29.8 C
Manila
Linggo, Abril 13, 2025

‘Of War and Peace, and Chemistry’: Bagong Komentaryo na isinulat ng isang eksperto mula sa UP

- Advertisement -
- Advertisement -

KAMAKAILAN lamang ay naglabas si Dr. Imee Su Martinez mula sa Institute of Chemistry ng College of Science ng University of the Philippines – Diliman (UPD-CS IC), kasama si Günter Povoden ng Institute of Inorganic Chemistry sa University of Technology sa Vienna, Austria, ng isang artikulo na pinamagatang “Of War and Peace, and Chemistry.” Tinalakay dito ang mahalagang papel ng chemistry hindi lang sa pagbuo ng mga armas pandigma, kundi pati na rin sa pagtataguyod ng kapayapaan at seguridad sa buong mundo.

Bagaman malaki ang naitutulong ng chemistry sa pag-angat ng mundo, banta rin ito sa kalusugan at kaligtasan ng mga tao. Larawan kuha ni Michael Glazier, Unsplash

Ang kakayahan ng chemistry na magbago mula sa pagiging kaibigan tungo sa pagiging kaaway — mula sa mapayapang mga compound patungong sandata — sa pamamagitan lamang ng pagbuo at pagbuwag ng mga kemikal na bond, ay nagpapaalala sa atin kung gaano ito makapangyarihan,” ayon sa mga may-akda.

Ikinuwento rin sa komentaryo kung paanong ginamit ang chemistry sa mga digmaan, mula pa sa mga sinaunang panahon hanggang sa malakihang paggamit ng chemical weapons noong ika-20 siglo. Malaki rin ang naging papel ng chemistry sa mga pandaigdigang labanan gaya ng World War I and II, at maging sa mga mas bagong insidente tulad ng sarin gas attacks sa Syria at Japan.

“Bilang pagpapakita ng pagkakaisa at matinding pagtutol laban sa paggamit ng chemical weapons, binuksan para sa pagpirma ang Chemical Weapons Convention noong Enero 13, 1993 sa Paris, at nilagdaan ito ng 130 bansa sa loob lamang ng unang dalawang araw,” pagbabahagi ng mga awtor. Ang Chemical Weapons Convention ay kasalukuyang ipinatutupad ng Organization for the Prohibition of Chemical Weapons (OPCW).

Binanggit din nina Martinez at Povoden na bagamat may magandang naidudulot ang mga bagong teknolohiya gaya ng high-throughput experimentation, drones, 3D printing, artificial intelligence (AI), at synthetic biology para sa ikauunlad ng lipunan, may kaakibat pa rin itong panganib — lalo na kung gagamitin ang mga ito sa maling paraan, tulad ng paggamit ng nakalalasong kemikal sa hindi tamang layunin.

Ang komentaryo ay nagsisilbing pagninilay at panawagan sa buong scientific community na tiyaking ang mga bagong tuklas sa chemistry ay hindi magagamit sa masama.

“Ang ‘mapayapang paggamit ng chemistry’ ay isang adhikain na nangangailangan hindi lang ng patuloy na pagbabantay, kundi ng maraming henerasyon ng mga siyentipikong may ‘chemical conscience’ — isang responsableng pananaw sa chemistry na pinalalalim sa pamamagitan ng science communication, policy advice, at edukasyon,” ayon kina Martinez at Povoden.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -