Uncle, magkakaroon kaya ng World War 3?
Nakakatakot naman ang tanong mo, Juan? Ba’t mo naman naisip yan?
Pinag-uusapan kasi namin sa opisina yung tungkol sa ginagawa ni President Donald Trump sa kanilang international trade at tariff policy. Mukhang hindi makakabuti sa buong mundo. Pero naniniwala si Trump na mas maganda raw iyong stratehiya nya para manumbalik muli ang pagiging global economic power ng Amerika at payamanin ang kanilang mga kababayan.
Tama ka, Juan. Sobrang gamechanger si Trump. Nguni’t sa tingin ko maraming masasagasaan sa mga desisyon nya. Kahit ikaw o ako sa ating personal na pinansyal na kabuhayan ay madadali.
Binabaliktad ni Trump ang pangkasalukuyang world economic order. Kaya imbes na magdulot ng kumpiyansa at seguridad sa merkado at sa mga ordinaryong mamamayan, ay nagbibigay ito ng dahilan para kabahan at magkaroon ng napakanegatibong pananaw tungkol sa kinabukasan ng ekonomiya ng bawa’t bansa sa buong mundo.
Ano nga ba ang ginagawa ni Trump? At bakit mahalaga Ito para sa iyong pinansyal na kinabukasan, sa Pilipinas at sa buong mundo?
Simple lang. Pinapatawan ng mas mataas na tariff o buwis ang mga produktong ineexport ng ibang bansa sa Amerika. Sa madaling sabi, mas mahal na para sa mga kumpanya ang magpasok ng produkto sa Amerika at wala silang magagawa kundi ipasa ang pagtaas ng presyo sa mga mamimili.
Ang argumento ni Trump ay pinoprotektahan nya ang kanilang mga lokal na industriya sa hindi balanseng kompetisyon at makalikom ng pera para sa gobyerno.
Mula April 9, ang exports ng Pilipinas sa Amerika ay magkakaroon ng 17 porsiyento na tariff. Mas matindi ang tariff sa ating mga kakompetensiya sa Southeast Asia. Tulad ng Vietnam, 46 porsiyento, Thailand, 36 porsiyento, Indonesia, 32 porsiyento, Malaysia, 24 porsiyento, at Cambodia, 49 porsiyento.
Ang Amerika ang pinakamahalagang export market ng Pilipinas. Nung 2024, and ating exports sa Amerika ay may halagang $12.14 bilyon o 16.6 porsiyento ng kabuuang halaga ng exports natin sa mundo. Pumapangalawa ang Japan (14%); Hong Kong (13%), China (12.9%) at Korea (5%).
Ang top export ng Pilipinas ay electronic products na may halagang $39.1 billion o katumbas ng 53.4 porsiyento ng kabuuang exports natin nung nakaraang taon.
Paano ba tayo maapektuhan nito?
Hindi simple. Ganito ang puwedeng mangyari:
- Dahil sa ang Pilipinas ang may pinakamaliit na tariff sa ating mga kapitbahay sa Southeast Asia, maaring mas mura mag-import sa atin kaya mukhang disimulado ang puwedeng maging negatibong epekto sa atin. Pero dahil magkokonektado ang mga supply chain sa buong mundo, hindi rin tayo puedeng makaligtas sa pagtaas ng presyo ng ibang inputs na galing sa ibang bansa para mabuo natin ang final product para mai-export sa Amerika. Tataas at tataas pa rin ang gastos sa pagbuo ng final product.
- Ang epekto sa Amerika ay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Babagsak ang purchasing power o ang kapasidad ng mga mamimili na gumastos, babagsak ang demand ng kanilang consumers, babagsak din ang revenues o kita ng mga kumpanyang gumagawa ng produkto at sa dulo’y babagsak din ang inaasahang paglago ng mga ekonomiya. At sino pa ang higit na tatamaan? Ang mga trabahador o empleyado ng mga kumpanyang apektado ng pagbaba ng paggastos ng mga consumers. Tataas ang unemployment rate at mas titindi pa ito dahil walang gustong mag-invest habang malabo pa ang takbo ng negosyo.
- Hindi malayo na maapektuhan din ang ating mga OFW. Puwede rin silang mawalan ng trabaho dahil sa pagbagal ng negosyo sa mga bansa. Kaya babagsak din ang daloy ng OFW remittances na nung 2024 ay umakyat sa $38 bilyon o 8.3 porsiyento ng ating ekonomiya at kung saan sa Amerika pa rin ang pinakamalaking pinanggagalingan ng remittances. Pati na rin ang industriya ng BPO o business process outsourcing ay puwedeng humina sa pagbagal ng komersiyo. Kahit ang pagbagal ng maritime trade ay puwedeng magdulot ng problema sa ating mga seafarers at sea workers.
- At dahil sa pagtaas ng unemployment rate sa ating bansa at sa abroad, hihina rin siyempre ang demand sa ibang sector tulad ng property at consumer goods. Pati na rin ang travel at turismo.
- Ang nangyayari sa stock market sa Amerika at sa iba pang bahagi ng mundo ay sinusundan din ng ating lokal na stock market. Patuloy pa rin itong bumabagsak dahil sa kawalan ng optimismo sa direksyon ng economic policies ni Trump. Hindi Ito makakatulong sa pag-angat ng purchasing power ng mga tao. Kung Ito ay magtatagal pa sa mas mahabang panahon at idagdag pa natin ang komplikasiyon ng paglaban ng ibang bansa sa pagpataw ng mataas din na tariff sa mga exports ng Amerika sa kanilang bansa, ang tinatawag na trade war na Ito ay lalong palalalimin ang pagkalugmok ng ekonomiya ng buong mundo.
- Sa kaso ng ating personal finance, babagsak din ang ating kakayahang mag-ipon at mag-invest kung may mga banta ng kawalan ng trabaho, pagbagsak ng halaga ng pera natin sa stock market, ang pagtaas ng interest rate at ang epekto nito sa ating housing o auto loans at ang mas negatibong outlook natin sa ating ekonomiya.
Juan, patuloy tayong magdasal na sana kumalma ang mundo at hindi mangyari yung ating kinakatakutan na pandaigdigang giyera.