DALAWANG magkaibang wika ang Ingles at Filipino. Magkaibang-magkaiba ang mga wikang ito sa tatlong aspekto ng gramatika – ponolohiya (mga tunog ng wika), morpolohiya (pagbubuo ng mga salita) at sintaks (estruktura ng mga pangungusap).
Kaya nakabahala ang nabasa ko sa Facebook post ng isang kaibigang propesor sa Filipino tungkol sa panukala daw ng DepEd na i-merge (pagsamahin) ang Ingles at Filipino sa Senior High School (SHS). Batid natin na kasalukuyang inaayos o binabago ang kurikulum ng SHS at binabawasan ang mga sabjek.
Paano kaya pagsasamahin ang dalawang magkahiwalay na sabjek – Ingles at Filipino? Sino ang magtuturo, ang English teacher ba o ang guro sa Filipino? O magkasama sila? Paano ang teaching load? Mababawasan ba ang oras ng pagtuturo, at pati na rin ang sweldo?
Ang rasyonal daw sa likod nito ay translanguaging. Lalo na akong nagtaka. Dahil sa kaunting kaalaman ko, ang translanguaging ay hindi pagsasama bilang isang sabjek na lamang ng dalawang magkaibang wika. Ang translanguaging ay estratehiya sa pagtuturo ng wika na layong mapadali ang pagkatuto ng pangalawang wika.
Baka naman nagkamali lamang ako ng pagkaintindi tungkol sa balak na merger. Ang totoo’y may translanguaging na sa Grade 1 ng Matatag Curriculum. Pero iwan na muna natin ang paksang iyan. Hindi pa naman daw malinaw at/o wala pang tiyak na mga plano. Kaya pagtuunan na muna natin ang pagkakaiba ng Ingles sa Filipino at ipakita kung saan nahihirapan ang Pilipinong nag-aaral ng Ingles dahil sa mga pagkakaibang ito.
Ang mga pronoun/panghalip
Sa Ingles, may gender o kasarian ang mga panghalip: HE/HIS para sa lalaki, SHE/HER para sa babae. Sa Fiipino, SIYA/NIYA/KANYA ang gamit babae man o lalaki. Karaniwang pagkakamali, maging ng matatanda nang manunulat at journalist, ang ganitong katawa-tawang pahayag: HIS husband, HER wife. Katawa-tawa ang kamalian. Bakit? Dahil ang husband ay asawang lalaki at ang wife ay asawang babae. At ang asawa ng lalaki ay itinuturing nating babae, samakatwid, ang dapat gamitin ay HER husband (dahil babae ang tinutukoy ng HER). Gayon din, ang asawa ng wife ay lalaki, kaya ang panghalip na tumutukoy sa asawa ng wife ay dapat maging HIS – HIS wife.
Mangyari pa, sa kasalukuyan, na mayroon nang mag-asawang pareho ng kasarian (parehong babae o parehong lalaki), parang mahirap nang ipilit pa iyan. Pero sa punto de bista ng gramatika, iyan pa rin ang umiiral.
Sa Filipino, walang problema. SIYA at NIYA ang ginagamit ano man ang kasarian. Asawa niya, siya ang asawa. Wala ring kasarian ang asawa. Pwedeng lalaki, pwede ring babae. May matandang salitang ginagamit noon pero tila nabura na sa kamalayan ng mga tagapagsalita – TAO para sa asawang lalaki at MAYBAHAY para sa asawang babae. Sa ngayon, ginagamit na ang salitang Bisaya na BANA para sa asawang lalaki. Pwede ring MISTER mula sa Ingles at MISIS naman para sa babae. Esposo/esposa mula sa Kastila, pero iilan lamang ang gumagamit nito. Mas uso ang MISTER at MISIS.
Marami pa ring nagkakamali ng gamit ng panghalip sa ganito namang kaso: “Vice President Sara Duterte stayed in the Hague for almost a month to look after HIS father.” Ang tinutukoy ng HIS ay ang pangalawang pangulo, na isang babae, kaya dapat ay HER ang ginamit. Iniisip siguro ng sumulat na kailangang umayon sa gender ng FATHER (panlalaki) ang panghalip na paari (HIS/HER) ng FATHER. Ang panghalip ay dapat umayon sa gender ng pangngalan na tinutukoy nito, na sa pangungusap na nabanggit ay si VP Sara.
Sa Filipino, walang problema. Lalaki, babae, ano man ang kasarian, SIYA, NIYA, KANIYA ang gamit.
Ang kailanan ng noun/pangngalan
Ang kailanan ay tungkol sa bilang ng noun o pangngalan. Singular kapag isa lamang, plural kapag dalawa o higit pa. Sa Ingles, nilalagyan ng S ang dulo ng noun para maging plural. Sa Filipino, hindi tanda ng pagiging plural ang paglalagay ng S sa dulo ng pangngalan, kontra sa iginigiit ng ilan. Halimbawa, ang “balbas” at “bayabas” kahit kapwa may S sa dulo ay hindi tanda na marami ang tinutukoy.
Walang kailanan ng pangngalan sa Filipino kontra sa itinuturo sa atin ng mga aklat sa gramatika. Hindi nagbabago ang anyo ng pangngalan kahit iisa o marami ang tinutukoy. Gumagamit ng pamparami ng pangngalan para malaman kung isa lang o marami ang tinutukoy. Ang mga pamparami ng pangngalan ay:
- mga – ang bata, ang mga bata
- bilang – isang bata, dalawang bata
- pag-uulit – matanda, matatanda, magkapatid, magkakapatid
Hindi totoo na ang panlaping MAG- ay gamit sa pagpaparami ng pangngalan. Ang MAG- ay nagpapakita ng relasyon. Halimbawa: magpinsan, magbiyenan, mag-asawa. Kapag inulit ang KA sa magkapatid (2 tao na kapatid ng isa’t isa), at naging magkakapatid, tatlo na o higit pa ang tinutukoy.
Ang mga verb/pandiwa
Sa Ingles, kailangang matutuhan ang isahan at maramihang anyo ng pandiwa para umayon sa bilang ng noun na nagsasagawa ng kilos.
Kapag isahan ang subject o ang nagsasagawa ng kilos, isahan din ang anyo ng pandiwa. Kaya ang paalala sa mga estudyante, kapag may S ang noun, walang S ang verb. Kapag walang S ang noun, may S sa dulo ang verb. Halimbawa: “The boy eats. The boys eat.”
Sa Filipino, hindi ganyan. Tingnan ang mga pangungusap na ito:
- Tumakbo ang bata.
- Tumakbo ang mga bata.
- Nagtakbuhan ang mga bata.
- Nangagtakbuhan ang mga bata.
Kahit “bata” o “mga bata” ang nagsasagawa ng kilos, tama ang “tumakbo.” Samantala, “nagtakbuhan” naman ang ginamit sa Blg. 3 para bigyang pansin ang maramihang kilos ng mga bata. Pero maling sabihin ang “Nagtakbuhan ang bata.” Ang “nangagtakbuhan” ay pagmaramihang anyo rin na bihira nang gamitin ngayon.
Ayos ng pangungusap
Sa Ingles, sa pangkalahatan, ang ayos ng pangungusap ay: Subject – Verb – Object.
Sa Filipino, may dalawang ayos ng pangungusap: 1. Panaguri – Simuno at 2. Simuno – Panaguri (ang ayos ng pangungusap na may AY.Halimbawa: Ang bata AY kumakain vs. Kumakain ang bata.) May kanya-kanyang gamit ang dalawang ayos ng pangungusap bagama’t pinaniniwalaan sa ngayon na mas dinamiko at mas mapwersa ang mga pangungusap na nauuna ang panaguri (maaaring pandiwa, pang-uri o pang-abay) kaysa sa ayos ng pangungusap na may AY. Gayon man, may pagkakataon na hindi maiwasan o kailangang gamitin ang pangungusap na may AY. Pero saka na natin tatalakayin iyan.
Karaniwang pagkakamali ng mga estudyante ang ganito: “I was absent yesterday because my father WAS DIED). Marahil, nagsalin ang estudyante mula Filipino tungong Ingles kaya sinabing WAS DIED na itinumbas sa “AY NAMATAY.” Pinaniniwalaan kasi na ang AY ay katumbas ng IS/ARE o WAS/WERE sa Ingles.
Ang isa pang karaniwang pagkakamali ng mga estudyante ay ang paghahalo-halo ng tenses, magsisimula sa past tense saka biglang magiging present tense. Kahit mga kilala nang manunulat ay may ganito pa ring sakit, paminsan-minsan. Halimbawa: “I went shopping yesterday. When I arrive at the mall, I am seeing my friend at a fast food joint.” Naghalo na ang past (went), present (arrive) at -ing form na hindi angkop sa pangungusap na ito. Sa Filipino kasi, pwedeng maghalo-halo ang pangkasalukuyan at pangnakaraang anyo ng pandiwa. Halimbawa: Kumakain (pangkasalukuyan) sila nang ako’y dumating (pangnakaraan). Ang AM SEEING naman ay isa sa mga kaso pa rin ng impluwensya ng unang wika sa pag-Ingles natin. Dahil pa rin sa anyo ng pandiwa na may AY na inakalang katumbas ng IS/ARE sa Ingles.
Ang mga iyan lang naman ay nagpapatunay ng ating sariling brand ng wikang Ingles na ikinaiba natin sa ibang mga tagagamit.
Ilan lamang ang mga pagkakaibang ito ng Ingles at Filipino. May mga iba pa ngunit hanggang dito na lamang muna tayo.