28.1 C
Manila
Miyerkules, Abril 16, 2025

Sa giyerang pangkalakalan ng US, balik-tanaw sa elementaryang gulo

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

DI-MAIWASANG muling tanawin ngayon ang panimulang mga pagbabalikwas ng First Quarter Storm ng 1970. Kabataang ganap na pinagliyab ng apoy ng pangarap na wakasan sa pang-habangpanahon ang pagdurusa ng mga uring api. Noon tumubo ang usbong na diwa: kapangyarihang pangkabuhayan nagbubunga ng kapangyarihang pampulitika, kapangyarihang pampulitika, nagsisilbi sa kapangyarihang pangkabuhayan.

Sa simpleng salita, tanging ang mayayaman ang nahahalal sa pamahalaan na higit pang nagpapayaman sa kanilang mga sarili.

Masdan kung papaanong ang mga napipintong mga halal na senador ay binubuo ng mga dinastiyang pulitikal.

Puna nga ng isang tagapagmasid, ang pamamayagpag ng mga dinastiya na inaasahang magaganap sa darating na senado ay magpapamukha sa mga sesyon nito hindi na bilang mga plenaryo kundi mga family reunion.

Magkaganun man, ang pagbabalik-tanaw na ito ay bunsod ng nagpapatuloy na pagtaas ng Estados Unidos ng mga taripa nito sa mga luwas na produkto mula sa ibang bansa. Partikular ang China ay sa pinakahuling pangyayari nagbawal na sa pagpapalabas sa China ng mga pelikulang Hollywood na ngayon  lamang napagtuunan ng pansin ay mas malaki pa ang kinikita sa China kesa sa Estados Unidos.


“If China wants to play dirty, we play dirty (Kung gusto ng China ng maruming laro, rurumi rin ang aming laro),” pahayag ni US Presidente Donald Trump sa isang panayam. At kanyang ipinahayag ang pagbabawal naman sa Amerika ng mga Chinese food tulad ng dumpling, kanin at Peking duck.

Hindi ito masyadong nagustuhan ni Elon Musk na nagsabing, “I kinda like Chinese food (Gusto ko rin naman ng Chinese food).”

Ang winika ni Musk ay sa katunayan tila larawan ng kanyang kabuuang disgusto na ang trade war ni Trump ay nagpapalugi na sa kanya ng $300 milyon araw-araw.

Iyan ay kung pag-uusapan ang kuwenta sa sarili. Paano kung ang kuwenta na ay sa kabuuang pakinabang?

- Advertisement -

Tanging sina Trump at Musk lamang ang nakakaalam.

Sa anu’t anuman, ang pinupunto ng balik-tanaw na ito ay ang katotohanan  na sa sukdulan ng away sa kabuhayan ng mga magkakatunggali, darating at darating ang yugto na ang tunggalian ay mauuwi sa giyera.

Kaya nga kung turingan ang armadong pakikibaka ay tunggaliang pulitikal.

Sa kaso ng China at Estados Unidos, ito ay kauna-unawa. Kapwa mulat na ang kanya-kanyang ekonomikong taya ay di-maaaring di-humantong sa armadong banggaan, kasabay ng kanya-kanyang pagpapayaman sa sarili ay ang kanya-kanya namang pagpapaunlad ng kahandaang makipagdigma sa isa’t-isa.

Nagsisimula pa lamang ang labanan. Hindi pa masino kung sino ang nakalalamang sa timbangan ng mga puwersa.

Bagaman lumilitaw na nilulusaw ni Trump ang mga tradisyonal na kakakampi nito — katulad  ng Europa at Canada — kakikitaan  naman ito ng pagpapalakas ng pakikipagmabutihan sa dating mortal na kaaway na Rusya. Kinakiikitaan si Trump ng kahandaan na tanggapin na ang ideya na ipaubaya na sa Rusya ang mga lugar na sinakop nito sa Ukraine kapalit ng tigil putukan. Para sa America, malaking ganansya ito sa pangangailangang pahinain ang pagkakaibigang Russo-Chino. Bagama’t sa kasaysayan, hindi pa nangyari na sumama ang ugnayan ng dalawa sa sukdulang mauwi sa giyera.

- Advertisement -

Sa trade war ni Trump, marami pa ang nakatagong baraha na hindi pa nahuhugot. At sa bawat hirit ay may panakot ng mas matindi pang maniobra.

Ganun ding ekonomiko pa rin ang panagot ng China. Nilinaw na ito ni Presidente Xi Jinping sa isang kalatas ng pagbati sa kapulungan ng mga Amerikanong negosyante. Kapwa ang Amerika at China ay magwawagi sa kooperasyon at mabibigo sa komprontasyon.

Sa isang batang-batang nagsisimula pa lamang numamnam ng katas ng Marxismo, ang tindig ni Trump ang siyang tila umaayon sa klasikong diktasyon ni Karl Marx tungkol sa tunggalian ng mga uri: na ito ay hindi maiiwasan.

Subalit sa kaso ng Pilipinas, saan ito titindig? Wala pa tayong datos sa kung ano ang totoong tama ng trade war ni Trump sa kabuhayan ng mga Pilipino, subalit makakatiyak tayo na ito ay masakit.

Sabi nga ni Dr. Jose P. Laurel noong kanyang panunungkulan bilang Pangulo ng Pilipinas sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang pinakamagaling nang magagawa ng isang maliit at mahinang bayan ay ang itawid ang bansa sa mas mainam na kalagayan.

Sa kalagayan ngayon na ang kabuhayan ng Pilipinas ay nakatali sa ekonomiya ng Estados Unidos, hindi maaaring ang kontra parusa ng China sa trade war ni Trump ay hindi parusa rin sa Pilipinas.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -