Dahil dito, maaaring may ganansiya ang Pilipinas sa sitwasyong ito. Puedeng lumipat sa Pilipinas ang mga importer sa USA sa Pilipinas kapag naghanap sila ng mas mababang presyo. Ito ay tinatawag na trade diversion. Lilipat ang mga consumer at importers sa mga produktong mas mababa ang presyo.
Kadalasan, ang bansang pinatawan ng mas mataas na taripa ay reresbak at magtataas din ng taripa ng mga produktong binibili nito sa USA. Ito ay ginawa ng Canada, Mexico, European Union, at China. Dito nagsisimula ang tinatawag na trade war. Dahil sa trade war, maaaring masira ang mga tinatawag na value chains — ang mga dating marketing chains na kung saan dating namimili ang mga importer at manufacturer. Nagsasara at nawawala ang ibang marketing at producing units. Dahil ditoý nagkakaroon ng mga shortages na lalong magpapataas ng presyo. Maraming nawawalan ng trabaho dahil di makahanap ang importers at products ng alternatibong panggagalingan ng supply.
Ang pag-resbak ay may kaukulang additional cost para sa mga producer ng bawa’t bansa. Tataas ang mga presyo, bababa ang demand at magsasara ang ibang negosyo. Ito ang dahilan kung bakit maraming mga bansa ang ayaw mag-resbak sa taripa ng USA gaya ng Australia at Asean. Naghanap sila ng paraan para makipag-negotiate na sana ay matanggal o kaya bawasan ito.
Kapag sinalubong ng USA ang pagresbak ng mga bansa at lalong itataas pa nito ang rate ng taripa, titindi ang inflation, shortages, kalugihan at kawalang-trabaho. Ito ang dahilan kung bakit maaaring hahantong sa isang recession at depression ang trade war. Ito ang nangyari noong 1930s nang itaas ang taripa ng USA sa pagpasa ng Smoot-Hawley Tariff Act. Ito ang tinatawag nilang the Great Depression na nakaapekto sa buong mundo. Maraming nagsarang negosyo, nawalan ng trabaho, at nagutom. Noong kalagitnaan ng Depression noong 1933, 24.9% ng buong labor force ng USA o 12,830,000 katao ay nawalan ng trabaho.
Sino ang mga pinaapektado ng isang depression? Ang mga mahihirap na halos walang alternatibong trabahong mapupuntahan at limitado ang ipon. Ang mga maliliiit na negosyo na maapektuhan ng pagtaas ng presyo, shortages at pagbaba ng demand. Ang mga mahihirap na bansa lalo na iyong limitado ang resources at umaasa lamang sa trade. At ang mga retirado na umaasa sa pension na maaaring ma-erode ng inflation.
Ang unang babagsak sa isang depression ay ang stock at financial markets. Dahil malaking bahagi ng pondo ng mga bangko at social security institutions ay naka-invest sa financial markets, sila ang makararanas ng pinakamalaking kalugihan. Sa USA, sa unang dalawang araw pagkatapos maimplementa ang dagdag na taripa, bumagsak ang stock markets ng 10% at nawala ang 5 trilyong dolyar na amount ng savings. Sa Pilipinas, sa unang dalawang araw, bumagsak ang Philippine Stock Exchange Index ng 2.6%, maliit lang kumpara sa mga ibang bansa gaya ng 6.7% sa Vietnam, 4.8% ng Malaysia, at 4.2% ng Thailand. Ang dahilan nito ay maliit lang ang ratio ng exports ng Pilipinas sa USA sa total GDP ng bansa. Ito ay 2% lang kumpara sa 12% ng Vietnam, 8% ng Thailand at 6% ng Malaysia.
Bakit nga ba gusto ng USA na magtaas ng taripa sa mga trading partners nito? Una, gusto raw nilang bawiin ang mga trabahong lumipat daw sa ibang bansa. Ngunit ang dahilan ng paglipat ng trabaho ay dahil mababa ang pasuweldo ng mga ito at ayaw ng mga Amerikano ang mga trabahong ganito. Ikalawa, nagte-take advantage daw ang mga trading partners sa pamamagitan ng panloloko at pandarambong at kabayaran daw ang taripa sa damages na dulot nito. Ang sabi naman ng iba, nakabentahe nga ang USA consumer sa mga mas mura, mas mataas na kalidad at mas diversified na klase ng mga produkto. Ikatlo, di raw tumutulong ang mga trading partners lalo na ang mga kapitbansa nilang Canada at Mexico sa pagpigil sa pagpasok ng droga at illegal migrants sa USA — na pinabulaanan naman ng mga kapitbansa nito. Ang maliwanag ay ang mga isyu na ito ay maaaring pag-usapan ng mga bansa at di kailangan ng taripa at ang mga kasamaang dulot nito sa mga ekonomiya para gumalaw ang mga trading partners at matigil ang mga ito.
PHILIPPINE EXPORTS TO THE UNITED STATES, 2024 | ||
(In thousand US$) | % OF Total | |
TOTAL | 12,144.51 | 100.0 |
Electronic Products | 6,430.29 | 52.9 |
Ignition Wiring Set and Other Wiring Sets Used in Vehicles, Aircrafts and Ships | 755.44 | 6.2 |
Other Manufactured Goods | 692.96 | 5.7 |
Coconut Oil |
558.74 | 4.6 |
Machinery and Transport Equipment | 402.08 | 3.3 |
Others | 3,305.00 | 27.2 |
PHILIPPINE IMPORTS FROM THE UNITED STATES | ||
TOTAL | 8,167.12 | 100.0 |
Electronic Products | 2,457.28 | 30.1 |
Feeding Stuff For Animals |
1,362.03 | 16.7 |
Cereals and Cereal Preparations | 838.14 | 10.3 |
Other Food and Live Animals | 384.12 | 4.7 |
Transport Equipment | 353.36 | 4.3 |
Others | 2,772.17 | 33.9 |
SURPLUS | 3,977.39 | |
SOURCE: Philippine Statistics Authority |